Ang Clarinase ay brand name ng gamot na may loratadine at pseudoephedrine. Isang antihistamine ang Loratadine na kumokontrol sa mga sintomas ng allergy habang ang pseudoephedrine naman ay isang nasal decongestant. Para saan ang Clarinase?
Mga Gamit
Para saan ang Clarinase?
- mga sintomas ng sipon at flu
- allergic rhinitis
- baradong nasal at sinus
- pagbahing
- tumutulong sipon
- makati at nagluluhang mata
Paano ko dapat gamitin ang Clarinase?
Basahin ang direksyon sa packaging para sa kompletong impormasyon. Tingnan ang label at ang petsa ng expiration.
Para sa mga oral dosage form, lunukin ito nang buo. Huwag nguyain, durugin, o tunawin sa tubig.
Paano dapat mag-imbak ng Clarinase?
Pinakamabuting iimbak ang gamot na ito sa room temperature na malayo sa direktang liwanag at halumigmig. Upang maiwasan ang pagkasira ng gamot, huwag itong iimbak sa palikuran o i-freezer.
Maaaring may ibang brand ang gamot na ito na nangangailangan ng magkakaibang paraan ng pag-iimbak. Kaya’t mahalagang palaging tingnan at basahin ang lalagyan ng produkto kung paano ito iiimbak, o magtanong sa parmasyutiko. Para sa kaligtasan, laging ilayo ang mga gamot sa lugar na maaabot ng mga bata at alagang hayop.
Huwag itapon ang produktong ito sa pamamagitan ng pagbuhos sa drainage o palikuran maliban kung sinabi sa instruction. Mahalaga ang tamang pagtatapon ng produktong ito kapag expired na o hindi na kailangan. Kumonsulta sa iyong parmasyutiko upang malaman ang ligtas na pagtatapon nito.
Para Saan ang Clarinase: Mga Pag-iingat at Babala
Ano ang dapat kong malaman bago gumamit ng Clarinase?
Bago gumamit ng gamot na ito, ipaalam sa iyong doktor kung ikaw ay o mayroong:
- Buntis o nagpapasuso
- Umiinom ng iba pang gamot. Kabilang dito ang anumang inireseta, OTC, at halamang gamot.
- May allergy sa alinmang sangkap ng produktong ito
- May iba pang karamdaman, disorder, o medikal na kondisyon.
Ligtas ba ito para sa buntis o nagpapasuso?
Sa kasamaang palad, wala pang sapat na impormasyon tungkol sa kaligtasan ng paggamit ng gamot na ito sa mga buntis at nagpapasuso. Gayunpaman, maaaring ligtas itong gamitin. Palaging kumonsulta sa doktor upang matimbang ang mga potensyal na benepisyo at panganib bago gumamit ng anumang gamot.
Para Saan ang Clarinase: Mga Side Effect
Ano ang mga side effect ng Clarinase?
Tulad ng lahat ng gamot, maaaring may side effect ang produktong ito. Kung mangyari ang mga ito, kadalasang mild lang at nawawala rin sa oras na natapos na ang gamutan o binabaan ang dose. Ilan sa mga naiulat na side effect ang:
- insomnia
- pagkatuyo ng bibig
- pananakit ng ulo
- pagkaantok
- kinakabahan
- pagkahilo
- pagkahapo
Gayunpaman, hindi lahat ay nakakaranas ng mga side effect na ito. Dagdag pa, maaaring makaranas ang mga tao ng iba pang side effect na hindi nabanggit dito. Kaya’t kung mayroon kang iba pang alalahanin hinggil sa side effect, kumonsulta sa doktor o parmasyutiko.
Para Saan ang Clarinase: Mga Interaksyon
Maaaring mag-interact ang gamot na ito sa iba pang gamot na kasalukuyan mong iniinom na maaaring makapagpabago sa epekto ng gamot o makapagpataas ng panganib ng mga seryosong side effect.
Upang maiwasan ang anumang maaaring interaksyon, marapat na magtabi ng listahan ng lahat ng gamot na iniinom (kabilang na ang prescription drugs, non-prescription drugs, at herbal products) at ipagbigay-alam ito sa iyong doktor at parmasyutiko.
Mga gamot na kilalang may interaksyon:
- mga gamot sa puso
- antihypertensive agents
- antidepressants (hal: MAOIs)
- antacids
- kaolin
Kung makaranas ka ng masamang interaksyon ng gamot, ipaalam agad sa doktor upang masuring muli ang iyong treatment plan. Kabilang sa pamamaraang ito ang adjustment sa dose, pagpapalit ng gamot, o paghihinto ng therapy.
May mga pagkain o alak ba na may interaksyon sa Clarinase?
Maaaring magkaroon ng interaksyon ang gamot na ito sa pagkain o alak sa pamamagitan ng pagbabago sa kung paano gumagana ang gamot o pataasin ang panganib ng mga seryosong side effect. Pag-usapan kasama ng iyong doktor o parmasyutiko ang anumang posibleng interaksyon sa pagkain o alak bago gamitin ang gamot na ito.
Anong mga kondisyong pangkalusugan ang maaaring may interaksyon sa Clarinase?
Maaaring mag-interact ang gamot na ito sa may iba pang sakit. Maaaring mapasama pang lalo ng interaksyon na ito ang iyong kalusugan o baguhin ang epekto ng gamot. Kaya naman, mahalagang palaging ipaalam sa iyong doktor o parmasyutiko ang lahat ng kondisyong pangkalusugan na mayroon ka, lalo na ang:
- Glaucoma
- Nahihirapang umihi
- Hindi makontrol na hypertension
- Sakit sa puso
- Hyperthyroidism
Para Saan ang Clarinase: Dosage
Hindi pamalit para sa anumang medikal na payo ang mga impormasyong ibinigay dito. Kaya naman, palaging kumonsulta sa doktor o parmasyutiko bago gumamit ng anumang gamot.
Ano ang dose para sa nasa hustong gulang?
Uminom ng isang tableta, dalawang beses sa isang araw.
Ano ang dose para sa bata?
Wala pang naitatakdang dose para sa batang wala pang 12 taong gulang. Maaaring hindi ito ligtas para sa iyong anak. Palaging mahalaga ang lubos na pag-unawa sa kaligtasan ng pag-inom ng gamot bago gamitin. Kumonsulta sa iyong doktor o parmasyutiko para sa karagdagang impormasyon.
Sa anong dosage form nakakakuha ng Clarinase?
Available ang Clarinase sa mga sumusunod na dosage form at strength:
- Mga tabletang may loratadine 5 mg + pseudoephedrine sulfate 120 mg
Ano ang dapat kong gawin sakaling magkaroon ng emergency o overdose?
Sa panahon ng emergency o overdose, tawagan ang iyong local emergency services o magtungo sa pinakamalapit na emergency room.
Ano ang dapat kong gawin kapag nakaligtaan ko ang pag-inom ng dose?
Kung nakaligtaan mo ang isang dose, gumamit na nito agad. Gayunpaman, kung halos oras na para sa susunod mong dose, lagtawan na ang nakaligtaang dose at sundin ang regular na dose ayon sa iskedyul. Huwag magdobleng dose.