Ang praziquantel ay isang gamot na kabilang sa uri ng antihelminthics. Ang antihelminthics ay mga gamot na nagtatanggal ng mga bulate sa tiyan tulad ng tapeworms, pinworms, roundworms, at marami pang iba. Ginagamit ang praziquantel bilang gamot sa schistosomiasis.
Ang schistosomiasis ay kilala ring bilharzia o “snail fever.” Ang mga pinakakaraniwang species ng bulateng ito na nagdudulot ng sakit sa tao ay ang Schistosoma mansoni, S. haematobium, at S. japonicum. Ang mga bulate ay nagsisimulang makahawa sa mga susong nakatira sa tubig tabang. Kalaunan, ang mga susong ito ay naglalabas ng mga free-swimming larva (cercariae) na maaaring makapasok sa katawan ng tao sa pamamagitan ng mga sirang balat.
Para Saan Ang Praziquantel? Paggamit Nito
Ang praziquantel ay pangunahing gamot sa mga sumusunod:
- Schistosomiasis
- Clonorchiasis
- Intestinal fluke infections
- Lung fluke infections
- Opistochiasis
Paano Inumin Ang Praziquantel?
Basahin ang mga panuto sa packaging para sa kumpletong impormasyon. Tingnan ang label at expiration date.
I-reconstitute ang oral suspension nang may wastong dami ng tubig. Gumamit lamang ng medical-grade na measuring cup. Huwag gumamit ng kutsarang ginagamit pangkain. Para sa tableta, lunukin ito nang buo nang hindi ito dinudurog o nginunguya. Kumain muna bago uminom nito.
Paano Itago Ang Praziquantel?
Ang gamot na ito ay mainam na itago sa room temperature na malayo sa direktang liwanag at kahalumigmigan. Upang maiwasang masira, huwag itong itago sa banyo o sa freezer.
Maaaring may ibang brand ng gamot na ito na may ibang paraan ng pagtatago. Kaya mahalagang laging tingnan ang packaging upang alamin ang panuto sa pagtatago nito, o tanungin ang iyong pharmacist. Bilang pag-iingat, dapat ilayo ang lahat ng gamot sa mga bata at alagang hayop.
Hindi dapat ito itapon sa inodoro o sa lababo maliban kung pinayuhang gawin ito. Dagdag pa, mahalagang itapon ito nang mabuti kung expired o hindi na kailangan. Kumonsulta sa iyong pharmacist para sa karagdagang detalye tungkol sa ligtas na pagtatapon nito.
Para Saan Ang Praziquantel? Mga Pag-Iingat At Babala
Ano Ang Dapat Kong Malaman Bago Uminom Ng Praziquantel?
Bago uminom ng gamot na ito, sabihin sa iyong doktor kung ikaw ay o may:
- Buntis o nagpapasuso
- Umiinom ng iba pang gamot. Kabilang dito ang gamot na may reseta, gamot na walang reseta, at halamang gamot.
- Allergy sa anomang sangkap nito
- Ibang sakit, disorders, o medikal na kondisyon
Ligtas Ba Itong Inumin Habang Nagbubuntis o Nagpapasuso?
Sa kasamaang palad, walang sapat na impormasyon tungkol sa kaligtasan ng pag-inom ng gamot na ito para sa mga buntis at nagpapasuso. Laging kumonsulta sa iyong doktor upang malaman ang mga posibleng benepisyo at panganib ng pag-inom ng anomang gamot.
Ang gamot na ito ay pregnancy risk category B ayon sa US Food and Drug Administration (FDA).
Ang mga kategorya ng FDA pregnancy risk ay ang mga sumusunod:
- A= walang panganib
- B= walang panganib ayon sa ibang pag-aaral
- C= maaaring may ilang panganib
- D= may positibong ebidensya ng panganib
- X= hindi ipinapayong gamitin
- N= hindi alam
Para Saan Ang Praziquantel? Side Effects
Anu-Anong Side Effects Ang Maaaring Maranasan Kung Umiinom Ng Praziquantel?
Katulad ng ibang mga gamot, ang praziquantel ay maaaring may side effects. Kung mangyari ito, kadalasang ang mga ito ay hindi gaanong malubha at nawawala kung tapos na ang gamutan o kung ibinaba ang dose. Ang ilang mga naitalang side effects ay ang mga sumusunod:
- Pananakit ng ulo
- Pagkaantok
- Pagkahilo
- Pagkakaroon ng pakiramdam na may sakit o kawalan ng lakas
- Hindi magandang pakiramdam sa bahagi ng tiyan
- Kawalan ng ganang kumain
- Pagduduwal, pagsusuka, pagtatae
- Rashes o pangangati
- Pananakit ng muscle
Kabilang sa mga bihirang side effects ang mga sumusunod:
- Seizures
- Eosinophilia
- Pagtaas ng lebel ng liver enzymes sa dugo
Gayunpaman, ang side effects ay hindi nararanasan ng lahat ng umiinom nito. Dagdag pa, may ilang nakararanas ng iba pang side effects. Kaya kung ikaw ay may alalahanin tungkol sa mga ito, kumonsulta sa iyong doktor o pharmacist.
Para Saan Ang Praziquantel? Mga Interaksyon
Anu-Anong Mga Gamot Ang Maaaring May Interaksyon Sa Praziquantel?
Ang gamot na ito ay maaaring may interaksyon sa iba pang gamot na kasalukuyang mong iniinom. Ito ay maaaring makapagpabago sa epekto ng gamot sa iyo o makapagpataas ng tyansa ng malubhang side effects.
Upang maiwasan ang anomang posibleng drug interactions, mahalagang magkaroon ng listahan ng mga gamot na iyong iniinom (kabilang na ang gamot na may reseta, gamot na walang reseta, at halamang gamot) at sabihin ito sa iyong doktor o pharmacist.
Mga Gamot Na May Interaksyon:
- Rifampicin ** Potentially fatal
- Carbamazepine
- Dexamethasone
- Phenobarbital
- Phenytoin
- Cimetidine
- Erythromycin
- Itraconazole
- Ketoconazole
Kung ikaw ay makaranas ng matinding drug interaction, agad na ipagbigay-alam ito sa iyong doktor upang muling masuri ang iyong plano ng iyong gamutan. Ang mga maaaring gawin ay ang pagsasaayos ng dose, pagpapalipat ng gamot, o pagtapos sa gamutan.
May Interaksyon Ba Ang Pagkain At Alak Sa Praziquantel?
Ang gamot na ito ay maaaring may interaksyon sa pagkain o alak. Dahil dito, maaaring mabago ang epekto ng gamot o tumaas ang tyansa ng malubhang side effects. Iwasan ang pagkain ng mga produktong may sangkap na suha o alak habang umiinom ng gamot na ito. Itanong sa iyong doktor o pharmacist ang anomang posibleng interaksyon ng pagkain o alak bago ito inumin.
Anu-Anong Mga Medikal Na Kondisyon Ang Maaaring May Interaksyon Sa Praziquantel?
Ang gamot na ito ay maaaring may interaksyon sa iba pang mga medikal na kondisyon. Maaari nitong mapalubha ang kondisyon o mabago ang epekto ng gamot. Kaya mahalagang laging ipagbigay-alam sa iyong doktor o pharmacist ang iyong kasalukuyang kondisyon, lalo na ang:
- Problema sa puso
- Cerebral cysticercosis
- History ng epilepsy
- Problema sa atay
Para Saan Ang Praziquantel? Dosage
Ang mga impormasyong ito ay hindi pamalit sa anomang payong medikal. Kaya, laging kumonsulta sa iyong doktor o pharmacist bago uminom ng anomang gamot.
Ano Ang Dose Para Sa Isang Nakatatanda?
Schistosomiasis
- Uminom ng 20 mg/kg tatlong beses sa isang araw kada 4 hanggang 6 na oras, o 1 dose ng 40-60 mg/kg.
Clonorchiasis, intestinal fluke infections, lung fluke infections, opisthorchiasis
- Uminom ng 25 mg/kg tatlong beses sa isang araw kada 4 hanggang 6 na oras sa loob ng 1 hanggang 2 araw, o 1 dose ng 40 mg/kg.
Ano Ang Dose Para Sa Isang Bata?
Para sa mga batang edad at higit pa, ibigay ang dose na katulad ng sa mga nakatatanda. Ang dose para sa mga batang edad 4 pababa ay hindi pa tiyak. Kumonsulta sa iyong doktor o pharmacist para sa anomang mahalagang pagbabago sa dose o mga alternatibo.
Anong Praziquantel Ang Maaaring Mabili?
Ang gamot na ito ay maaaring mabili sa mga sumusunod na brand, anyo ng dosage, at lakas:
- Biltricide 600 mg tablet
- Endure Medical Praziquantel 600 mg tablet
- Fluxide 600 mg/5 mL suspension
Ano Ang Maaari Kong Gawin Kung Emergency o Kung Na-Overdose?
Kung emergency o na-overdose, tumawag ng ambulansya o pumunta sa pinakamalapit na ospital.
Ano Ang Maaari Kong Gawin Kung Nakalimutan Kong Uminom?
Kung nakalimutang uminom, inumin ito sa lalong madaling panahon. Ngunit kung malapit na rin namang inumin ang kasunod na dose, huwag nang inumin ang nakalimutang dose at inumin na lamang ang regular na dose sa tamang oras. Huwag uminom ng dalawang dose sa isang pagkakataon.
Matuto pa tungkol sa Drugs at Supplements dito.