Ang diabetic neuropathy ay tumutukoy sa uri ng sirang nerve na sanhi ng pagkakaroon ng diabetes. Ang mataas na lebel ng asukal sa dugo ay nakakasama sa nerve sa buong katawan. At unang naaapektuhan nito ang mga nerve sa kamay at paa. Maaaring magdulot ng iba’t ibang isyu sa kalusugan ang pagkasira ng nerve, mula sa di gaanong kalalang pamamanhid hanggang sa matinding sakit. Nagpapahirap ito sa mga pasyente sa pagsasagawa ng mga gawain. Alamin dito ang mga uri ng diabetic neuropathy.
Maaaring mangyari ang problema sa nerve sa anumang oras kung ikaw ay may diabetes. Kadalasan, ang mga sintomas ng diabetes ay madalas na hindi napapansin, ang neuropathy ang unang senyales ng diabetes. Ngunit sa pangkalahatan, ang pagkakaroon ng diabetes sa matagal na panahon ay nakakadulot ng malaking posibilidad na magkaroon ng neuropathy. Bukod pa rito, naaapektuhan ng neuropathy ang halos kalahati ng kabuuang bilang ng mga taong may diabetes.
Ano ang mga Sanhi ng Diabetic Neuropathy?
Mataas na lebel ng asukal sa dugo (glucose). Nagdudulot ng mga pagbabagong kemikal sa mga nerve ang mataas na lebel ng asukal sa dugo na nakakasira sa kakayahan nitong magdala ng signal sa ibat ibang parte ng katawan. Nakasasama rin ito sa mga daluyan ng dugo na naghahatid ng oxygen at sustansya sa mga nerve.
Ang diabetes ay maaaring magdulot ng neuropathy sa sinoman. Gayunpaman, narito ang mga sumusunod na kadahilanan ng panganib mula sa diabetic neuropathy:
- Metabolic factors. Ang mataas na triglyceride at cholesterol na dumadagdag sa lebel ng glucose ay may kaugnayan sa panganib ng neuropathy. Ang mga sobra sa timbang o obese na pasyente (may BMI na 25 o higit pa) ay may mataas din na panganib sa pagkakaroon ng diabetic neuropathy.
- Inherited factors. Ilan sa mga namamanang katangian ay maaaring magdulot sa ilang tao ng mga kondisyon sa nerve kumpara sa iba.
- Diabetes history. Kasama sa matagal na pagkakaroon ng diabetes, ay ang posibilidad din na magkaroon ng diabetic neuropathy, partikular kung ang iyong dugo ay hindi nakokontrol.
- Sakit sa Bato. Maaring magdulot ng pinsala sa bato ang diabetes. Kung mapinsala ang bato, ang mga toxins ay maaaring mapunta sa daluyan ng dugo na maaaring magsanhi ng problema sa nerve.
- Paninigarilyo. Kung ikaw ay naninigarilyo, ang iyong mga ugat ay kumikitid at naninigas. Nalilimitan nito ang daloy ng dugo sa mga binti at paa. Ito rin ay nagpapahirap sa paggaling ng sugat at nakaaapekto sa peripheral nerves.
Ano ang Iba’t ibang Uri ng Diabetic Neuropathy at mga Sintomas nito?
Mayroong apat na uri ang pagkasira sa nerve at maaari mong maranasan ang ilan sa mga ito. Maaaring mag-iba ang sintomas ayon sa uri ng sira sa nerve at kung anong nerve ang naapektuhan.
Peripheral Neuropathy
Ito ang pinaka laganap na uri ng diabetic neuropathy kung saan una nitong naaapektuhan ang mga binti at paa na mayroong panginginig na pakiramdam. Ito ay inilalarawan ng iba bilang “pins and needles.” Pagkaraan nito, ang pakiramdam ay aabot sa mga kamay at braso.
Kilala rin ang kondisyong ito bilang distal symmetric peripheral neuropathy kung saan ang mga senyales at sintomas ay malala sa gabi kabilang ang:
- Pamamanhid o nababawasan ang kakayahang makaramdam (sa mga bagay tulad ng pananakit o pagbabagong temperatura)
- Pangingilig o mainit na pakiramdam
- Matinding pananakit o pulikat
- Labis na pagiging sensitibo sa hinahawakan
- Malalang problema sa paat (i.e ulcers, infection, buto, at pananakit sa kasukasuan)
Maaaring hindi mo namamalayan ang mga presyon o mga sugat na humahantong sa mga impeksyon, hindi gumagaling na sugat o ulcer. Mayroon ding ilang mga kaso na kinakailangang alisin ang paa o binti sa pamamagitan ng amputation.
Autonomic Neuropathy
Tinutukoy ng uring ito ang nerve damage mula sa mga nerve na kumokontrol sa iyong internal organs para sa automatic na paggana. Maaari nitong maapektuhan ang heart rate at presyon ng dugo, maging ang digestive system, pantog, sex organs, sex glands, at maging ang mga mata.
Ang diabetes ay nakakasira sa mga nerves saan mang bahagi at nagreresulta sa mga sumusunod sa mga sintomas:
- Kakulangan sa kamalayan sa mababang blood sugar
- Problema sa pantog o dumi
- Mabagal na pagtunaw ng pagkain sa tiyan
- Pagkahilo at pagsusuka, maging ang kawalan ng gana kumain.
- Pagbabago sa paningin (pagbabagong nagaganap sa paningin mula sa liwanag patungo sa dilim)
- Pagtatae at constipation
- Decreased sexual response (hirap sa paninigas sa lalaki at panunuyo ng puki sa babae)
- Abnormalidad na pagpapawis
- Impaired perception of pain
- Problema sa panunaw
- Mababang presyon ng dugo
Proximal Neuropathy
Kilala rin ang proximal neuropathy bilang diabetic amyotrophy. Ito ay bihirang uri ng diabetic neuropathy na nakakaapekto sa 1% ng mga pasyenteng may type 2 diabetes. Pangunahin nitong naaapektuhan ang mga matatanda, ngunit maaari rin nitong tamaan ang bago pa lamang nagkakaroon o nakokontrol na diabetes.
Karaniwan itong nakakaapekto sa nerve sa mga hita, balakang, puwit o mga binti. Ngunit maaaring mayroong din itong epekto sa tiyan at dibdib.
Ang mga sintomas ay karaniwan lamang lumalabas sa bahagi ng katawan, ngunit maaari itong umabot sa iba pang bahagi. Ilan sa mga ito ay kinabibilangan ng:
- Matinding pananakit sa balakang at hita, o sa puwitang bahagi.
- Matinding sakit sa tiyan
- Hirap sa pagtayo mula sa pagkakaupo
- Panghihina at pagbagsak ng mga muscle sa hita
Mononeuropathy
Mula sa pangalan nito, ang mononeuropathy o focal neuropathy ay tumutukoy sa pagkasira sa partikular na nerve, na nauuri sa dalawa: cranial o peripheral. Maaaring mag-iba ang sintomas batay sa apektadong nerve. Ito ay maaaring sa kamay, ulo, torso, o binti at maaaring magdulot ng pananakit at kawalang ginhawa sa partikular na bahagi.
Ang mga sintomas ay kinabibilangan ng:
- Kawalang kakayahang i-focus ang mga mata
- Double vision
- Pananakit sa isang bahagi ng mata
- Bell’s Palsy (sa isang bahagi ng mukha)
- Pangingili na pakiramdam o pamamanhid sa mga daliri o kamay
- Panghihina ng kamay na nagdudulot ng pagkahulog ng anumang hawakan.
Pagpigil at Pag-manage sa Diabetic Neuropathy
Katulad ng ibang komplikasyon ng diabetes, mahalagang makontrol ang blood sugar, presyon ng dugo, at maging ang lebel ng cholesterol.
Makatutulong ang pagsunod sa mga hakbang na ito upang maiwasan ang pagkasira ng nerve dulot ng diabetes:
- Pagiging pisikal na aktibo at regular na pag-eehersisyo
- Pagsunod sa diabetes meal plan
- Pagtigil sa paninigarilyo
- Paglimita sa pag-inom ng alak
- Pag-inom ng mga niresetang gamot
Mahalagang Tandaan
Isang malalang komplikasyon ng diabetes ang diabetic neuropathy, naaapektuhan nito ang kalahati ng kabuuang bilang ng mga diabetic. Gayunpaman, ang tuloy-tuloy na pag-manage sa blood sugar at malusog na pamumuhay ay kadalasang pumipigil o nagpapabagal sa progreso ng diabetic neuropathy.
Ang mga sintomas ng pinsala sa nerve ay kadalasang lumalabas unti-unti, kung kaya’t mahirap na malaman ito sa una. Maaaring lunasan ito upang mapigilan ang paglala.
Matuto pa tungkol sa Diabetic Complications dito.