backup og meta

Body Odor: Ano Ang Maaaring Gawin Tungkol Dito?

Body Odor: Ano Ang Maaaring Gawin Tungkol Dito?

Ang pagkakaroon ng kumpiyansa sa sarili ay paraan upang magawa ang mga bagay na gusto mong gawin. Kung hindi ka naniniwawala sa iyong sarili at sa iyong mga kakayahan, maaaring nagdududa ka at ikinahihiya mo ang iyong sarili. Ang pagkakaroon ng magandang pagtingin sa sarili ay kinabibilangan ng kaaya-ayang itsura, at syempre pagiging mabango rin. Kung ikaw ay nakararanas ng sobrang pagpapawis at body odor, may solusyon sa mga problemang ito. Ito ay dahil maraming maaaring mabili at magamit na solusyon sa body odor.

Isa sa mga nakasisira ng araw ng isang tao ay ang pagkakaroon ng body odor. Kapag ikaw ay sobrang nagpapawis, ikinababahala mo kung ano ang naaamoy at naiisip ng iba. Bukod pa rito, ang pawis ay nagiging kapansin-pansin sa iyong damit.

Ang sobrang pagpapawis ay nagiging sanhi ng body odor. At lahat ng tao ay nagpapawis, anuman ang kanilang edad at kasarian. Alamin sa artikulong ito ang mga sanhi at solusyon sa body odor upang hindi mo na maranasan ang pagkakaroon ng may amoy na kilikili.

Bakit Nagkakaroon Ng Body Odor?

Ang pagpapawis at body odor ay kadalasang magkasama kung mangyari. Kung ikaw ay sobrang magpawis, mas mataas ang iyong tyansa na magkaroon ng body odor. Bago alamin ang mga solusyon sa body odor, makatutulong na malaman muna kung bakit ito nangyayari. At upang maunawaan kung ano ang body odor, mahalagang malaman kung bakit mahalaga ang pagpapawis.

Ang pagpapawis, o perspiration, ay nangyayari kung ang katawan ay naglalabas ng fluid sa pamamagitan ng sweat glands na matatagpuan sa ibabaw ng balat. May dalawang pangunahing uri ng sweat glands sa katawan:

  • Eccrine Glands. Ang eccrine glands ay sweat glands na matatagpuan direkta sa ibabaw ng balat.
  • Apocrine Glands. Ang apocrine glands ay sweat glands na matatagpuan sa bahagi ng katawan na may pinakamaraming hair follicles tulad ng kilikili, singit, at anit.

Bakit Tayo Nagpapawis?

Sa pamamagitan ng pagpapawis, naiiwasang maging lubhang napakainit ng katawan. Sa tuwing ikaw ay nagpapawis, ang kahalumigmigan na makikita sa mga tiyak na bahagi ng katawan ay natutuyo dahil sa pagkakalantad sa hangin. Ito ang dahilan ng pagkakaroon ng malamig na pakiramdam.

Gayunpaman, ang pawis ay may negatibong epekto: ang amoy nito. Mahalagang tandaan na ang pawis mismo ay walang amoy. Subalit kapag nagkaroon ng interaksyon ang bakterya sa balat at ang pawis, ito ang nagiging sanhi ng body odor.

Gayundin, sa panahon ng puberty, normal ang biglang pagtaas ng body odor sa mga nagdadalaga at nagbibinata. Ito ay dahil pinasisigla ng hormones ang apocrine glands na sanhi upang mas pagpawisan ang isang tao. Bukod sa hormones, marami pang salik ang maaaring makaapekto sa body odor.

Subalit ang pagpapawis ay normal at malusog na pagkilos ng katawan.

Ano Ang Mga Sanhi Ng Body Odor?

Ang pag-alam sa mga dahilan kung bakit ka nagpapawis ay makatutulong sa iyong doktor upang matukoy ang wastong solusyon sa body odor na angkop para sa iyo.

Ang mga salik na maaaring makaapekto o makapagpalubha ng body odor ay ang mga sumusunod:

  • Mainit o mahalumigmig na panahon
  • Pag-eeherisyo o pisikal na gawain
  • Pagiging overweight o obese
  • Pagbabago sa hormone
  • Pagiging stress o balisa
  • Hyperhidrosis

[embed-health-tool-bmi]

Hyperhidrosis

Kung napapansin mong sobra ang iyong pagpapawis kahit wala namang dahilan upang ikaw ay pagpawisan, maaaring ikaw ay may kondisyong tinatawag na hyperhidrosis. Ang hyperhidrosis ay ang sobrang pagpapawis sa mga tiyak na bahagi ng katawan tulad ng kilikili, talampalan, at maging sa mga palad.

Ang hyperhidrosis ay hindi nakamamatay. Gayunpaman, ito ay dahilan ng lubhang pagiging self-conscious at mahiyain, lalo na kung may kasamang body odor. Ang kondisyong ito ay may dalawang uri:

1. Primary Focal Hyperhidrosis

Ang Primary Focal Hyperhidrosis ay maaaring mangyari sa sinumang malusog na tao. Ito ay ang sobrang pagpapawis sa ilang mga bahagi ng katawan tulad ng mga paa, palad, kilikili, o mukha.

Ang uring ito ng hyperhidrosis ay walang medikal na pagpapaliwanag. Naniniwala ang mga doktor na ang sobrang reaksyon ng sweat glands ang sanhi nito.

2. Secondary Hyperhidrosis

Ang Secondary hyperhidrosis ay ang sobrang pagpapawis na kaugnay ng mga medikal na kondisyon tulad ng gout, diabetes, problema sa thyroid, mga karamdaman sa nervous system, at iba pa.

Para sa mga nakararanas ng sobrang pagpapawis na nakaaapekto na sa kanilang araw-araw na buhay, ang solusyon sa body odor ay kadalasang kinabibilangan ng pagbibigay ng solusyon sa pagpapawis. May mga gamutan na maaaring isagawa para sa hyperhidrosis. Kumonsulta sa iyong doktor para sa mga karagdagang impormasyon.

Soluyson Sa Body Odor: Paano Ito Maiiwasan?

Bukod sa paghahanap ng mga solusyon sa body odor, ang pagbibigay ng solusyon sa kondisyong ito ay kinabibilangan ng simpleng hygiene practices sa iyong araw-araw na gawi. Upang makaiwas sa pagkakaroon ng body odor, siguraduhing:

  • Maligo araw-araw at siguraduhing nasasabunan ang lahat ng bahagi ng katawan. Kung ikaw ay nakatira sa lugar kung saan ang panahon ay mahalumigmig, subukang maligo sa tuwing pinagpapawisan.
  • Magsuot ng malinis na damit. Atkung posible, magsuot ng damit na angkop sa panahon. Gayundin, subukang bumili ng mga damit na gawa sa malalambot na tela tulad ng cotton.
  • Iwasan ang mga maaanghang at mga pagkaing may matapang na lasa o amoy.
  • Upang maiwasan ang pagkakaroon ng putok sa kilikili nang hindi gumagamit ng deodorant, ahitin ang mga buhok sa bahaging ito. Kung ang kilikili ay may kakaunting buhok, mas mababa ang tyansa na magkaroon ng interaksyon ang bakterya at pawis.

Mga Solusyon Sa Body Odor

Maaaring magamot ng mga doktor ang hyperhidrosis sa pamamagitan ng mga medikal na interbensyon. Gayunpaman, ang body odor ay hindi nagagamot. Narito ang mga posibleng solusyon sa sobrang pagpapawis na sanhi ng body odor:

  • Antiperspirants. Ang unang bagay na maaaring irekomenda ng dermatologist sa sobrang pagpapawis ay ang antiperspirant. Ito ay katulad ng deodorant.
  • Botulinum toxin injections. Ang botulinum toxin injections, na kilala rin bilang botox, ay maaaring gawin para sa mga nakararanas ng sobrang pagpapawis sa kilikili. Sa prosesong ito, ang doktor ay nag-iinject ng kaunting botox sa iba’t ibang bahagi ng kilikili. Sa pamamagitan nito, napipigilan ng mga kemikal sa katawan na pasiglahin ang sweat glands.
  • Mga gamot. Maaaring magreseta ng gamot ang iyong doktor na makatutulong upang maiwasan ang pagpapawis ng sweat glands. Ang ganitong uri ng solusyon sa body odor ay hindi pinapayo sa mga nag-eehersisyo at sa mga nakatira sa maiinit na lugar.
  • Operasyon. Kung hindi maging epektibo ang mga nabanggit na solusyon sa body odor, maaaring irekomenda ng doktor ang operasyon. Sa prosesong ito, tatanggalin ang ilang sweat glands o sympathectomy.

Ang sympathectomy ay isang operasyon kung saan sinisira ang mga ugat na nagpapadala ng signals sa sweat glands. Mahalagang tandaan na ang mga operasyon ito ay may mga kaugnay na panganib tulad ng impeksyon o sugat.

Key Takeaways

Ang body odor ay maaaring makaapekto sa kumpiyansa ng isang tao. Ito rin ay maaaring maging dahilan upang hindi maging komportable sa mga sitwasyong panlipunan. Ang sobrang pagpapawis ay ang kadalasang pangunahing sanhi ng body odor. Ito ay maaaring masolusyunan sa pamamagitan ng mga medikal na interbensyon o hygiene practices. Bagama’t walang tiyak na paraan o proseso upang mawala ang body odor ng isang tao, may mga maaaring baguhin sa paraan ng pamumuhay, gayun na rin mga prosesong maaaring gawin, upang masolusyunan ang sobrang pagpapawis.

Matuto pa tungkol sa General Hygiene dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

All About Puberty, https://kidshealth.org/en/kids/puberty.html, Accessed June 14, 2020

Hyperhidrosis, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/hyperhidrosis/symptoms-causes/syc-20367152, Accessed June 14, 2020

Body Odour (BO), https://www.nhs.uk/conditions/body-odour-bo/, Accessed June 14, 2020

Sweating and Odor: Possible Causes, https://my.clevelandclinic.org/health/symptoms/17865-sweating-and-body-odor/possible-causes, Accessed June 14, 2020

Hyperhidrosis: Diagnosis and Treatment, https://www.aad.org/public/diseases/a-z/hyperhidrosis-treatment, Accessed June 14, 2020

Kasalukuyang Version

10/06/2022

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni John Paul Abrina, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Ano ang Solusyon sa Sobrang Pagpapawis o Hyperhidrosis?

Cholera Outbreak: Mga Dapat Malaman Tungkol sa Cholera


Narebyung medikal ni

John Paul Abrina, MD

Oncology · Davao Doctors Hospital


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement