backup og meta

Paano Mapapanatili ng mga Nakatatanda ang Kanilang Kalusugan?

Paano Mapapanatili ng mga Nakatatanda ang Kanilang Kalusugan?

Walang sinuman ang hindi tatanda. At kaakibat din ng pagtanda ang pagbabago. May mga aktibidad at gawain na maaaring nagagawa mo noong kabataan mo pa na hindi mo na nagagawa ngayong pagtanda. Ngunit kaya mo pa ring maging malakas, malusog, at aktibo. Narito ang mga paraan paano mapanatili ang kalusugan ng matanda paglagpas ng edad na 65.

Paano mapanatili ang kalusugan ng matanda paglagpas ng edad na 65

Sa kabila ng pagiging mas matanda ng ilang dekada kumpara sa ibang age group, madali pa ring lapitan ng anxiety at stress ang mga senior. 

Nagmumula ang mga alalahanin nila sa takot na tumanda. Ngunit dapat maunawaan ng mga senior na normal lamang ang pagtanda at ang mga bagay na kasama nito. Sa katunayan, sa halip na tanggihan at katakutan ito, dapat pahalagahan at yakapin ang pagtanda.

Maaaring mahirap panatiliing malusog ang sarili kapag masyadong kinakabahan. Ito ang dahilan kung bakit dapat malaman ng matatanda na mas malakas at mas may kakayahan sila kaysa sa iniisip nila. Kapag nalampasan na nila ito, mas madali na para sa kanila na gumawa ng mga bagay na makatutulong sa kanilang mapanatili ang healthy lifestyle nila. Dahil dito, narito ang ilang mga tip tungkol sa kung paano mapanatili ang kalusugan ng matanda paglagpas ng edad na 65: 

Kumain ng masustansyang pagkain 

Mahalaga sa pagpapalakas ng enerhiya ang pagkakaroon ng wasto at malusog na diet habang tumatanda. Nagbabago ang mga eating habit habang tumatanda. Napapabagal ng pagtanda ang metabolism, binabago din nito ang mga gustong kainin, at mas matagal din matunaw ang pagkain.

Para magkaroon ng mas malusog na eating habit, ang pagbabago ng diet at paglalagay ng mga pagkaing makatutulong sa metabolism at kabuuang kalusugan ang pinakamahusay na gawin. Kumain ng mas maraming gulay, prutas, at iba pang pagkain na mayaman sa fiber. Limitahan o iwasan ang mga pagkaing mataas sa sugar, refined carbs, at unhealthy fat.

Gayundin, mas mabilis ma-dehydrate ang mga senior kaya dapat manatiling hydrated sa lahat ng oras. 

Maging aktibo

Hindi nangangahulugan na hindi na maaaring maging aktibo ang isang tao dahil sa pagtanda. Sa katunayan, maaaring makatulong sa immune system at sa buong wellbeing ang pagiging aktibo habang tumatanda. May iba’t ibang ehersisyo para sa mga senior na makatutulong sa kanila na manatiling fit, humusay ang kanilang flexibility, mobility, balance, at pagtulog, maiwasan ang paglala ng mga kondisyon, at pati na rin para maalagaan ang kanilang mental health. 

Sa Pilipinas, Zumba ang isa sa pinakasikat na pisikal na aktibidad ng mga senior kaya siguraduhing subukan ito!

Unahin ang pag-iwas sa sakit

Paano mapanatili ang kalusugan ng matanda paglagpas ng edad na 65? Mas madaling kapitan ng iba’t ibang sakit at kondisyon sa kalusugan ang matatanda kaysa sa mga mas batang age group. Kaya ang pag-iwas sa sakit ang dapat na prayoridad nila. 

Malaking tulong sa pagbabantay sa kasalukuyang kalagayan ang regular na pagpunta sa doktor. Gayundin, lubos na inirerekomenda ang pagpapabakuna para sa trangkaso at pulmonya para sa mga senior na nasa edad 65 at mas matanda pa.

Maaari din kumuha ng mga regular na health screening ang mga senior upang malaman kung nasa panganib sila ng anumang kritikal na sakit tulad ng kanser at iba pa. Pinapayo rin na ipasuri, o baguhin paminsan-minsan ang kanilang mga gamot upang umangkop sa kanilang mga pangangailangan.

Humingi ng tulong

May mga senior na nag-aalangan humingi ng pabor lalo na sa mga gawain na kaya nilang gawin noon. Kapag humingi sila ng tulong, hindi ito nangangahulugan na wala na silang kayang gawin. Nangyari lamang na kailangan na nila ng karagdagang tulong sa ilang mga gawain, lalo na ngayon na mas nagiging malapit na sila sa mga aksidente at pinsala.

Makihalubilo

Isa sa pinakamagandang paraan para mapanatili ang kalusugan ng matanda paglagpas ng edad na 65 ang pakikihalubilo sa ibang tao. Nakatutulong sa mga senior ang madalas na pakikipag-usap sa iba at paggawa ng mga aktibidad kasama ang pamilya at mga kaibigan na harapin nang mas mabuti ang kanilang pagtanda. 

Nakatutulong sa kanila ang pagkakaroon ng kasama, lalo na ang mga taong malalapit sa kanila, na mapakalma ang kanilang anxiety at mga alalaahin. Naiiwasan din dito ang pagkakaroon nila ng depression. Nakatutulong sa matatanda ang pakikihalubilo para maibalik at maiangat ang tiwala at pagpapahalaga nila sa sarili.

Pagbutihin ang memorya at pag-iisip

Mas madaling magkaroon ng problema sa memorya at pag-iisip ang mga senior. Kaya naman higit na mas kailangan nilang gumawa ng mga brain exercise na makapagpapasigla ng kanilang memorya at pang-unawa.

Bukod sa mga karaniwang aktibidad tulad ng paggawa ng mga puzzle, crossword, at paglalaro ng chess, maaari ding sumubok ng bagong larangan ang mga senior tulad ng musika, wika, at teknolohiya. Hindi lamang napapabuti ng mga aktibidad na ito ang kanilang memorya at pag-iisip, kundi nakatutulong din ito sa kanilang utak.

Tanggapin ang mga pagbabago at matutong harapin ito

Ang pagtanggap at pagharap sa mga pagbabagong dala ng pagtanda ang susi para mapanatili ang kalusugan ng matanda paglagpas ng edad na 65. Maaaring madali lamang itong sabihin kaysa gawin. Ngunit makatutulong ito sa mga senior na magkaroon ng mas positibong pananaw sa buhay.

Dapat suportahan ng pamilya at mga kaibigan ang mga senior na harapin ang mga pagsubok na dala ng pagtanda. Dapat din nilang tulungan ang matatanda na mahalin ang pagtanda sa halip na katakutan ito.

Gumawa o maghanap ng mga bagong gawain na makapagpapasaya sa iyo

Hindi dapat maging hadlang ang katandaan para gawin ng isang tao ang nagpapasaya sa kanya. Para sa mga matanda na ginugol ang buong buhay nila para magtrabaho para sa pamilya, ito ang tamang panahon para maging masaya sa kanilang mga libangan na naiwan nila noong kanilang kabataan.

Kung nais libutin ang mundo, gawin ang mga extreme sport, matuto ng bagong wika, o maglaan lang ng oras kasama ang pamilya. Nasa iyo na ang lahat ng oras sa mundo para gawin ang mga bagay na gusto mo ngayon. Ngunit siguraduhin lamang na nasa tamang kondisyon ang iyong kalusugan upang ituloy ang mga gawain na ito, lalo na kung kinakailangan maging mas aktibo dito.

Maging mas bukas tungkol sa mental at emotional health

Makikita sa mga matatandang mag-isa sa buhay, nasa pangangalaga ng mga care home, o mga nasa ospital ang major depression at iba pang kondisyon sa pag-iisip.

Karamihan sa matatanda ang nagkakaroon ng sakit sa pag-iisip dahil sa kalungkutan at takot na tumanda. Para malabanan ang sitwasyon na ito, kailangan ng gabay at suporta ng matatanda mula sa kanilang mga mahal sa buhay para maharap nila ito at mas maging bukas tungkol sa kanilang mental at emosyonal na kalagayan.

Dapat din isaalang-alang ng matatanda ang pagkuha ng counseling at talk therapy sa isang propesyonal.

Unahin ang iyong kapakanan sa iba

Bukod sa mga nabanggit sa itaas, mahalagang unahin ang pangangalaga sa sarili. Ito ang pinakamahusay na paraan para mapanatili ang kalusugan ng matanda paglagpas ng edad na 65. Walang masama sa pag-aalaga at pagmamahal sa kapwa. Ngunit para unti-unting makayanan ng mga matanda ang mga pagbabago, kailangan muna nila matutunan pahalagahan ang kanilang mga sarili.

Nagbibigay ng positibong epekto sa pagpapahalaga ng damdamin at mga pangangailangan ng isang tao ang pagbibigay ng prayoridad sa sarili. Hindi lamang napapabuti ng pangangalaga sa sarili ang tiwala ng matatanda sa kanilang mga sarili ngunit pati na rin ang kanilang kabuuang kalusugan at kapakanan.

Key Takeaways

Paano mapanatili ang kalusugan ng matanda paglagpas ng edad na 65? Madalas na inuugnay ng karamihan ang pagtanda sa kahinaan at mga limitasyon. Ngunit ang totoo, baligtad ito. Maaari ka pa rin mamuhay nang masaya at malusog kung uunahin ang sariling kalusugan at kapakanan.

Matuto pa tungkol sa Healthy Aging at Aging Community dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Aging Well https://www.helpguide.org/articles/alzheimers-dementia-aging/staying-healthy-as-you-age.htm Accessed August 26, 2020

Health Tips for Older Adults https://www.niddk.nih.gov/health-information/weight-management/healthy-eating-physical-activity-for-life/health-tips-for-older-adults Accessed August 26, 2020

Mental Health of Older Adults https://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/mental-health-of-older-adults Accessed August 26, 2020

10 Healthy Habits for Seniors to Keep https://www.aplaceformom.com/blog/11-5-14-healthy-habits-for-seniors/ Accessed August 26, 2020

Top 10 Tips for Healthy Aging https://healthyaging.emory.edu/wp-content/uploads/2016/02/EHAS_Healthy_Aging_Tips.pdf Accessed August 26, 2020

Kasalukuyang Version

10/21/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Mia Dacumos, MD

In-update ni: Jaiem Maranan


Mga Kaugnay na Post

Paano Nagbabago ang Katawan Habang Tumatanda?

Paano Alagaan ang Matandang May Incontinence? Alamin Dito


Narebyung medikal ni

Mia Dacumos, MD

Nephrology · Makati Medical Center


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement