Kung mayroon kang diabetes, marahil alam mo na kung gaano kahalaga ang pag-monitor sa iyong sugar level. Sa Pilipinas, ang paggamit ng isang glucometer ang pinakakaraniwang paraan para gawin ang Capillary Blood Glucose monitoring o CBG monitoring. Isang pocket-size na device ang glucometer na maaaring mag-detect ng iyong blood glucose level sa pamamagitan lamang sa pagpatak ng iyong dugo sa test strip. Ngunit maaaring hindi ito madali (at nakasusugat) sa mga taong nangangailangan ng madalas na pagsusuri. Ito ang dahilan kung bakit isinasaalang-alang ng ilan ang CGM o Continuous Glucose Monitoring. Ano ang CBG monitoring at ano ang pinagkaiba ng dalawa?
Ano ang CBG Monitoring?
Kapag pinag-uusapan ang diabetes, Capillary Blood Glucose ang ibig sabihin ng CBG. Sa madaling salita, ito ang level ng glucose na dumadaloy sa iyong dugo. Masusukat ito gamit ang isang self-monitoring device na binubuo ng glucometer, lancet, at test strip. Para mas madali, maaari ka rin gumamit ng lancing device na maaaring paglagyan ng lancet para hindi na kailangan tumusok nang manu-mano.
Sa pangkalahatan, nangyayari ang CBG monitoring kapag regular na sinusuri ang iyong capillary blood sugar level, ayon sa abiso ng doktor.
Ngunit kung hahanapin mo ang “CBG monitoring” sa online, mapapansing lumalabas din ang terminong “CGM” o Continuous Glucose Monitoring. Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang paraan na ito?
Ano ang CGM?
Kung gumagamit ng tradisyunal na glucometer ang CBG monitoring, ano naman ang CGM?
Tinatawag na CGM o Continuous Glucose Monitoring ang isang automatic na paraan ng pag-check ng blood sugar sa buong araw at gabi. Hindi lang nito ipinapakita ang reading, ngunit inaalam din nito ang trend kung saan nagbabago ang glucose ng dugo.
Sa halip na glucometer, gumagamit ang CGM ng sensor na may transmitter na pinapasok sa ilalim ng balat (karaniwan sa likod ng braso). Habang sinusuri ng sensor ang glucose level, ipinapadala ng transmitter ang resulta sa monitor. Nangangailangan lang ng app ang ilang brand na magagamit para ma-scan ang sensor sa tuwing nais i-check ang iyong sugar level.
CBG Monitoring at CGM: Ano ang Pagkakaiba?
Para makatulong sa iyong pagpapasya kung CBG monitoring ba ang kukunin mo o CGM, narito ang mga pangunahing pagkakaiba na dapat pag-isipan:
1. Nakikita ng CGM ang glucose sa interstitial fluid
Habang nakikita ng CBG ang sugar sa dugo, nakikita naman ng CGM ang glucose sa interstitial fluid (ISF) o ang fluid sa pagitan ng mga cell. May mga ulat na nagsasabing mas angkop para sa mga therapeutic decision ang pagsukat ng glucose mula sa ISF.
2. Hindi na kinakailangan sa CGM ang pagtusok ng daliri
Isa pa sa pinakamahalagang bagay na dapat isaisip ang pagtusok ng daliri. Kinakailangan sa CBG monitoring ang pagtusok sa daliri sa bawat oras na kailangan mong suriin ang iyong blood sugar. Sa kabilang banda, wala namang sakit na mararamdaman sa sensor application (depende sa brand) ng CGM. Maaaring tumagal ng 14 na araw ang sensor.
3. “Manual monitoring” pa rin ang CBG monitoring
Kinakailangan pa rin ng manu-manong monitoring ang paggamit ng glucometer dahil kailangan mo isulat ang mga resulta sa isang notebook o app. Sa kabilang banda, maaari ka naman bigyan ng CGM ng measurement sa anumang oras, makukuha mo ito kaagad, at mabibigyan ka nito ng kaalaman sa trend.
4. Mayroong alarm system ang CGM
Kinakailangan para sa mga pasyenteng may diabetes na malaman ang mga senyales ng hyperglycemia at hypoglycemia. Ngunit makatutulong pa rin ang makukuhang impormasyon mula sa isang device.
May alarm system ang ilang brand ng CGM na nagsasabi kapag mataas na masyado o mababa na ang iyong sugar level.
5. Mas mahal ang CGM kaysa sa CBG
Panghuli, maaaring gusto mo rin pag-isipan ang mga magagastos. Maaaring mas madali nga ang CGM ngunit mas mahal naman ito kaysa sa CBG. Hindi lang ito mahal, dahil hindi pa rin ito madalas nagagamit sa bansa.
Noong 2020, dinala ng Abbott ang Freestyle Libre System ng CGM sa Pilipinas. Ngunit hindi nila ipinakita ang presyo. Maraming mga ulat, gayunpaman, ang nagsasabi na malayong mas mahal ito kumpara sa pagbili ng mga test strip at lancet.
Panghuling Paalala
Interesado ka bang palitan ang CBG monitoring para lumipat sa CGM? Mangyaring humingi ng payo sa doktor. Maaari kang makakita ng mga tindahan sa online na nagbebenta ng mga CGM sensor, ngunit mangyaring magpatuloy nang may pag-iingat. Makipag-ugnayan sa isang health care worker upang magabayan ka nila sa tamang direksyon pagdating sa pagbili ng CGM.
Matuto pa tungkol sa Diabetes dito.
[embed-health-tool-bmi]