Habang tumatanda tayo sumasailalim ang ating katawan sa iba’t ibang pagbabago na maaaring magpataas ng panganib natin na magkaroon ng ilang partikular na kondisyon sa kalusugan. Pwede tayong makaranas ng pag-decline ng immune function, pagbaba ng density ng buto, mga pagbabago sa hormone levels, at pagtaas ng ating panganib sa mga malalang sakit tulad ng sakit sa puso, diabetes, at kanser, dahil sa pagtanda natin.
Gayunpaman, ang lifestyle factors gaya ng mahinang nutrisyon, kawalan ng ehersisyo, paninigarilyo, at sobrang pag-inom ng alak ay maaari ring magpataas ng ating panganib na magkaroon ng mga problema sa kalusugan habang tumatanda tayo. Kaya’t napakahalaga para sa atin na mapanatili ang isang malusog na pamumuhay, at maging up-to-date sa mga preventive health screening, para mabawasan ang panganib sa pagkakaroon ng mga problema sa kalusugan habang tumatanda.
Dagdag pa rito, ang pag-alam din ng mga karaniwang sakit ng edad 50 pataas ay nakakatulong upang maiwasan ito, mas mapangalagaan ang sarili, at makakuha ng angkop na paggamot sa karamdaman. Kaya para malaman ang mga karaniwang sakit ng edad 50 pataas, patuloy na basahin ang article na ito.
6 Na Karaniwang Sakit Ng Edad 50 Pataas
Kilala si Dr. Willie Ong sa Pilipinas bilang isang doktor na nagbibigay ng payo sa kalusugan at kagalingan sa pamamagitan ng iba’t ibang channel ng media — at isa sa mga paksang kanyang tinalakay sa kanyang social media platform ay ang mga karaniwang sakit ng edad 50 pataas.
Narito ang mga sumusunod:
1. Kanser
Ayon sa iba’t ibang article, pag-aaral, at eksperto, ang panganib ng pagkakaroon ng kanser ay tumataas habang tumatanda tayo. Kung saan ilan sa mga pinakakaraniwang uri ng kanser sa mga matatanda ay ang kanser sa suso, kanser sa prostate, kanser sa baga, at kanser sa colorectal.
2. Osteoporosis
Maraming pagkakataon na habang tumatanda ang isang tao ay kasabay nitong humihina ang kanyang mga buto. Kaya naman karaniwan ang osteoporosis sa mga sakit na pwedeng maranasan ng isang tao na nasa edad 50 pataas. Ang osteoporosis ay isang kondisyon kung saan ang mga buto ng tao ay nagiging mahina at malutong, na nagdaragdag ng panganib ng pagkakaroon ng bali.
3. Arthritis
Ito ay isang kondisyon na nagdudulot ng pamamaga at pananakit sa mga kasukasuan, na maaaring magpahirap sa paggalaw, at paggawa ng mga pang-araw-araw na gawain, dahil sa dulot na pamamaga at pananakit ng kondisyon na ito.
4. Hypertension o mataas na presyon ng dugo
Isa itong kondisyon na ang pwersa o force ng dugo laban sa walls ng mga ugat o arteries ay masyadong mataas. Maaari itong humantong sa sakit sa puso, stroke, at iba pang mga problema sa kalusugan, kapag hindi ito na-manage o nabigyan ng angkop na paggamot.
5. Diabetes
Maaaring magkaroon ng diabetes ang mga taong nasa edad 50 pataas, kapag ang katawan ng isang tao ay hindi gumagawa ng sapat na insulin o hindi ito ginagamit nang maayos, na humahantong sa pagtaas na blood sugar level. Ayon sa mga pag-aaral, at eksperto ang diabetes ay maaaring magdulot ng iba’t ibang problema sa kalusugan, kabilang ang sakit sa puso, sakit sa bato, at pinsala sa ugat.
6. Alzheimer’s disease at iba pang anyo ng dementia
Ang mga sakit at kondisyon na ito ay madalas sa mga matatanda, ngunit posible rin na magkaroon ang mga nasa batang edad. Maaaring makaapekto sa memorya, pag-iisip, at pag-uugali ng isang tao ang mga sakit na ito. Kung saan posible rin ito na magkaroon ng malaking epekto sa kalidad ng buhay ng isang indibidwal.
Paano Nga Ba Pwedeng Pahabain Ang Buhay?
Narito ang ilang mga tip paano maaaring alagaan ang sariling kalusugan at mapahaba ang iyong buhay:
- Mag-ehersisyo nang regular
Ang regular na ehersisyo ay maaaring makatulong na mapabuti ang iyong pisikal at mental na kalusugan. Inirerekomenda ni Dr. Ong ang pagsasagawa sa hindi bababa sa 30 minuto ng physical activity araw-araw, tulad ng mabilis na paglalakad, jogging, o pagbibisikleta.
- Pamahalaan ang stress
Ang stress ay maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa iyong kalusugan. Kaya naman nagpayo si Dr. Ong na maghanap ng mga paraan upang pamahalaan ang stress, tulad ng pagmumuni-muni, yoga, at paggugol ng oras sa mga mahal sa buhay.
- Iwasan ang paninigarilyo at sobrang pag-inom ng alak
Ayon kay Dr. Ong ang paninigarilyo at labis na pag-inom ng alak ay maaaring magpataas ng panganib na magkaroon ng iba’t ibang problema sa kalusugan. Kaya naman mas mainam kung iiwasan at lilimitahan ang paggamit at pagkonsumo nito.
- Kumuha ng sapat na tulog
Ang pagkakaroon ng sapat na tulog ay mahalaga para sa iyong pangkalahatang kalusugan at kagalingan. Inirerekomenda ni Dr. Ong na matulog ng hindi bababa sa 7-8 oras bawat gabi.
- Magkaroon ng balanseng diyeta
Isa sa mga payo ni Dr. Ong para mapangalagaan ang sariling kalusugan, dapat na magkaroon ang isang indibidwal ng balanseng diyeta na kinabibilangan ng mga prutas, gulay, whole grains, at lean proteins. Idinagdag din niya na makakabuti ang pag-iwas sa mga processed at junk foods para mas maging malusog ang ating katawan.
- Regular na bumisita sa iyong doktor
Ang regular na pagpapatingin sa iyong doktor ay maaaring makatulong na makita ang anumang mga problema sa kalusugan nang maaga. Inirerekomenda ni Dr. Ong na magpatingin sa iyong doktor kahit isang beses sa isang taon para sa isang check-up.
Sa kabuuan, mahalagang tandaan na ang mga karaniwang sakit ng edad 50 pataas ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng healthy lifestyle, tulad ng pagkain ng balanseng diyeta, pagkuha ng regular na ehersisyo, hindi paninigarilyo, at pamamahala ng stress.