Ang radiation therapy ay isa sa mga gamutan na ginagamit upang labanan ang cancer. Ito ay maaaring gamitin bilang tanging gamutan para sa mga pasyenteng may cancer, o kasama ng iba pang mga gamutan tulad ng operasyon at chemotherapy. Ang side effects ng radiation therapy ay nagbabago-bago depende sa kaso ng pasyente. Ang ilan ay maaaring makaranas ng karamihan ng side effects nito, habang ang iba naman ay maaaring makaranas ng kaunti o walang side effects. Gayundin, ang side effects nito ay maaaring mawala matapos ang kabuoang proseso ng gamutan. At maaari din itong ganap na mapigilan.
Ano Ang Radiation Therapy?
Kabilang sa radiation therapy ang paggamit ng malakas na radioactive beams upang patayin ang cancer cells. Kadalasan, ang cells ay nahahati at dumarami sa kontroladong rate. Subalit ang cancer cells ay maaaring dumami sa nakaaalarmang rate. Gumagamit ang radiation therapy ng x-rays upang targetin at sirain ang genetic material—DNA, ng apektadong cells, na namamahala kung paano lumalaki at dumarami ang cells. Ang dapat lamang targetin ng radiation therapy ay ang apektadong cells. Gayunpaman, ang nakapaligid na malulusog na cells ay naaapektuhan din. Pinaplano ang therapy upang mabawasan ang tyansa na masira ang malulusog na cells.
Ang isa pang uri ng radiation therapy ay kinabibilangan ng pag-inom ng radioactive pill o substance. Ang substance na ito ay maiipon sa bahagi kung saan matatagpuan ng cancer cells. Sa pamamagitan ng ganitong uri ng radiotherapy ay nababawasan ang epekto sa mga malulusog na bahagi ng katawan.
Gayunpaman, ang uring ito ng gamutan ay hindi epektibo sa mga uri ng cancer na kumalat na sa ibang bahagi ng katawan.
Kailan Ito Ginagamit?
Kadalasang ginagamit ang radiation therapy upang:
- Lumiit ang cancer cells sa maagang yugto
- Maiwasan ang pagbalik ng cancer cells
- Makontrol ang cancer cells na bumalik
- Maibsan ang mga sintomas na sanhi ng malubhang yugto ng cancer
Paghahanda Sa Gamutan At Side Effects Ng Radiation Therapy
Bago ang gamutan, tatalakayin ng healthcare provider ang mga posibleng side effects ng radiation therapy, maging ang mga panganib nito at ang kabuoang proseso. Iiskedyul ang planning stage upang matukoy ang tiyak na lokasyon ng tumor. Ito ay kadalasang may dalawang yugto:
- Radiation simulation – Sa prosesong ito, ang pasyente ay pahihigain upang matukoy ng medical team ang lokasyon ng tumor sa pamamagitan ng marker ng maliit na permanenteng tattoo.
- Planning scans – Ang pasyente ay sasailalim sa computerized tomography o CT scan upang matukoy ang tiyak na lokasyon kung saan kinakailangan ang gamutan.
Matapos ito, makapagpapasya ang healthcare team kung paano isasagawa ang gamutan depende sa kabuoang kagalingan ng pasyente, yugto ng cancer, at layunin ng gamutan.
Proseso Ng Gamutan
Sa pagsasagawa ng therapy, isang makina ang gagamitin upang ilagay ang beams sa target na lokasyon. Tinatawag ang makinang ito na linear accelerator. Ginagamit ito upang ilagay ang radioactive beams sa lokasyon ng tumor mula sa iba’t ibang mga anggulo.
Maaaring ipagpatuloy ang gamutan sa isang serye ng sessions. Ang bawat session ay maaaring magtagal sa loob ng ilang mga araw, na may mga pagitan ng maraming linggo sa pagitan ng sessions upang gumaling ang malulusog na cells.
Side Effects Ng Radiation Therapy
Ang side effects ng radiation therapy ay nararanasan depende sa lokasyon ng cancer, uri nito, dose ng radiation na ginagamit, at kabuoang kalusugan ng pasyente.
Side Effects Ng Radiation Therapy: Maaagang Side Effects
Ang pasyente ay maaaring makaranas ng panandaliang nagagamot na side effects. Ang mga sintomas na ito ay kadalasang nawawala matapos ang gamutan. Kabilang sa side effects na ito ang mga sumusunod:
Maaari ding maapektuhan ng gamutan ang emosyon ng pasyente. Maaaring makatulong ang pagkontak sa support group.
Side Effects Ng Radiation Therapy: Panghuling Side Effects
Ang radiation treatment ay maaaring may pangmatagalang epekto sa tissues ng katawan. Ang side effects na ito ay matagal madebelop. Upang mapigilan ang mga ito, ang plano ng gamutan ay dapat gawin nang maingat. Ang pasyente ay dapat magkaroon ng malalim na talakayan sa kanyang doktor tungkol sa posibleng pangmatagalang side effects.
Ang mga sumusunod ay ang mga posibleng pangmatagalang side effects:
- Sa kaso ng radiation therapy sa utak, kabilang sa pangmatagalang epekto ay ang kawalan ng memorya, mga sintomas na tulad ng sa stroke, at mahinang paggana ng utak.
- Ang radiation therapy sa suso ay maaaring magresulta sa kawalan ng pagiging sensitibo ng balat at mas malaking pores. Maaari ring magbago ang laki ng suso.
- Ang radiation therapy sa dibdib ay maaaring maging sanhi ng mga komplikasyon sa puso, tulad ng pagkasira ng arteries at valves ng puso.
- Maaaari ding maging sanhi ng pamamaga ng baga ang radiation therapy sa dibdib.
- Ang radiation therapy sa pelvis ay maaaring maging sanhi ng radiation cystitis, hindi mapigil na pag-ihi, at fistulas.
- Sa mga kababaihan, ang regla ay maaaring permanenteng tumigil.
- Maaaring mapababa ng radiation therapy ang bilang at kalidad ng sperm cells naman sa mga kalalakihan.
Key Takeaways
Sa paggamot ng cancer, ang side effects ng radiation therapy ay maaaring nakatatakot. Ang maagang side effects ay kinabibilangan ng pagkapagod, pananakit ng balat, pananakit ng bibig, at paglalagas ng buhok. Kinabibilangan naman ng pagkasira ng tissues at iba pang mga komplikasyon ang pangmatagalang side effects.
Ang pagpaplano at konsultasyon kasama ng medical team ay maaaring makatulong sa mga pasyente upang maging mas tiwala sa kanilang gamutan.
Matuto pa tungkol sa Cancer dito.