backup og meta

Matatandang May Diabetes, Paano Dapat Alagaan?

Matatandang May Diabetes, Paano Dapat Alagaan?

Mapanghamon ang pagbibigay ng mga pangangailangang pangkalusugan ng matatandang may diabetes. Narito ang ilang tips upang matulungan kang bumuo ng tamang care plan para sa kanila.

Araling Mabuti Ang Lahat Ng Tungkol Sa Diabetes

Ang susi upang makabuo ng isang epektong care plan para sa mga matatandang may diabetes ay unawain ang kanilang kondisyon at papaano ito nakaaapekto sa pasyente.

Maghanap ng mapagkakatiwalaang babasahin, pag-aaral, aklat at iba pang nagbibigay ng detalyado ngunit tahas na paliwanag tungkol sa type 2 diabetes.

Basahin ang mga sanhi, panganib, sintomas, gamutan, management, at mga komplikasyon ng sakit na ito. Pagkatapos, kilalanin ang iyong pasyente at tingnan kung alin sa iyong mga napag-aralan ang tumutugma sa kanyang kondisyon.

Sa pamamagitan ng sapat na kaalaman tungkol sa diabetes at kung papaano nito naaapektuhan ang matatanda, malalaman mo ang tamang pamamaraan upang matulungan ang iyong pasyenteng pangalagaan ang kanyang kondisyon.

Halimbawa, ngayong alam mo na ang mga warning sign ng mababang blood sugar at mataas na blood sugar, matutulungan ka nitong alagaan ang iyong pasyente upang maiwasan ang mga komplikasyong maaaring mangyari.

matatandang may diabetes

Bigyang Pansin Ang Pangangalaga Sa Sarili

Kasama sa pag-aaral ng diabetes para sa mga caregivers ang malalim na pag-unawa kung papaano nakatutulong ang tamang pangangalaga sa sarili upang makaiwas sa ilang komplikasyon.

Upang matulungan kang makabuo ng tamang care plan para sa matatandang may diabetes, itala ang mga sumusunod na tips:

Pangangalaga Sa Balat (Skin Care)

Kahit ang mga maliliit na sugat gaya ng hiwa sa balat at kalyo ay maaaring mauwi sa mas malalang impeksyon kung hindi magagamot nang mabuti.

Dahil mas lapitin sa skin injuries ang dry skin, ang pinakamainam na gawin upang maiwasang masugatan ay ang pagpapanatiling moisturized ang balat.

Tulungan ang inyong pasyenteng maligo gamit ang mild soap at maligamgam na tubig. Magtanong din sa doktor kung anong skin moisturizer ang ligtas at epektibong gamitin.

Bukod dyan, palaging tingnan kung may senyales ng sugat gaya ng paltos at pamamaga ang iyong pasyente. Mahalagang gawin ito lalo na para sa mga pasyenteng hindi nararamdamang may sugat sila dahil sa kanilang damage nerve.

Upang matulungan ang pasyenteng masuri ang kanilang balat, bigyan sila ng madaling bitbiting salamin upang makita nila ang mga bahagi ng katawang mahirap maabot.

Oral Care

Mataas ang panganib na magkaroon ang mga matatandang may diabetes ng ilang oral problems gaya ng gum diseases at dry mouth.

Bahagi ng care plan para sa mga matatandang may diabetes ang pagtitiyak sa mga sumusunod:

  • Gumamit ng soft-bristled toothbrush.
  • Sipilyuhin ang kanilang mga ngipin tuwing pagkatapos kumain.
  • Gamitan sila ng dental floss isang beses sa isang araw.

Pangangalaga sa Paa

Ang matatandang may diabetes ay maaaring magdusa sa iba’t ibang problema gaya ng corns at calluses (maliit, bilugan, at makapal na bahagi ng balat sa paa), paltos, ulcers (sa balat), at alipunga.

Upang maiwasan ang mga ganitong kondisyon, isama ang mga sumusunod sa inyong care plan para sa mga matatandang may diabetes:

  • Tulungan ang pasyenteng regular na gupitan ang kanyang kuko. Huwag gupitin nang pabilog ang gilid ng mga kuko. Gupitin ito nang diretso.
  • Pagkatapos gupitan ang kanyang kuko, gumamit ng nail file upang mapakinis ang mga dulo ng kuko.
  • Pagkatapos maligo, tiyaking tuyo ang buong paa ng pasyente, maging ang pagi-pagitan ng kanyang mga daliri.
  • Magpahid sa paa ng pasyente ng moisturizer na aprubado ng doktor.
  • Payuhan ang iyong pasyenteng huwag maglalakad nang walang sapatos kahit sa loob ng bahay.
  • Mahalaga rin ang pagpili ng sapatos. Piliin ang closed shoes na gawa sa malambot na leather na may sapin sa suwelas. Huwag pagsuotin ang pasyente ng open-toed shoes gaya ng sandals.

Ayusin Ang Lifestyle Ng Pasyente

Kung minsan, kasama sa pag-aaral ng diabetes para sa mga caregivers ang pagsunod din sa kanilang positive lifestyle. Sa care plan para sa matatandang may diabetes, magtuon sa mga sumusunod:

Healthy Diet

Bilang caregiver, sundin mo rin ang meal plan na ibinigay ng healthcare team para sa iyong pasyente dahil isa itong paraan upang isulong ang healthy blood glucose level.

Hikayatin ang pasyenteng kumain sa parehong oras sa bawat araw sa pamamagitan ng pagkain kasabay niya. Dahil maaaring biglang bumagsak ang kanyang sugar level, tiyaking hindi siya lumalagpas o nakalilimot na kumain. Makatutulong ang paghahanda ng small snacks gaya ng nilagang itlog, hiniwang mansanas na may peanut butter, avocado, at almonds.

Mag-Ehersisyo

Nakatutulong ang pag-eehersisyo hindi lamang upang mapanatili ng pasyenteng may diabetes ang magandang timbang, kundi nakapagpapaganda rin ito ng kanyang insulin sensitivity.

Dahil mataas ang tyansang naihanda na ng doktor ang exercise program para sa matandang pasyente, sabayan siya sa pag-eehersisyo upang matulungan siyang sundin ito.

Huli, pagbawalan siyang magsagawa ng bagong exercise routine na hindi aprubado ng kanyang doktor.

Hydration

Ang pag-inom ng tubig ay nakatutulong upang maging maayos ang blood sugar levels. Hikayatin ang matandang pasyenteng uminom ng maraming non-caffeinated drinks.

At syempre, tiyaking hindi siya umiinom ng maaasukal na inumin gaya ng soda at processed fruit juice.

Stress Management

Batay sa mga pag-aaral, nakaaapekto ang stress sa blood sugar level. Kaya naman isama sa iyong care plan para sa matatandang may diabetes ang stress management.

Turuan siya kung papaano pamamahalaan ang stress sa pamamagitan ng paggawa ng ilang relaxation techniques gaya ng breathing exercise, meditation, at journaling (pagsusulat). Kung gusto niya, samahan mo siyang gawin ang mga calming activities gaya ng paglalakad at pakikinig sa mga soft music.

At ang pinakaimportante, huwag mo nang hawahan ng iyong personal na stress ang iyong pasyente.

Subaybayan Ang Kaniyang Blood Sugar Araw-Araw

Kung kaya ng iyong pasyente na bantayan ang kaniyang blood sugar level, hikayatin mo pa siyang ipagpatuloy ito.

Tulungan siya sa pamamagitan ng pagpapaalala kapag tila nakalimutan niyang i-check ang kanyang blood glucose level. Maaari mo ring ilagay ang lahat ng gamit sa pag-mo-monitor ng kanyang blood sugar sa lugar na madali niyang maabot at mahanap.

Alamin ang kanyang target glucose levels at ipaalam agad sa kanyang doktor kung may napansing kakaibang pagbabago sa iyong records.

Tiyaking Nasusunod ang Tamang Pag-inom Ng Mga Gamot

Mahalagang bahagi ng magandang care plan para sa matatandang may diabetes ang pagtitiyak na nasusunod niya ang tamang pag-inom ng mga gamot. Nakasalalay sa iyong pasyente ang iyong partisipasyon sa bagay na ito. Hangga’t maaari, turuan siyang gawin ito nang mag-isa.

Para sa mga pasyenteng may type 2 diabetes na nakatatanggap ng insulin therapy, tandaang mahalaga ang pagsasagawa nito sa tamang oras. Posible ring kailangan ng iyong pasyente ng madalas na blood sugar testing kung siya ay sumasailalim sa insulin therapy.

Key Takeaways

Ang una mong dapat gawin kung ikaw ay mag-aalaga ng matandang may diabetes ay ang pag-aralan ang kondisyong ito at kung papaano nito naaapektuhan ang iyong pasyente. Pagkatapos nito, tulungan ang iyong pasyenteng magkaroon ng proper grooming, positive lifestyle changes, sugar monitoring, at tiyaking nasusunod niya ang tamang medikasyon batay sa rekomendasyon ng kanyang doktor.

Matuto ng higit pa tungkol sa Type 2 Diabetes dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Caring for Seniors with Diabetes, Advice for families and caregivers,https://www.care.com/senior-care-caring-for-seniors-with-diabetes-p1143-q317305.html, Accessed October 28, 2020

The Caregiver’s Ultimate Checklist For Diabetes Management, https://www.seniorsolutionshomecare.com/the-caregivers-ultimate-checklist-for-diabetes-management/, Accessed October 28, 2020

8 PRACTICAL WAYS TO MANAGE DIABETES IN SENIORS, https://dailycaring.com/8-practical-ways-to-manage-diabetes-in-seniors/, Accessed October 28, 2020

Patient/Family/Caregiver Teaching Checklist for Diabetes Education, https://www.healthquality.va.gov/guidelines/CD/diabetes/DiabetesTeachingChecklist.pdf, Accessed October 28, 2020

Kasalukuyang Version

12/12/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Elfred Landas, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Epektibo ba ang Herbal para sa Diabetes?

Diabetes At High Blood: Ano Ang Koneksyon?


Narebyung medikal ni

Elfred Landas, MD

General Practitioner · Maxicare Primary Care Center


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement