Ang diabetes ay isang kondisyon kung saan may mataas na level ng glucose sa dugo. Ito ay maaaring humantong sa iba’t ibang nakakapanghinang komplikasyon kung hindi ito ma-manage ng maayos. Alam mo ba na maaari rin itong magresulta sa stroke? Ano ang koneksyon ng diabetes at stroke?
Diabetes At Stroke
Paano nga ba pinapataas ng diabetes ang panganib na magkaroon ng stroke? Tingnan muna natin ang dalawang kondisyong ito.
Diabetes
Gaya ng nabanggit, ang diabetes ay nangyayari kapag ang isang tao ay nakakaranas ng mataas na antas ng glucose (asukal) sa dugo. Ngunit, bakit ito nangyayari?
- Sa pangkalahatan, ito ay dahil may problema sa insulin, isang hormone na tumutulong sa glucose na makapasok sa cells.
- Ang mga type 1 diabetic ay hindi makagawa ng sapat na insulin dahil mayroon silang problema sa kanilang pancreas, ang organ na gumagawa ng hormone.
- Sa kabilang banda, ang mga type 2 diabetic ay nagkakaroon ng insulin resistance – isang kondisyon kung saan ang mga cell ay hindi nag re-react sa insulin.
Type 1 o 2 man ito, pareho ang resulta: Mataas na antas ng asukal sa dugo. Ito ay humahantong sa mga sintomas tulad ng madalas na pag-ihi, pagkauhaw, mga sugat na hindi naghihilom, at kawalan ng enerhiya.
Sa katagalan, at lalo na kapag ang diabetes ay hindi namanage nang maayos, maaari itong magdulot ng mga komplikasyon tulad ng diabetic foot, pinsala sa ugat, at pagkawala ng paningin.
Stroke
Para malaman ng mas malinaw ang koneksyon sa pagitan ng diabetes at stroke, alamin natin kung ano ang stroke.
Ang stroke ay isang uri ng sakit na cerebrovascular. Sa pangkalahatan, ang nangyayari ay mayroong biglaang pagkawala ng brain function dahil sa pagkagambala ng suplay ng dugo sa utak. Ang resulta, ang isang bahagi ng utak ay hindi makakatanggap ng oxygen at iba pang nutrients na kailangan nito. Dahil dito, maaaring mamatay ang brain cells. At ang bahagi ng katawan kung saan konektado ang cells ay maaapektuhan.
Halimbawa, kung ang apektadong bahagi ay ang cerebrum o ang hemispheres, ang stroke ay maaaring magdulot ng mga problema sa paningin at pagsasalita, kahirapan sa paggalaw, kapansanan sa sensasyon, o loss of bowel or bladder control.
Ang Koneksyon Ng Diabetes At Stroke
Malinaw, na ang diabetes ay isang sakit na nagdudulot ng pagtaas ng antas ng glucose sa dugo, habang ang stroke ay isang kondisyon na kadalasang nakakaapekto sa utak, paano konektado ang dalawa?
Sabi ng mga medical experts, pinapataas ng diabetes ang tsansa na magkaroon ng stroke dahil sa epekto nito sa mga daluyan ng dugo.
- Sa pagtaas ng glucose level sa dugo, ang mga daluyan ng dugo ay mas malamang na mag-ipon ng fat deposits.
- Bukod dito, ang blood sugar ay maaaring mag-trigger ng paglitaw ng mga clots ng dugo.
- Ang mga fat deposit na ito o mga namuong dugo ay maaaring magdulot ng stroke kung harangan o masira ang blood vessels sa loob ng utak.
Dagdag pa dito, napag alaman ng mga siyentipiko na ang mga pasyente ng stroke na nagpapakita ng uncontrolled blood sugar ay may mas mataas na dami ng namamatay. Gayundin, ang resulta ng post-stroke ay mas mahirap kasabay ng high glucose levels.
Ang Diabetes At Stroke Ay May Parehong Risk Factors
Ang isa pang dahilan kung bakit konektado ang diabetes at stroke ay ang dalawang ito ay may magkaparehong risk factors.
Ibig sabihin, ilan sa mga risk factors para sa diabetes ay mga risk factors din para sa stroke.
Ang mga ito ay:
- Obesity, lalo na kapag ang sobrang taba ay puro sa gitna o tiyan. Ito ay tinatawag ding “apple body shape”.
- Prediabetes, isang kondisyon kung saan ang blood glucose levels ay mas mataas kaysa sa normal, ngunit hindi sapat na mataas upang ikategorya bilang diabetes.
- High blood pressure
Paano Babawasan Ang Panganib Na Ma-Stroke Kung May Diabetes Ka?
Ngayon na mayroon ka ng magandang ideya kung paano pinapataas ng diabetes ang panganib na magkaroon ng stroke, pag-usapan natin ang tungkol sa pag-iwas o prevention.
Kung wala kang diabetes, maraming paraan para mabawasan ang panganib. Marami ring lifestyle changes na makakatulong sa pag-iwas sa stroke. Pero, paano kung mayroon kang diabetes? Ano ang maaari mong gawin upang maiwasan ang stroke?
Makakatulong ang mga sumusunod na tip:
Iwasan o Tumigil Sa Paninigarilyo
Ang paninigarilyo ay hindi nakakatulong kahit na wala kang diabetes, ngunit kung mayroon ka, ito ay magiging mas delikado.
Ang parehong diabetes at paninigarilyo ay nagpapaliit sa mga daluyan ng dugo, na sagabal para sa dugo na makarating sa iba’t ibang bahagi ng katawan, kabilang ang utak.
Kaya naman, upang mabawasan ang panganib na magkaroon ng stroke, iwasan ang paninigarilyo o ganap na ihinto ang bisyo.
I-manage Ang Iyong Blood Pressure At Cholesterol Level
Pinapataas ng diabetes ang risk of stroke, lalo na kung dumaranas ka ng hypertension.
Ayon sa mga ulat, ang high blood pressure ay maaaring magdulot ng strain sa puso. Bukod dito, ito rin ay maaaring makapinsala sa mga daluyan ng dugo, at mapataas ang panganib ng mga sakit sa puso at stroke.
Idagdag pa na ang pagtaas ng mga antas ng LDL o “masamang kolesterol” ay maaaring makabara sa mga daluyan ng dugo na may mga fat deposit.
Upang maiwasan ang stroke, ipinapayong i-manage ang iyong blood pressure at cholesterol level. Magagawa ito sa pamamagitan ng mga pagbabago ng diet at lifestyle.
Bantayan Ang Iyong Timbang
Sa mga nasabi tungkol sa koneksyon ng diabetes at stroke, nalaman natin na ang obesity ay isang major risk factor.
Kung sa pagsuri sa iyong BMI, napansin mo na mayroon kang mas mataas kaysa sa normal na timbang, makipag-usap sa iyong doktor para sa pinakamahusay na paraan upang mabawasan ng timbang.
[embed-health-tool-bmi]
Sa pangkalahatan, ang pagsunod sa isang mas malusog na diet at isang mas aktibong pamumuhay ay nakakatulong na panatilihin ang iyong timbang sa loob ng isang malusog na hanay.
Key Takeaways
Tandaan: maaari mong pahinain ang koneksyon sa pagitan ng diabetes at stroke kung magsusumikap kang i-manage ang ABCs ng pamumuhay na may diabetes. Ang ABCs ay: A – A1C. Regular na i-monitor ang iyong blood sugar sa pamamagitan ng HbA1C o iba pang mga pagsusuri. B- Blood Pressure. Siguraduhin na ang iyong BP ay nasa healthy range. C- Cholesterol. Humanap ng mga paraan para mapababa ang bad cholesterol o LDL. D- Drugs. Makipag-usap sa iyong doktor tungkol sa mga gamot na maaaring makatulong na mapabuti ang iyong presyon ng dugo, mga antas ng LDL, o iba pang mga kondisyon sa puso. E- Exercise. Maging aktibo at mag ehersisyo. S- Stop smoking. dahil nagpapataas ito ng panganib na ma- stroke. Sa maraming ulat, ang “S” ay screening at pagsubaybay. Kasama na rin dito ang self-management kung saan magtatakda ka ng goals na panatilihing maganda ang iyong blood sugar level. Panghuli, ang pinakamahusay na paraan para hindi ma-stroke kapag ikaw diabetic ay ang regular na pagkonsulta sa iyong doktor. Matuto pa tungkol sa Komplikasyon sa Diabetes dito.