Nararanasan ng isang nagbubuntis ang iba’t ibang mga pagbabago sa katawan. Sa iyong mga regular na check-up, maaaring mabanggit ng iyong doktor ang tungkol sa pagkakaroon ng OGTT. Ngunit tungkol saan ang oral glucose tolerance test ng buntis? Kailangan ba ito? Bakit kailangang ng mga buntis ang test na ito? Alamin dito.
Ano ang OGTT?
Sinusuri ng oral glucose tolerance test ng buntis, o OGTT, ang kakayahan ng isang tao sa paggamit ng asukal (glucose).
Ipinagagawa ng mga doktor ang eksaminasyon na ito upang masukat ang glucose levels bago at dalawang oras pagkatapos uminom ng espesyal na matamis na inumin. Kapag ang two-hour blood sugar level ay mas mataas sa o katumbas ng 200 mg/dl, maaaring ikaw ay diabetic.
Ang OGTT ay karaniwang ginagawa sa mga buntis na maaaring may gestational diabetes.
May ilang mga tao na ang tawag dito ay gold standard para sa diagnosis ng diabetes kumpara sa isang simple glucose tolerance test.
Paano Makakaapekto ang Gestational Diabetes sa Iyong Pagbubuntis?
Karamihan sa mga buntis ay may normal na pagbubuntis at malusog na mga sanggol. Pero kung minsan, ang isang babae ay maaaring magkaroon ng diabetes sa panahon ng kanyang pagbubuntis. Ito ay isang kondisyon na tinatawag na gestational diabetes. Ito ay karaniwang nawawala pagkatapos manganak. Kung magkakaroon ka ng gestational diabetes, mahalagang i-monitor ang iyong kondisyon dahil maaari itong magresulta sa mga komplikasyon tulad ng mga sumusunod:
- Maaaring lumaki ang iyong sanggol kaysa karaniwan, na maaaring magdulot ng mga komplikasyon sa oras ng panganganak. Ang isang malaking sanggol ay nagpapataas ng posibilidad ng induced labor o cesarean section.
- Polyhydramnios
- Premature birth
- Pre-eclampsia
- Stillbirth
Pagkatapos manganak, ang iyong sanggol ay maaaring magkaroon ng mababang asukal sa dugo o jaundice, na maaaring mangailangan ng pananatili sa ospital. At habang nawawala ang gestational diabetes pagkatapos manganak, mas malamang na magkaroon ka naman ng type 2 diabetes sa mga susunod na taon.
Ang American College of Obstetricians and Gynecologists ay nagmumungkahi ng screening para sa gestational diabetes sa mga low-risk na buntis na mababa ang panganib sa pagitan ng 24 at 28 na linggo ng pagbubuntis. Ito ay dahil sa mga stage na ito malamang na magkaroon ng gestational diabetes.
Maaaring mas maaga kang payuhan ng doktor para sa oral glucose tolerance test ng buntis kung nasa mas mataas na panganib ka na magkaroon ng gestational diabetes.
Kabilang sa mga panganib na kadahilanan ay ang:
- Diabetes noong nakaraang pagbubuntis
- History ng diabetes sa pamilya
- Obesity
- Pagkakaroon ng kondisyong medikal na maaaring may link sa diabetes (ibig sabihin, metabolic syndrome, polycystic ovary syndrome)
Kung mayroon kang isa o higit pa sa risk factors, maaaring i-endorso sa iyo ng doktor ang test.
Paano Ka Maghahanda para sa isang oral glucose test ng buntis o OGTT?
Bago mangyari ang screening, mahalagang sabihin sa iyong doktor ang anumang gamot na iniinom. Maaaring may mga pagkakataon kung saan kailangan mong ihinto ang paggamit ng ilang mga gamot pansamantala.
At least 8 hours, bago ang iyong unang blood sample, hindi ka dapat kumain, uminom, manigarilyo, o magsagawa ng mabigat na ehersisyo. Ngunit maaari kang uminom ng tubig bago ang test. Fasting ang tawag ng iba dito bago ang procedure.
Paano Ginagawa ang OGTT?
- Tulad ng ibang blood test, ang isang medical technologist ay kukuha ng ilang sample ng dugo para sa pagsusuri. Ang unang sample ay nagpapakita ng aktwal na antas ng glucose sa iyong dugo pagkatapos ng fasting. Ito ay kinakailangan bilang isang point of comparison.
- Pagkatapos kunin ang iyong dugo, kakailanganin mong uminom ng isang maliit na tasa ng napakatamis na liquid na naglalaman ng 50, 75, o 100 grams ng glucose.
- Habang nagpapatuloy ang test, mas maraming sample ang maaaring kunin sa susunod na 1-3 oras, depende sa uri ng test.
- Dahil ang aktibidad ay maaaring makaimpluwensya sa mga resulta ng test, kakailanganin mong umupo nang tahimik sa buong duration ng test. Hindi ka rin dapat kumain ng anuman sa oras ng oral glucose test.
Kapag tapos na ang lahat, sasabihan ka ng iyong doktor kapag available na ang mga resulta para tingnan at ma-interpret.