Isang seryosong sakit ang cardiovascular disease na puwedeng tumama sa kahit na sinong may kulang sa healthy diet at lifestyle. Bukod sa pagiging mapanganib nito, ang cardiovascular disease ay maiuugnay sa diabetes at high blood, na maaaring magdulot ng mga komplikasyon at higit na panganib sa kalusugan.
Ang ugnayan ng isang sakit sa iba pang nabanggit ay nangangailangan ng tamang panggagamot at pamamahala sa tatlong ito. Narito ang mga dapat mong malaman kung bakit magkakaugnay ang sakit sa puso, diabetes at high blood o altapresyon.
Iwasan ang mga komplikasyon na dulot ng diabetes. Sagutin ang mga tanong na ito:
Diabetes At Sakit Sa Puso
Ang diabetes ay isang kondisyon na nangyayari kapag hindi na makontrol ng katawan ang paggalaw ng blood sugar. Karaniwang mas mataas ang blood glucose ng mga may diabetes, na nagreresulta sa mataas ding blood sugar level. Kung tatagal ang ganitong sakit, puwedeng magresulta ito sa blood fat metabolism disorders, clotting disorders, at atherosclerosis.
Mataas ang panganib na magkaroon ng cardiovascular disease gaya ng coronary heart disease, myocardial infarction, at stroke ang mga may diabetes. Sa katunayan, humigit 75% ng mga pasyenteng may diabetes ang naoospital dahil sa cardiovascular complications at coronary artery stenosis. At 65% ng mga ito ang namamatay dahil sa cardiovascular disease, ischemic heart disease, myocardial infarction, o heart failure.
Sa kabuuan, ang dami ng mga namamatay na may diabetes sanhi ng cardiovascular disease ay 2-4 na beses na mas mataas kumpara sa mga taong walang diabetes. Tumataas din ang panganib na magkaroon ng stroke ng 2-4 na beses para sa mga pasyenteng may diabetes.
Dahil dito, dapat na magtuon ng pansin ang mga may diabetes sa mga sakit na may kinalaman sa puso. Ang pangangalaga ng blood sugar level ay mahalaga upang maiwasan ang posibleng pagkakaroon ng sakit sa puso.
Diabetes At High Blood
Maraming taong may diabetes ang mayroon ding hypertension (mas kilala sa tawag na high blood pressure). Ito ay dahil ang mataas na blood sugar, na kadalasang taglay ng mga diabetic, ay nagpapataas ng blood viscosity (paglapot at paglagkit ng dugo). Ang mataas na blood viscosity na sinasabayan ng blood vessels contraction at atherosclerosis clots ay maaaring humarang sa daanan ng dugo. Hinahadlangan nito ang paggalaw ng dugo sa vascular system na nagdudulot ng pressure sa daluyan ng dugo at puso na nagiging sanhi ng hypertension.
Hindi lang ang blood viscosity ang problema. Kung pag-uusapan ang hypertension, ang mga pasyenteng may diabetes ang kadalasang may unhealthy amount ng cholesterol. Madalas na may mababa silang HDL cholesterol (“good cholesterol” na may benepisyo sa kalusugan) at mataas na triglycerides at LDL (“bad cholesterol” na may masamang epekto sa katawan). Kapag pinagsama-sama, pinatataas ng dalawang salik na ito ang panganib ng pagkakaroon ng atake sa puso at stroke.
Ang high blood pressure ay seryosong komplikasyon para sa mga may diabetes. Isa ito sa mga pinakasanhi ng biglaang pagkamatay ng mga taong may diabetes.
Ang high blood pressure (hypertension), dulot man o hindi ng diabetes ay pangunahing sanhi ng cardiovascular disease. Ngunit kung ang isang tao ay may diabetes at hypertension — na isang karaniwang kombinasyon, dumodoble ang panganib ng pagkakaroon ng cardiovascular disease.
Nagreresulta ang hypertension sa pagkasira ng mga organ gaya ng utak, bato (kidney), mga mata, at lalo na ng puso kalaunan. Nauuwi ito sa 80% kaso ng atake sa puso at stroke. Pinahihirapan din ng hypertension ang trabaho ng puso na nagbubunga ng pagkapal ng heart muscle fibers habang tumatagal.
Madali ring kapitan ng sakit gaya ng ischemic heart disease, arrhythmias, o aneurysm ang mga may hypertension.
Key Takeaways
Malinaw ang pagkakaugnay ng cardiovascular disease, diabetes at high blood sa isa’t isa. Upang maiwasan ang banta na hatid ng mga mapanganib na sakit na ito, kinakailangan ang wastong panggagamot at tamang lifestyle. Kumonsulta sa doktor, maging maalam sa mga napapanahong pagbabago at kaalaman hinggil sa medical science, ayusin ang diet, at regular na mag-ehersisyo.
Inirerekomenda ng American Heart Association ang 150 minutong moderate-intensity aerobic activity o 75 minutong matinding aerobic activity sa bawat linggo. Ipinapayo rin ang moderate-to-high-intensity muscle-strengthening activity dalawang beses sa isang linggo.
Makipagtulungan sa inyong doktor upang mapanatiling nasa normal na level ang inyong blood sugar. Magkaroon ng healthy diet, bantayan palagi ang inyong blood sugar, at uminom ng mga gamot na ibinigay ng inyong doktor.
Matuto ng higit pa tungkol sa Diabetes dito.