Ang Paracetamol + Ascorbic Acid ay isang kombinasyon ng analgesic (kilala sa buong mundo na acetaminophen) at bitamina C. Mayroon itong analgesic (nakapag-aalis ng pananakit) at antipyretic (nakapagpapababa ng lagnat) na kakayahan at isa sa mga pinakagamiting over-the-counter drugs.
Ang Bitamina C ay isang water-soluble na bitamin na nakuha at natural na nakikita sa mga sitrus na prutas gaya ng limon at orange, at iba pang mga prutas at gulay. May mahalaga itong gampanin sa iba’t ibang cellular functions gaya ng pagpoprodyus ng collagen at isang mabisang antioxidant na nakapagbabantay sa katawan laban sa mga pagkasirang free radical at nakapagpapalakas ng resistensya.
Ang Paracetamol + Ascorbic Acid ay pangunahing nakapagbibigay-lunas sa:
- Sintomas ng Ubo’t Sipon
- Lagnat
- Sakit ng Ulo
- Sakit ng Katawan
Paano ko dapat Inumin ang Paracetamol + Ascorbic Acid?
Ang Paracetamol + Ascorbic Acid ay nasa anyong tableta o kapsula. Ang tableta at kapsula ay dapat na ikonsumo sa pamamagitan ng bibig nang hindi nginunguya o dinudurog. Kailangan na may laman ang tiyan kapag ito ay iinumin upang maiwasan ang gastric irritation.
Paano ko Itatago ang Gamot na Ito?
Ang gamot na ito ay dapat na itago sa lugar na nasa room temperature (<30° C) at dapat na iiwas sa liwanag at kahalumigmigan. Huwag patitigasin ang produktong ito. Laging i-tsek ang label bago gamitin ang produktong ito. Para sa kaligtasan, itabi ito sa lugar na hindi abot ng mga bata at ng mga alagang hayop.
Huwag gamitin kung ang naka-print na expiration date ay lumipas na, kung ang seal ng produkto ay sira, o kung ang produkto ay may kakaibang kulay, amoy, o consistency.
Huwag itapon ang produkto sa pamamagitan ng pagbuhos sa drain, palikuran, o sa kalikasan. Tanungin ang iyong pharmacist kaugnay sa tamang pagtatapon nito.
Mga Pag-iingat at Babala
Ano ang dapat kong Malaman Bago Gumamit ng Paracetamol + Ascorbic Acid?
Sa pangkalahatan, ang paracetamol at ascorbic acid ay parehong ligtas inumin. Ang mataas na dosis ng paracetamol ay maaaring magdulot ng pagkasira ng atay sa mahabang panahon ng paggamit, lalo na kung ito ay isinasabay sa pag-inom ng alak o iba pang mga gamot na ang atay ang siyang tumatanggap.
Bilang isang water-soluble na bitamina, ang masamang dulot sa katawan ng ascorbic acid ay hindi halos naitatala. Sa kabila nito, iwasan ang pangmatagalan, at mataas na dosis ng bitamina C dahil ang proteksyong dulot nito ay hindi tumataas kung iinumin sa matataas na dosis. Sa hindi pangkaraniwang mga kaso, ang palagiang pag-inom ng mataas na dosis ng bitamina C ay nakapagpapataas ng tyansa ng gastrointestinal disturbance, pagkasobra sa iron, at pagkakaroon ng bato sa bato.
Bago gamitin ang medikasyong ito, ipagbigay-alam sa iyong doktor kung:
- Kung nagkaroon ka ng allergic reaction sa paracetamol o ascorbic acid.
- Kung nagkroon ka ng history ng allergy sa ibang mga medikasyon, pagkain, o iba pang substances.
- Kung umiinom ka ng iba pang medikasyon.
- Kung mayroon kang kasalukuyang kondisyong pangkalusugan.
Ligtas ba Ito para sa Buntis at Nagpapasuso?
Ang kombinasyong ito ng mga gamot ay ligtas sa mga buntis sa pangkalahatan, gayunpaman, wala pang datos na naitatala mula sa mga kontroladong pag-aaral sa mga tao na tumutukoy sa kaligtasan ng kombinasyong ito sa panahon ng pagbubuntis. Ang gamot na ito ay dapat lamang na gamitin sa panahon ng pagbubuntis kung may potensyal na benepisyong tutugon sa potensyal na bantang dulot nito sa fetus, na siyang tutukuyin naman ng iyong doktor.
Ang gamot na ito ay maaaring palabasin sa breast milk. Ang gamot na ito ay dapat lamang na gamitin habang nagpapasuso kung may potensyal na benepisyong tutugon sa potensyal na bantang dulot nito sa bata, na siyang tutukuyin naman ng iyong doktor.
Mga Side Effect
Ano-anong mga side effect ang pwedeng mangyari kapag ginamit ang gamot na ito?
Lahat ng mga gamot ay may potensyal na side effect na maaaring lumabas kahit pa nasa normal na dalas ng paggamit. Maraming mga side effect ang kaugnay ng dosis at maisasaayos kung ia-adjust ang dosis o sa dulo ng therapy.
Ang mga potensyal na side effect habang gumagamit ng gamot na ito ay:
- Pagsusuka
- Diarrhea
- Pagkasira ng Tiyan
- Pagsakit ng Tiyan
- Pagkapagod
- Heartburn
- Sakit ng Ulo
- Flushing
- Hyperoxaluria at Pagkabuo ng mga Bato sa Bato
Maaari mong maranasan ang ilan, wala, o iba pang mga side effect mula sa nabanggit. Kung mayroon kang concern sa mga side effect o masyado na itong nakaaabala sa iyo, kumonsulta sa iyong doktor o pharmacist.
Mga Interaksyon
Ano-anong mga gamot ang maaaring magkaroon ng interaksyon sa Paracetamol + Ascorbic Acid?
Ang gamot na ito ay maaaring isabay sa iba pang medikasyon. Upang maiwasan ang anumang potensyal na interaksyon ng mga gamot, kailangan mong itala ang lahat ng mga gamot na iyong ginagamit (kabilang na ang mga prescription drugs, non-prescription drugs, at mga produktong herbal) at sabihin ito sa iyong doktor o pharmacist.
Ang mga kilalang mga gamot at ang kanilang interaksyon sa paracetamol + ascorbic acid ay ang sumusunod:
- Metaclopramide, domperidone- Mas mataas na antas ng pag-absorb ng paracetamol
- Cholestyramine- Mas mababang antas ng pag-absorb ng paracetamol
- Anticogulants- Mas mataas na banta ng pagdurugo
- Supplement ng Bitamina C, deferoxamine- Mas mataas na banta ng cardiac disorders
- Fluphenazine- Mas mababang antas ng gamot na ito kasama ang Bitamina C
Kapag nakaranas ka ng hindi magandang epekto ng mga interaksyong ito ng gamot, ihinto ang pag-inom ng gamot na ito at uminom ng iba pang medikasyon. Ipagbigay-alam agad ito sa iyong doktor at tayaing muli ang iyong plano ng paggagamot. Maaaring kailangang i-adjust ang dosis ng pag-inom mo, palitan ng ibang gamot, o itigil ang pag-inom ng gamot na ito.
May interaksyon ba ang pagkain at alak sa paracetamol + ascorbic acid?
Ang antas ng kakayahang mag-absorb ng gamot ay bumababa ng kaunti kapag sinamahan ng pagkain, gayunpaman, ang pag-inom nito kasama ng pagkain ay makatutulong sa pag-iwas sa gastrointestinal distress. Ang gamot na ito ay hindi dapat inumin kasama ng alak dahil makapagpapataas ito ng tyansa ng gastrointestinal discomfort, pagdurugo, at hepatotoxicity.
Ipagbigay-alam sa iyong doktor o pharmacist kung ikaw ay may katanungan tungkol sa interaksyon ng pagkain at gamot.
Ano-anong mga kondisyong pangkalusugan ang maaaring magkaroon ng interaksyon sa paracetamol + ascorbic acid?
Ang gamot na ito ay dapat na inumin nang may pag-iingat sa anuman sa sumusunod na kondisyong o bantang pangkalusugan:
- Kakulangan sa G6PD
- Nagkaroon ng Problema sa Bato o Atay
- Pagiging Dependent sa Alak
Ipagbigay-alam sa iyong doktor o pharmacist kung ikaw ay may katanungan tungkol sa mga tiyak na kondisyong pangkalusugan.
Dosage
Ang impormasyong inilalahad dito ay hindi pamalit sa anumang payong medikal. Kailangang PALAGIAN ang pagkonsulta mo sa iyong doktor o pharmacist bago gumamit ng paracetamol + ascorbic acid.
Ano ang dosage ng paracetamol + ascorbic acid para sa isang adult?
- Oral: Inumin gaya ng nakalagay sa label ng preparasyong ito.
- Ang maximum na dosis para sa paracetamol ay 4g kada araw.
- Ang maximum na dosis para sa ascorbic acid ay 2g kada araw.
Ano ang dosage ng paracetamol + ascorbic acid para sa isang bata?
- Oral: Inumin gaya ng nakalagay sa label ng preparasyong ito.
- Ang maximum na dosis para sa paracetamol ay 2g kada araw.
- Ang maximum na dosis para sa ascorbic acid ay 400 mg hanggang <2g kada araw.
- Huwag magbigay ng paracetamol sa mga batang wala pang 2 buwan.
Paano magiging available ang paracetamol + ascorbic acid?
Ang gamot na ito ay available sa sumusunod na anyo at lakas ng dosis:
Paracetamol
- Table: 80 mg, 325 mg, 500 mg, 650 mg
- Syrup/Suspension: 100 mg/mL, 120 mg/5 mL, 250 mg/ 5 mL
- Solution para sa Injection: 10 mg/mL, 150 mg/mL
- Rectal Suppository: 125 mg, 250 mg, 500 mg
Ascorbic Acid
- Table: 250 mg, 500 mg, 1000 mg
- Gummy Bears: 60 mg
- Syrup: 100 mg/mL, 500 mg/ 5 mL
- Solution para sa Injection: 100 mg/mL
Ano ang dapat kong gawin kung may emergency o overdose?
Kung mas kaso ng emergency o overdose, tawagan ang iyong lokal na emergency services o pumunta sa pinakamalapit na emergency room. Ang mga sintomas ng overdose ay ang sumusunod:
- Pamumutla
- Pagsusuka
- Anorexia
- Pagsakit ng Tiyan
- Metabolic Acidosis
- Pagkagambala ng Glucose Metabolism
- Ang pagkasira ng atay ay maaaring mangyari sa loob ng 12 hanggang 48 oras pagkatapos ng overdose.
Sa mas malalang mga kaso:
- Encephalopathy
- Labis na Pagdurugo
- Hypoglycemia
- Cerebral Edema
- Acute Renal Failure
- Pagkamatay
Ang antidote para sa paracetamol overdose at toxicity ay N-acetylcysteine (NAC) at dapat na gamitin sa loob ng 8 hanggang 24 oras pagkatapos ng ingestion. Ang activated charcoal naman ay pwedeng gamitin sa loob ng 1 oras pagkatapos ng ingestion.
Ano ang Dapat kong Gawin Kapag Hindi ako Nakainom ng Dosis sa Tamang Oras?
Kung hindi ka nakainom ng gamot na ito sa tamang oras, inumin ito sa agad-agad. Gayunpaman, kung malapit na rin naman ang oras para sa susunod mong pag-inom, lampasan ang dosis na hindi mo nainom at inumin ang regular na dosis na naka-iskedyul. Huwag uminom ng dobleng dosis.
Isinalin mula sa orihinal na Ingles na sinulat ni Stephanie Nera.