backup og meta

Swimmer's Ear: Ano Ang Kondisyong Ito, At Paano Ito Magagamot?

Swimmer's Ear: Ano Ang Kondisyong Ito, At Paano Ito Magagamot?

Bagama’t ang gamutan sa swimmer’s ear ay kadalasang kailangan matapos pumunta sa beach, kailangan din ito kahit matapos pumunta sa tuyong lugar. Ngunit paano gamutin ang swimmer’s ear? Alamin sa artikulong ito ang mga mga mahahalagang impormasyon tungkol sa swimmer’s ear — ang mga sanhi, sintomas, at gamutan nito.

Ano Ang Swimmer’s Ear?

Ang tenga ay higit pa sa iyong nakikita. Ito ay nahahati sa tatlong bahagi:

  • Labas ng tenga
  • Gitnang bahagi ng tenga
  • Loob ng tenga

Ang labas ng tenga ay ang nakikitang bahagi ng iyong tenga. Ito ay ang pinakalantad na bahagi. Binubuo ito ng auricle, ang panlabas na bahagi ng tenga. Ito ay ang bahaging kadalasang tinutukoy na “tenga” sa mga normal na usapan.

Kapag ang kahulumigmigan ay pumasok sa tenga, ito ay kadalasang hindi dumaraan sa eardrum. Ito ay nananatili sa ear canal. Ang basang ear canal ay nagiging mainam na lugar kung saan dumarami ang germs kaya’t posibleng magkaroon ng impeksyon sa bahaging iyon.

Mga Sanhi Ng Swimmer’s Ear

Katulad ng isinasaad ng pangalan nito, ang paglalangoy ay ang pinakakaraniwang sanhi ng swimmer’s ear. Sa kondisyong ito, may sapat na dami ng tubig na bumara sa loob ng tenga kaya’t ito ay hindi natutuyo nang mabuti. Ang kahalumigmigang naiwan sa loob ng tenga ay nagiging mainam na lugar kung saan dumarami ang mga bakterya at impeksyon.

Ang balat na bumabalot sa ear canal ay napakanipis at maselan. Ito ay maaaring madaling masira. Ang paggamit ng earbuds at earphones, at ang matinding pagkamot ay maaaring makagasgas sa balat, na maaaring humantong sa pagkasira nito. Ang sugat ay maaaring maging mainam na lugar kung saan dumarami ang mga bakterya at humantong sa impeksyon.

Natural na proteksyon ng tenga laban sa impeksyon ang ear wax. Sa kasamaang palad, ang suplay ng wax na ito ay maaaring maubos at malalantad ang ear canal sa posibleng impeksyon.

Mga Sintomas Ng Swimmer’s Ear

Narito ang mga senyales at sintomas na ang iyong ear canal ay may impeksyon:

  • Pakiramdam mo na ang iyong ear canal ay namamaga.
  • May kapansin-pansing pamumula sa bahagi ng ear canal.
  • Nakararanas ng pananakit sa bahagi ng ear canal o nakararanas ng hindi komportableng pakiramdam kahit walang pressure na inilalagay sa tenga.
  • May discharge o nana na lumalabas mula sa ear canal.
  • Maaari ding magkaroon ng matinding pangangati na mahirap isantabi.

Marahil ang pinakakapansin-pansing sintomas ng swimmer’s ear ay ang paghina ng pandinig. Maraming mga dahilan kung bakit naaapektuhan ang tenga at humihina ang pandinig. Subalit sa kaso ng swimmer’s ear, maaaring maramdaman mong may tubig na nakabara sa loob ng iyong tenga. Ito ay maaaring maging magdulot ng lubhang hindi komportableng pakiramdam.

Kung nakararamdam ng matinding pananakit sa bahagi ng leeg o sa iyong mukha, maaari itong indikasyon na ang impeksyon ay lumulubha. Ang lagnat at namamagang lymph nodes ay indikasyon din ng paglubha ng impeksyon. Kadalasang ang mga sintomas na ito sabay na nangyayari.

Mga Risk Factor

Sino ang may tyansang magkaroon ng impeksyon sa labas na bahagi ng tenga? Ang paglalangoy ay ang pangunahing mapanganib na salik ng swimmer’s ear. Tumataas ang tyansa ng pagkakaroon nito kung ang pinaglanguyang tubig ay may mataas na lebel ng bakterya.

Ang masyadong madalas na paglilinis ng ear canal ay nakapagpapataas din ng tyansa na magkaroon ng impkesyon. Ito ay dahil natatanggal nito ang ear wax na mahalaga para sa tenga sapagkat ito ang bumabalot sa ear canal mula sa impeksyon. Ang madalas na paglilinis ay nakapagpapataas din ng tyansa na magasgasan at masugatan ang ear canal na lubhang nakapasensitibo.

Ang paggamit ng headphones at ilang uri ng hearing aids ay maaari ding makapagpataas ng pagkakaroon ng impeksyon. Kung ikaw ay may eczema o ilang uri ng allergy sa balat, mayroon ding mas mataas na tyansang makaranas ng swimmer’s ear.

Ang makipot na ear canal ay mas maaaring makapagkulong sa kahalumigmigan, kaya madalas na makita ang ganitong uri ng impeksyon sa mg bata.

Paano Gamutin Ang Swimmer’s Ear?

Karamihan sa mga kaso ng swimmer’s ear ay gumagaling nang kusa nang walang gamutan. Gayunpaman, tandaan ding ang kondisyong ito ay hindi nakahahawa.

Paano gamutin ang swimmer’s ear? May mga kaso ng malulubhang impeksyon na nangangailangan ng ilang uri ng gamutan. Narito ang ilan sa mga mas karaniwang gamutan na inirerekomenda ng mga doktor para sa impeksyon ng ear canal:

  • Antibiotic eardrops. Minsan, maaaring ireseta ng doktor ang antibiotic eardrops na may halong steroids upang makatulong na tumigil ang pamamaga.
  • Para sa mga taong may diabetes o may mahinang resistensya, ang fungal infection ay maaaring mangyari sa ear canal. Maaaring ireseta ng doktor ang antifungal drops.
  • Ang mga gamot na walang reseta ay maaari ding gamitin. Subalit sa mga kaso ng matinding pananakit, maaaring gamitin ang iniresetang gamot upang maibsan ang pananakit.

Kung ikaw ay nakararanas ng pananakit sa tenga, agad na kumonsulta sa iyong doktor. Huwag na hintayin pang ito ay lumubha. Sa mga malulubhang kaso kung saan ang impeksyon sa tenga ay hindi ginamot, maaaring magkaroon ng pamamagang may nana sa paligid ng bahaging may impeksyon. Ito ay maaaring maging sanhi ng mas malubhang pananakit.

Paano Maiiwasan Ang Swimmer’s Ear?

Ang swimmer’s ear ay madaling maiwasan, Maraming pag-iingat ang maaaring gawin upang matiyak na walang kahalumigmigang makukulong sa iyong tenga. Subukan ang mga sumusunod na hakbang upang makaiwas o madaling gumaling mula sa swimmer’s ear:

  • Gumamit ng cotton balls o earplugs upang maiwasang makapasok ang tubig sa iyong tenga tuwomhg naglalangoy. Tiyaking ang gagamiting cotton plugs ay malambot..
  • Gumamit ng swim cap na maaari ding tumakip sa iyong tenga.
  • Huwag kamutin ang loob ng tenga, kahit na gumagamit ng cotton buds. Maaari pa ring magkaroon ng tyansang masira ang ibabaw ng balat.
  • Huwag tanggalin ang ear wax nang mag-isa.
  • Siguraduhing tuyuin ang ulo at tenga matapos maglangoy upang mawala ang sobrang kahalumigmigan.

Ang ibig sabihin lamang nito, kailangan mong panatilihing tuyo ang iyong tenga sa lahat ng pagkakataon. Gayundin, iwasan ang pagkakaroon ng gasgas sa tenga. Tandaan na ang mga bata ay may mas mataas na tyansang magkaroon ng ganitong uri ng impeksyon. Kaya naman, bantayan sila at siguraduhing hindi basa ang kanilang tenga.

Key Takeaways

Ang swimmer’s ear ay isang kondisyong madaling maiwasan at gamutin. Sa tuwing naglalangoy, inirerekomenda ang paggamit ng cap o earplugs. Dagdag pa, matapos umahon sa tubig, siguraduhing tuyuin ang buhok at tenga. Ito ay lubhang makatutulong kung gusto mong mabilis na gumaling mula sa swimmer’s ear.
Kung nakararamdam ng anomang mga sintomas ng impeksyon sa tenga, agad na kumonsulta sa doktor upang magpagamot.

Matuto pa tungkol sa Ear Conditions dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Swimmer’s Ear: Symptoms & Causes, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/swimmers-ear/symptoms-causes/syc-20351682#:~:text=Swimmer’s%20ear%20is%20an%20infection,environment%20that%20aids%20bacterial%20growth, Accessed Aug 1, 2020

Otitis Externa: A Practical Guide to Treatment and Prevention, https://www.aafp.org/afp/2001/0301/p927.html, Accessed Aug 1, 2020

Atopic Eczema, https://www.nhs.uk/conditions/atopic-eczema/, Accessed Aug 1, 2020

Steroids, https://www.nhs.uk/conditions/steroids/#:~:text=When%20taken%20in%20doses%20higher,defence%20against%20illness%20and%20infection, Accessed Aug 1, 2020

Kasalukuyang Version

10/20/2022

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni John Paul Abrina, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Mga Uri ng Hearing Aids: Ano ang mga pagkakaiba at Paano Sila Nakakatulong?

Ano ang Candling? Epektibo ba ang Ear Candling?


Narebyung medikal ni

John Paul Abrina, MD

Oncology · Davao Doctors Hospital


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement