Sa iyong huling check-up, pinayuhan ka ng doktor na gumamit ng glucometer sa bahay. Ang glucometer o mas kilala bilang glucose meter, ay isang compact device na sinusukat ang concentration ng glucose sa iyong dugo. Magandang gamitin ito ng mga taong may diabetes. Gamit ang glucometer, puwede mo nang masubaybayan kung nasa normal na level ang iyong blood sugar o lumilihis na ito sa iyong inaasahan. Kung ngayon ka pa lang gagamit ng glucometer, maaaring ikaw ay nagtataka, “Paano gumamit ng glucometer?” Narito ang mga paraan kung paano gamitin ito sa pagsukat ng iyong blood sugar.
Paano Gumamit Ng Glucometer?
Binigyan ka na ng doktor ng detalyadong hakbang kung ano’ng gagawin, ngunit kung naguguluhan ka sa dami ng mga impormasyon, sundin muna ang sinabi ng doktor.
Simple lang ang patakaran kung paano gumamit ng glucometer. Maaaring maging madali ang pagsukat ng blood sugar sa oras na matutuhan mo na ito. Isulat ang iyong target blood sugar range at mag-set ng reminders kung kailan ka dapat mag-monitor ng iyong glucose.
Maaaring nasabihan ka na rin sa kung ano ang gagawin sakaling wala sa target range ang glucose level ng iyong katawan. Kaya’t isulat din ang instruction na ito. Kung nalilito ka sa alinman sa mga nabanggit na hakbang, huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa iyong doktor.
Pagkatapos, kunin ang package ng glucometer at basahin ang nakasaad na mga direksiyon. Karamihan sa mga glucose meters ay gumagana sa pare-parehong paraan. Ngunit maaaring magkaroon ng kaunting pagkakaiba sa instructions. Halimbawa, may ilang brands na kailangang pindutin mo muna ang device upang magbukas ito, habang mayroon namang automatic nang nagbubukas sa oras na ipasok mo ang test strip.
Kapag kumpiyansa ka na sa device, mas magiging kumpiyansa ka nang gamitin ito sa oras na kailangan mo nang sukatin ang iyong blood sugar.
Ano Ang Kailangan Ko Bago Mag-Check Ng Blood Sugar?
Bago ang oras ng pag-check, gawin muna ang mga sumusunod:
- Ihanda ang mga kagamitan, kasama ang glucometer, test strips, lancets, at lancing device. Kung wala kang lancing device, puwede na ang lancet.
- Maghanda ng alcohol pads ( maaari ding bulak at alcohol).
- Huwag kalimutang maghanda ng “sharps box.” Kung wala ka nito, sapat na ang hindi madaling mabutas at non-transparent na lalagyan. Lagyan ng label na “Gamit nang karayom. Huwag gamitin ulit.”
- Kumuha ng mga selyadong lalagyan para sa test strips at alcohol pads.
- Maghanda ng notebook na pagsusulatan ng resulta ng iyong blood sugar test. Dadalhin mo ito sa tuwing pupunta sa doktor.
Paano Ko Gagawin Ang Test?
Paano gumamit ng glucometer? Kapag naihanda mo na ang lahat, puwede mo nang simulan ang pagsukat sa iyong blood sugar.
- Ilagay ang lancing pen sa lancet kung mayroon ka nito.
- Maghugas ng kamay gamit ang tubig at sabon. Mahalaga ito sapagkat ang mga butil ng pagkain at iba pang maliliit na bagay na nasa iyong kamay ay maaaring magbigay sa iyo ng maling resulta ng test. Tiyakin ding tuyo ang kamay pagkatapos maghugas sapagkat maaaring humalo ang tubig sa iyong dugo.
- Ipasok ang test strip sa device. Pagkatapos kumuha ng test strip sa lalagyan, isara itong mabuti. Maaaring makasira sa strips ang pagkakalantad nito sa moisture.
- Imasahe ang iyong daliri upang dumaloy nang maayos ang dugo, saka tusukin ang tabi ng dulo ng iyong daliri gamit ang lancing pen at lancet.
- Pisilin ang ng dulo ng daliri upang lumabas ang dugo saka ilagay ang kaunting dugo sa strip.
- Sa loob ng ilang segundo, ipapakita ng glucometer ang resulta ng test sa screen nito.
- Maaaring gumamit ng alcohol pad kung patuloy pa ring dumudugo ang bahaging tinusok.
Paalala: Kung sobrang sakit ang pagtusok at nagdulot ng sobrang pagdurugo, tingnan ang setting ng lancing device. Ang numerong nakasaad dito ang nagsasabi kung gaano kalalim ang pagtusok sa balat ng lancet. Kadalasan, mas akmang gamitin ang setting na 2, o ang alinmang nasa gawing gitna.