Maraming bagay ang maaring maging sanhi ng constipation. Halimbawa, ang kakulangan sa tubig at fiber ay posibleng magdulot ng constipation. Ngunit paano kung ilang linggo nang ganito ang iyong problema? Anu-ano nga ba ang chronic constipation symptoms at paano ito maaaring gamutin sa bahay?
Ano ang Chronic Constipation?
Bago natin alamin ang chronic constipation signs at symptoms, atin munang alamin kung ano nga ba ang kondisyong ito.
Ang constipation ay tinatawag na chronic kung ilang buwan ka nang nahihirapang dumumi.
Posible rin na regular ang iyong pagdumi, pero parang bitin o hindi pa tapos ang iyong pagdumi. Ayon sa mga reports, ang pagkakaroon rin ng ganitong pakiramdam ay senyales ng pagkakaroon ng chronic constipation.
Chronic Constipation Symptoms
Tingin mo ba ay mayroon kang chronic constipation? Syempre, ang pinakamainam na paraan upang malaman ay magpakonsulta sa doktor.
Kapag ikaw ay nagpakonsulta, tatanungin ka ng doktor tungkol sa iyong bowel movement. Kaya mabuti kung malaman mo ang mga chronic constipation symptoms na sumusunod:
Minsanan at Mahirap na Pagdumi
Upang malaman mo kung ikaw ay may chronic constipation, dapat alamin mo kung gaano ka dalas ka dumudumi.
Kung nakakaranas ka ng mas kaunti sa 3 pagdumi sa isang linggo, sa loob ng 3 buwan, posible itong chronic constipation.
Palaging Umiire Para Dumumi
Sinasabi nila na kapag nahihirapan kang dumumi ay mayroon kang constipation. Pero ano nga ba ang ibig sabihin ng “mahirap” dito?
Ayon sa mga eksperto, ito ay kung kinakailangan mong umire, o kaya mag-“push” palagi kapag ikaw ay dumudumi.
Matigas ang Iyong Dumi
Ang normal, healthy na dumi ay mayroong hugis na parang “sausage o snake-shaped”. Sintaba ito ng saging, at smooth dapat ang texture nito.
Isa pa ay hindi dapat ito nadudurog kapag nag-flush ka. Ibig sabihin nito ay mayroon itong sapat na tubig.
Kapag mayroon kang chronic constipation, ang iyong dumi ay “matigas” at posibleng maging alin sa mga sumusunod:
- Mala-pebble na dumi. Ang ganitong uri ng dumi ay katulad ng sa kambing o kaya sa mga rabbit. Ayon sa mga doktor, maaaring maging masakit ang paglabas ng ganitong dumi dahil ibig sabihin nito ay matagal itong naipon sa iyong tiyan.
- Bukol-bukol na dumi. Kung bukol-bukol ang iyong dumi na parang sausage, posible itong chronic constipation symptoms. Para rin itong pebbles, ngunit ang pinagkaiba ay hindi ito naghihiwa-hiwalay.
- May cracks ang dumi. Posibleng mukhang buo ang iyong dumi, ngunit mayroon itong mga crack. Halos katulad rin ito ng dumi ng malusog na tao, pero ang pinagkaiba ay may mapapansin ka ritong mga cracks. Ang ibig sabihin nito ay mayroon kang constipation na posibleng dulot ng iyong lifestyle o ng iyong kinakain.
Pakiramdam na Hindi Tapos ang Pagdumi
Bukod sa bihirang pagdumi, at sa pag-alam ng hugis nito, isa pang sintomas ng chronic constipation ay ang pakiramdam na parang hindi ka pa rin tapos dumumi.
Ibig sabihin nito ay kakatapos mo lang magbanyo, pero nararamdaman mo na “mayroon pa rin” at tila gusto mo pa ulit dumumi.