Ang diabetes ay maaaring magresulta sa maraming mga isyung pangkalusugan, na mas nakapagpapalubha ng kondisyon ng pasyente. Halimbawa: ang hindi makontrol na mataas na lebel ng blood sugar ay maaaring makaapekto sa pagkakaroon ng sakit sa kidney. Ano-ano ang mga senyales ng renal disease sa diabetes? Kung sakaling mapansin ang mga ito, paano ito mapipigilan? Alamin sa artikulong ito.
Ano Ang Renal Disease Sa Diabetes?
Ang renal disease sa diabetes ay tumutukoy sa anomang problema sa kidney na partikular na nangyayari dahil sa diabetes ng pasyente. Tinatawag din itong diabetic nephropathy.
Ngunit, paano nakaaapekto ang diabetes sa bato?
Ang matagal o hindi makontrol na mataas na blood sugar ay maaaring makasira sa sensitibong mga ugat na daluyan ng dugo sa kidney na sumasala sa dugo. Gayundin, ang diabetes ay nakapagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng altapresyon. Maaari ding makasira ang hypertension sa mga ugat na daluyan ng dugo sa kidney.
Dapat Bang Maging Mas Mag-ingat Sa Diabetic Nephropathy?
Dapat na mag-ingat ang sinomang may diabetes sa diabetic nephropathy. Gayunpaman, kailangang maging mas maingat kung may hindi makontrol na hyperglycemia at hypertension.
Gayundin, ang mga sumusunod na salik ay maaaring makapagpataas sa tyansa ng pagkakaroon ng Diabetic Nephropathy:
- Paninigarilyo
- Pagkakaroon ng paraan ng pamumuhay na laging nakaupo
- Pagkakaroon ng sakit sa puso
- Pagiging overweight
- Pagkakaroon ng diet na mataas sa salt, o hindi pagsunod sa mungkahi ng doktor
- Pagkakaroon ng family history ng kidney failure
[embed-health-tool-bmi]
Anu-Ano Ang Mga Senyales Ng Renal Disease Sa Diabetes?
Ang diabetic nephropathy ay hindi karaniwang hindi kinakikitaan ng maagang mga senyales at sintomas. Ang tanging paraan upang makumpirma ang pagkakaroon nito ay ang pagsailalim sa mga laboratory tests para sa bato. Halimbawa, maaaring suriin ang albumin (isang uri ng protein) sa ihi dahil malalaman sa pamamagitan nito kung epektibo pa rin ang kidneys sa pagsala ng dugo.
Makipag-ugnayan sa doktor tungkol sa tests na ito. Maaaring kailanganin ng isang indibiduwal na ipasuri ang kanyang kidney isang beses sa isang taon kung mayroon siyang type 2 diabetes o type 1 diabetes sa loob ng 5 taon.
Narito ang ilan sa mga senyales at sintomas ng renal disease sa diabetes:
- Hindi makontrol na blood pressure
- Pamamaga (edema) ng mga kamay, paa, o mata
- Hindi pagkakaroon ng pangangailangan ng mas maraming insulin o gamot sa diabetes gaya ng dati
- Mas pagdalas ng pag-ihi
- Labis na pangangati
- Pagduduwal
- Kawalan ng ganang kumain
- Pagkapagod
- Kakapusan sa paghinga
- Pagkalito
Ilan sa mga sintomas nito ay maaaring indikasyon ng kidney failure (tulad ng edema). Kaya naman, kung maranasan ang ilan sa mga ito, makipag-ugnayan sa doktor sa lalong madaling panahon.
Reversible Nga Ba Ang Renal Disease Sa Diabetes?
Reversible ba ang diabetic nephropathy? Noong una, ayon sa mga eksperto ay hindi ito reversible. Ngunit may mga ulat na nagsasabing maaari itong reversible kung matutuklasan at makokontrol nang maaga.
Paano nangyayari ang interbensyong ito? Bukod sa maagang pagtuklas, kailangan din ang mahigpit na pagkontrol sa lebel ng sugar.
Sa isang pag-aaral, halos 50% ng mga taong nakararanas ng pagtagas ng protina sa ihi (indikasyon ng pagkasira ng bato) ay bumubuti ang kondisyon kung kokontrolin nila ang kanilang blood sugar gamit ang insulin, may mababang presyon ng dugo, at mababang lebel ng cholesterol at triglyceride sa dugo.
Siyempre, ang mga paraang ito ay maaaring hindi na epektibo kung ang kidney ay nakararanas na ng malubhang pagkasira.
Malusog Na Pamumuhay Upang Makontrol Ang Diabetic Nephropathy
Sa maraming mga kaso, tiyak na kakailanganin ang mga gamot upang matugunan ang diabetes at iba pang mga isyung kaugnay nito. Gayunpaman, huwag kalimutang ang malusog na pamumuhay ay mahalaga rin
Upang maalagaan ang kidney:
- Tumigil o umiwas sa paninigarilyo
- Makipag-ugnayan sa dietitian upang bumuo ng malusog na diet na isinasaalang-alang ang iyong kagustuhan.
- Magsagawa ng angkop na pisikal na aktibidad ayon sa payo ng doktor.
- Makipagtulungan sa doktor upang makamit ang malusog na timbang.
- Sikaping magkaroon ng tulog na hindi bababa sa 7 oras bawat gabi.
Key Takeaways
Ang renal disease sa diabetes ay pangunahing sanhi ng hindi maayos na pagkontrol sa blood sugar. Sa maagang yugto ng sakit na ito, maaaring hindi ito kakitaab ng anumang senyales at sintomas. Kaya naman mahalagang ipasuri ang kidney. Sa pamamagitan ng maagang pagtuklas at interbensyon, posibleng maging reversible ang diabetic nephropathy.
Matuto pa tungkol sa Diabetes dito.