backup og meta

Vertigo: Ano Ang Mainam Na Gamot Para Dito?

Vertigo: Ano Ang Mainam Na Gamot Para Dito?

Ang vertigo ay kondisyong ikinatatakot ng maraming tao, at dahil ito ay isang hindi pamilyar na konsepto. Naaapektuhan ng vertigo ang pananaw ng isang tao sa mundo, at ito ay maaaring lubhang makaapekto sa kanyang buhay. Sa artikulong ito, alamin ang mga sanhi at gamot sa vertigo, maging ang lahat ng kailangang malaman tungkol sa kondisyong ito.

Kahulugan Ng Vertigo

Ang vertigo ay ang pakiramdam na pagkawala ng balanse o pagkahilo. Kung ang isang tao ay may vertigo, maaaring pakiramdam nilang sila ay nasa sitwasyon kung saan sila ay umiikot. Sa ibang pagkakataon, parang ang kanilang paligid ay umiikot sa paligid nila.

Karaniwang hindi inaasahan ang mga pangyayaring ito. Maaaring ito ay dulot ng kanilang naunang kilos o sanhi ng ibang sakit na maaaring humantong sa mas malubhang kondisyon sa katagalan.

Anu-Ano Ang Mga Uri Ng Vertigo?

May dalawang uri ng vertigo: peripheral vertigo at central vertigo. Ang mga uri na ito ay inilalarawan ayon sa lokasyon ng iregularidad na nagiging sanhi ng pakiramdam ng pagkawala ng balanse.

Ang peripheral vertigo ay indikasyon ng problema sa tiyak na bahagi ng loob ng tainga tulad ng semicircular canals o vestibular labyrinth. Maaaring kasama rin dito ang nerve na nag-uugnay sa loob ng tainga at sa stem ng utak na tinatawag na vestibular nerve.

Sa kabilang banda, ang central vertigo ay indikasyon ng mga problema sa utak. Mas karaniwan ditong kabilang ang iregularidad sa stem ng utak o cerebellum, na nakikita sa likod na bahagi ng utak, o maging sa parehong mga bahagi nito.

Anu-Ano Ang Mga Sanhi Ng Vertigo?

Karamihan sa mga kaso ng vertigo ay walang tiyak na sanhi. Sa isinagawang malawakang survey, walang tiyak na sanhi ang 48% ng mga kaso. Gayunpaman, ang pinakakaraniwang sanhi ay ang closed head injury at sinundan ng vestibular neuritis. Sinabi rin naman ng iba pa na kabilang din ang impeksyon at operasyon sa mga maaaring sanhi. Samantala, ang mahabang pagpapahinga at Meniere disease ay itinuturing ding mga salik.

Sa peripheral vertigo, isa sa mga pinakakaraniwang uri ay ang benign positional vertigo (BPPV). Ang mga sanhi nito ay kinabibilangan ng mga sumusunod:

  • Isa sa mga pinakakaraniwang sanhi ay ang injury sa ulo. Ito ay dahil ang injuries ay nagiging sanhi ng pagkasira sa loob ng tainga.
  • Ang Meniere’s disease ay maaari ding maging sanhi ng pamumuo ng fluid na maaaring makaapekto sa loob ng tainga at magdulot ng vertigo.
  • Ang labyrinthitis, o pamamaga sa loob ng tainga, ay maaari ding maging sanhi ng vertigo.
  • Maaari ding maging sanhi ng vertigo ang mga gamot na nakasasama sa mga bahagi ng loob ng tainga. Kabilang sa mga ito ay ang aminoglycoside, antibiotics, cisplatin, diuretics, at salicylates.
  • Ang pamamaga ng vestibular nerve, na kilala bilang neuronitis, ay maaari ding dahilan ng vertigo kasabay ng anomang maaaring maging sanhi ng pressure dito, tulad ng benign na tumor gaya ng meningioma or schwannoma.

Iba Pang Mga Sanhi

Ang mga sangkap na nakaaapekto sa lapot ng dugo ay karaniwang mga sanhi ng central vertigo. Kabilang sa mga ito ang:

  • Gamot tulad ng anticonvulsants, aspirin, at alak.
  • Ang mga sakit na nakaaapekto sa ugat ay maaari ding maging sanhi ng central vertigo.
  • Ang mga sakit na nakaaapekto sa stem ng utak na sanhi rin ng pagkasira ng stem ng utak o cerebellum ay maaaring iugnay sa central vertigo. Kabilang sa mga ito ang multiple sclerosis, pangingisay, strokes, tumor, at vestibular migraines.

Mga Sintomas

Ang mga sintomas ng vertigo ay agad na nararanasan dahil ang pakiramdam nito ay mahirap maiwasan. Ang pagpigil o paglaban sa vertigo ay maaaring maging sanhi ng pagkahilo at pagsusuka. Mayroon din itong kaakibat na iba pang mga karaniwang sintomas tulad ng kahirapang maipokus ang mga mata, pandinig, o pagpapanatili ng balanse. Ang kawalan o problema sa pandinig at tinnitus ay maaari ding sumabay sa pagkakaroon ng vertigo.

Para sa mga partikular na sintomas ng central vertigo, maaaring maranasan ang pagkakaroon ng double vision o kahirapan sa paglunok at paggalaw ng mga mata o mukha, at maging kahirapan sa pagsasalita at panghihina ng braso at hita.

Mga Risk Factors

May ilang mga taong mas may tyansang magkaroon ng vertigo kaysa sa karamihan. Naaapektuhan nito ang mga kababaihang nasa edad 50 na:

  • Nakaranas ng injury sa ulo
  • Nakararanas sa mataas na lebel ng stress
  • Umiinom ng mga gamot tulad ng antidepressants o antipsychotics o alak
  • May kondisyong medikal na nakaaapekto sa tainga tulad ng impeksyon sa loob ng tainga

Ang pagkakaroon ng history ng vertigo o pagkakaroon ng kamag-anak na nakaranas ng kondisyong ito ay mga salik din.

Pag-Iwas Sa Vertigo

Walang paraan upang maiwasan ang pagkakaroon ng vertigo maliban sa ilang mga simpleng pag-iingat. Kabilang sa mga ito ay ang:

  • Pag-iwas na magkaroon ng trauma sa ulo o bahagi ng tainga
  • Pag-iwas na magkaroon ng impeksyon ang tainga
  • Panatilihing mababa ang pagkain ng maalat na pagkain

Gamot Sa Vertigo

Ang plano ng gamot sa vertigo ay lubhang iba-iba depende sa bawat kaso. Ito ay dahil ang vertigo ay may maraming posibleng mga sanhi. Kadalasan, nawawala ang vertigo kahit walang gamutan. Gayunpaman, mayroong pa ring mga pamamaraan upang maiwasto ito o makontrol ang kondisyon.

Vestibular Rehabilitation

Isa sa mga posibleng gamot sa vertigo ay ang vestibular rehabilitation. Kabilang rito ang pagsasagawa nito ng pisikal na therapy. Mula sa pangalan nito, ang pamamaraang ito ay naglalayong mapatatag at maisaayos ang vestibular system. Ang vestibular system ay ang responsable sa pagdadala ng signals sa utak kaugnay sa mga paggalaw ng ulo o katawan na may kaugnayan sa gravity. Karaniwang iminumungkahi ng mga propesyonal sa pangangalaga ng kalusugan ang pamamaraang ito sa mga taong nakararanas ng pabalik-balik na vertigo. Makatutulong ito sa pag-ensayo ng iba pang senses at makababawi ang utak sa mga naging epekto ng vertigo.

Canalith Repositioning Maneuver

Isa pang gamot sa vertigo ang Canalith repositioning maneuver. Ito ay isiniaayos na serye ng mga partikular na paggalaw ng ulo at katawan na nakatutulong sa pagkontrol ng benign paroxysmal positional vertigo, o mas kilala bilang BPPV. Nilalayon nitong pagalawin ang calcium deposits papunta sa loob ng chamber ng tainga at malayo mula sa ear canal. Habang isinasagawa ang gamutang ito, maaaring may maranasang mga sintomas ng vertigo. Subalit sa kabuoan, ito ay ligtas at epektibong pamamaraan.

Gamot Sa Vertigo

Maaaring magreseta ang iyong doktor ng gamot sa vertigo na makatutulong sa pagkontrol ng kondisyong ito. Epektibo ang gamot sa pagduduwal o sa sintomas ng motion sickness upang mapigilan ang mga sintomas ng vertigo. Gayundin, ginagamit din ang antibiotics, anti-inflammatories, o steroids upang magamot ang mga impeksyon o pamamaga.

Diuretics o Water Pills

Kung ang vertigo ay sanhi ng Meniere’s disease, ang diuretics o water pills ay makatutulong sa pagbawas ng pressure mula sa namuong fluid. Ngunit, siguruhing ito ay angkop sa plano ng gamutan sa Meniere’s disease at nasa ilalim ng pagsubaybay ng propesyonal.

Operasyon

Sa ilang bihirang mga kaso, ang iba pang problema tulad ng tumor o injury sa utak ay nangangailangan ng operasyon na makatutulong sa tuluyang pagkawala ng vertigo o upang ito ay mas makontrol.

Key Takeaways

Marami pa ang dapat malaman tungkol sa mga sintomas, pag-iwas, at gamot sa vertigo. Ugaliin ang pagkonsulta sa doktor kung nakararanas ng mga sintomas nito. May posibilidad na ang gamutan sa vertigo ay maaaring senyales ng iba pang mas malubhang sakit tulad ng stroke. Sana ang artikulong ito ay nakatulong upang iyong malaman ang mga impormasyon tungkol sa vertigo.

Matuto pa tungkol sa mga kondisyon ng tainga dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Vertigo, https://www.nhsinform.scot/illnesses-and-conditions/ears-nose-and-throat/vertigo., Accessed Aug. 25, 2020

Vertigo, https://www.nhs.uk/conditions/vertigo/, Accessed Aug. 25, 2020

Dizziness and Vertigo, https://medlineplus.gov/dizzinessandvertigo.html, Accessed Aug. 25, 2020

What Is the Best Medicine for Vertigo?, https://wexnermedical.osu.edu/blog/vertigo-treatment, Accessed Aug. 25, 2020

Dizziness and Vertigo, https://www.betterhealth.vic.gov.au/health/conditionsandtreatments/dizziness-and-vertigo, Accessed Aug. 25, 2020

Kasalukuyang Version

10/27/2022

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Diana Rose G. Tolentino, MD, MBA

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Mga Uri ng Hearing Aids: Ano ang mga pagkakaiba at Paano Sila Nakakatulong?

Ano ang Candling? Epektibo ba ang Ear Candling?


Narebyung medikal ni

Diana Rose G. Tolentino, MD, MBA

Ear Nose and Throat · HMICare Clinic & Diagnostic Center


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement