Ano ang ketosteril? Ito ay isang brand ng gamot na naglalaman ng amino acids and ketoanalogues. Ito ay sadyang ginagamit sa protein-restricted diet.
Ano ang Ketosteril? Paggamit nito
Saan ginagamit ang Ketosteril?
Ang ketosteril ay gamot ng mga pasyenteng may chronic kidney disease (CKD), lalo na ang mga nasa yugto II, III, at IV.
Paano inumin ang Ketosteril?
Basahin ang mga panuto sa packaging para sa kumpletong impormasyon. Tingnan ang label at expiration date.
Lunukin nang buo ang bawat tableta nang hindi ito dinudurog o nginunguya. Kumain muna bago uminom nito.
Paano itago ang Ketosteril?
Ang gamot na ito ay mainam na itago sa room temperature na malayo sa direktang liwanag at kahalumigmigan. Upang maiwasang masira, huwag itong itago sa banyo o sa freezer.
Maaaring may ibang brand ng gamot na ito na may ibang paraan ng pagtatago. Kaya mahalagang laging tingnan ang packaging upang alamin ang panuto sa pagtatago nito, o tanungin ang iyong pharmacist. Bilang pag-iingat, dapat ilayo ang lahat ng gamot sa mga bata at alagang hayop.
Hindi dapat ito itapon sa inodoro o sa lababo maliban kung pinayuhang gawin ito. Dagdag pa, mahalagang itapon ito nang mabuti kung expired o hindi na kailangan. Kumonsulta sa iyong pharmacist para sa karagdagang detalye tungkol sa ligtas na pagtatapon nito.
Ano ang Ketosteril? Mga pag-iingat at babala
Ano ang dapat gawin bago uminom ng Ketosteril?
Bago uminom ng gamot na ito, sabihin sa iyong doktor kung ikaw ay o may:
- Buntis o nagpapasuso
- Umiinom ng iba pang gamot. Kabilang dito ang gamot na may reseta, gamot na walang reseta, at halamang gamot.
- Allergy sa anomang sangkap nito
- Ibang sakit, disorders, o medikal na kondisyon, lalo na ang:
- Phenylketonuria
- Hypercalcemia
Ligtas ba ito sa mga buntis at nagpapasuso?
Sa kasamaang palad, walang sapat na impormasyon tungkol sa kaligtasan ng pag-inom ng gamot na ito para sa mga buntis at nagpapasuso. Laging kumonsulta sa iyong doktor upang malaman ang mga posibleng benepisyo at panganib ng pag-inom ng anomang gamot.
Side effects
Ano-ano ang mga side effects ng Ketosteril?
Katulad ng ibang mga gamot, ang ketosteril ay maaaring may side effects. Kung mangyari ito, kadalasang ang mga ito ay hindi gaanong malubha at nawawala kung tapos na ang gamutan o kung ibinaba ang dose. Ang ilang mga naitalang side effects ay ang mga sumusunod:
- Allergic reaction
- Pagtitibi
- Pagduduwal
- Pagsakit ng ulo
- Panghihina ng kalamnan
Gayunpaman, ang side effects ay hindi nararanasan ng lahat ng umiinom nito. Dagdag pa, may ilang nakararanas ng iba pang side effects. Kaya kung ikaw ay may alalahanin tungkol sa mga ito, kumonsulta sa iyong doktor o pharmacist.
Mga interaksyon
Ano-anong mga gamot ang maaaring may interaksyon sa Ketosteril?
Ang gamot na ito ay maaaring may interaksyon sa iba pang gamot na kasalukuyang mong iniinom. Ito ay maaaring makapagpabago sa epekto ng gamot sa iyo o makapagpataas ng tyansa ng malubhang side effects.
Upang maiwasan ang anomang posibleng drug interactions, mahalagang magkaroon ng listahan ng mga gamot na iyong iniinom (kabilang na ang gamot na may reseta, gamot na walang reseta, at halamang gamot) at sabihin ito sa iyong doktor o pharmacist.
Mga Gamot na may interaksyon:
- Calcium supplements
- Calcium-containing drugs
- Vitamin D
- Fluoride
- Iron supplements
- Tetracyclines
- Quinolones
- Cardiac glycosides
Kung ikaw ay makaranas ng matinding drug interaction, itigil ang pag-inom ng gamot na ito at ituloy ang pag-inom ng iba mo pang gamot. Agad na ipagbigay-alam ito sa iyong doktor upang muling masuri ang iyong plano ng iyong gamutan. Ang mga maaaring gawin ay ang pagsasaayos ng dose, pagpapalipat ng gamot, o pagtapos sa gamutan.
May interaksyon ba ang pagkain at alak sa Ketosteril?
Ang gamot na ito ay maaaring may interaksyon sa pagkain o alak. Dahil dito, maaaring mabago ang epekto ng gamot o tumaas ang tyansa ng malubhang side effects. Itanong sa iyong doktor o pharmacist ang anomang posibleng interaksyon ng pagkain o alak bago ito inumin.
Ano-anong mga medikal na kondisyon ang maaaring may interaksyon sa Ketosteril?
Ang gamot na ito ay maaaring may interaksyon sa iba pang mga medikal na kondisyon. Maaari nitong mapalubha ang kondisyon o mabago ang epekto ng gamot. Kaya mahalagang laging ipagbigay-alam sa iyong doktor o pharmacist ang iyong kasalukuyang kondisyon, lalo na ang:
- Hypercalcemia
- Phenylketonuria
Dosage
Ang mga impormasyong ito ay hindi pamalit sa anomang payong medikal. Kaya, laging kumonsulta sa iyong doktor o pharmacist bago uminom ng anomang gamot.
Ano ang dose para sa isang nakatatanda?
Ang normal na dose para sa isang karaniwang nakatatanda (may timbang na 70kg) ay 4 hanggang 8 tableta na dapat inumin tatlong beses sa loob ng isang araw. Ito ay kung ang kanilang GFR ay mas mababa sa 25 mL kada minuto.
Dahil ang gamot na ito ay naglalaman ng amino acids, ang doses ay kinakalkula batay sa timbang ng katawan, renal function, at dami ng protinang nakukuha sa kinakain. Sa pamamagitan nito, malalaman ng iyong doktor ang tamang dose at regimen na para sa iyo.
Ano ang dose para sa isang bata?
Walang tiyak na dose ng gamot na ito para sa mga bata. Maaaring hindi ito ligtas para sa iyong anak. Laging mahalaga na lubos na maunawaan ang kaligtasan ng pag-inom ng gamot bago ito inumin. Kumonsulta sa iyong doktor o pharmacist para sa iba pang mga impormasyon.
Anong Ketosteril ang maaaring mabili?
Ang Ketosteril ay maaaring mabili sa mga sumusunod na anyo at lakas ng dosage:
- Ketosteril film-coated tablets: 600 mg
Bawat tableta ay naglalaman ng:
- Calcium 3-methyl-2-oxovaleric acid (a-ketoanalogue of isoleucine, Ca-salt) 67 mg
- Calcium-methyl-2-oxovaleric acid (a-ketoanalogue of leucine, Ca-salt) 101 mg
- Calcium-2-oxo-3-phenylpropionic acid (a-ketoanalogue of phenylalanine, Ca-salt) 86 mg
- Calcium-3-methyl-2-oxobutyric acid (a-ketoanalogue of valine, Ca-salt) 68 mg
- Calcium-DL-2-hydroxy-4-(methylthio)-butyric acid (a-hydroxyanalogue ofmethionine) 59mg, Ca-salt 105 mg
- L-lysine acetate (= L-lysine 75 mg) 53 mg
- L-threonine 23 mg
- L-tryptophan 38 mg
- L-histidine 30 mg
- L-tyrosine
Ano ang maaari kong gawin kung emergency o kung na-overdose?
Kung emergency o na-overdose, tumawag ng ambulansya o pumunta sa pinakamalapit na ospital.
Ano ang maaari kong gawin kung nakalimutan kong uminom?
Kung nakalimutang uminom, inumin ito sa lalong madaling panahon. Ngunit kung malapit na rin namang inumin ang kasunod na dose, huwag nang inumin ang nakalimutang dose at inumin na lamang ang regular na dose sa tamang oras. Huwag uminom ng dalawang dose sa isang pagkakataon.
Matuto pa tungkol sa Drugs at Supplements dito.