backup og meta

Alamin: Sanhi ng Prostate Cancer

Alamin: Sanhi ng Prostate Cancer

Mahalaga para sa mga lalaki na malaman ang mga sanhi ng prostate cancer at mga risk factor nito, dahil isa ang prostate cancer sa pinakakaraniwang uri ng cancer sa kalalakihan.

Ang pag-alam sa mga sintomas at maagang pagtuklas sa prostate cancer ang susi para malabanan ito. Kung sa mga huling stage na ito malaman, maaaring napakahirap na nitong gamutin. Posible ring kumalat sa buong katawan ang nasabing cancer.

Sa pamamagitan ng pag-alam sa iba’t ibang sanhi ng prostate cancer at mga risk factor nito, maaaring makagawa ng mga hakbang ang mga lalaki para mapababa ang posibilidad na magkaroon sila ng ganitong uri ng cancer.

Mga Sanhi ng Prostate Cancer at mga Risk Factor nito

Sa kasalukuyan, wala pang malinaw na ideya kung ano ang sanhi ng prostate cancer. Gayunpaman, alam natin na maaaring magkaroon ng mutation sa mga cell sa prostate na siyang dahilan para magkaroon ng mga abnormal cell.

Karaniwang pinupuksa ng ating resistensya ang mga abnormal cell na ito, ngunit nakakaligtas sila minsan, at saka nagsisimulang lumaki at kumalat nang mabilis. Nagiging tumor ang mga cell na ito sa kalaunan. Sa ganitong paraan nagsisimula ang prostate cancer.

Sa paglipas ng panahon, maaaring kumalat sa buong katawan at makaapekto sa iba pang organ ang ilan sa mga cancer cell. Karaniwan itong nangyayari sa mga huling stage ng cancer, at maaaring napakahirap na gamutin.

Ano ang mga Risk Factor sa Prostate Cancer?

Kahit hindi pa alam ang mga sanhi ng prostate cancer, alam naman natin ang mga posibleng risk factor na maaaring maging sanhi ng prostate cancer.

Narito ang ilan sa mga risk factor:

Edad

Tumataas ang panganib ng isang lalaki sa prostate cancer habang tumatanda. Sa katunayan, bihira lamang ang prostate cancer sa mga lalaking mas bata sa edad na 40. Ngunit pagdating ng isang lalaki sa edad na 50, tumataas nang husto ang posibilidad na magkaroon siya ng prostate cancer.

Ayon sa statistics, humigit-kumulang 6 sa 10 kaso ng prostate cancer ang nagmumula sa mga lalaking nasa edad 65 at mas matanda pa.

Nangangahulugan na kailangan mas mag-ingat ang mga lalaki sa kanilang kalusugan habang tumatanda.

Lahi

Sa ilang kadahilanan, mas mataas ang posibilidad ng mga lalaking African na magkaroon ng prostate cancer kumpara sa lalaking may ibang lahi. Mas mababa naman ang panganib sa prostate cancer ng mga lalaking nagmula sa Latin America at Asia.

Gayunpaman, hindi nangangahulugan na hindi sila maaaring magkaroon ng sakit na ito. Kaya mahalaga pa rin na maging maingat, at pangalagaan ang sariling kalusugan.

Lahi sa Pamilya

May mga katibayan na nagsasabing mas karaniwan sa ilang pamilya ang prostate cancer. Nangangahulugang maaaring namana ang panganib mula sa prostate cancer, o nakabatay ito sa genes ng isang tao.

Maaaring mas mataas ng dalawang beses ang panganib ng isang lalaki sa prostate cancer kung mayroon nito ang kanyang ama o kapatid na lalaki. Bukod pa rito, higit na mas mataas pa ito kung ang kanyang kapatid na lalaki ang may prostate cancer.

Maaari din maging risk factor sa isang lalaki ang pagkakaroon ng prostate cancer ng mga lalaking kamag-anak bukod sa sariling ama at kapatid na lalaki, ngunit hindi ito masyadong mataas.

Sa kabila nito, maaari pa rin magkaroon ng sakit ang mga lalaking walang family history ng prostate cancer.

Pagbabago sa Genes

Natuklasan ng mga mananaliksik na may ilang uri ng gene mutation na maaaring magpataas sa panganib ng prostate cancer. Karaniwang responsable ang genes na ito sa pag-aayos ng mga pagkakamali sa DNA ng isang cell, ngunit kung sumailalim sa mga pagbabago o mutation, maaaring hindi sila kumilos ayon sa nararapat.

Pinapataas nito ang panganib ng isang tao na magkaroon ng prostate cancer. Sa kababaihan, nauugnay ang genes na ito sa mataas na panganib sa breast at ovarian cancer.

Exposure sa Ilang Kemikal

Maaaring mapataas ng ilang partikular na kemikal, na tinatawag na carcinogens, ang panganib ng isang lalaki sa prostate cancer. Posibleng nasa panganib din ang mga lalaking humahawak ng mga mapaminsalang kemikal, o mga nagtatrabaho sa mga lugar kung saan nakaimbak ang ganitong uri ng mapaminsalang kemikal, hindi lamang sa prostate cancer, kundi pati na rin sa iba pang uri ng cancer.

Ito ang dahilan kung bakit mahalagang gawin ang mga safety precaution para maiwasan ang pagiging exposed sa mga carcinogen na ito. Halimbawa, may mga ebidensyang nagsasabing maaaring exposed ang mga bumbero sa mga kemikal na nagpapataas ng panganib nila mula sa prostate cancer.

Sexually Transmitted Infections

Kabilang din ang Sexually Transmitted Infections o mga STI sa mga sanhi ng prostate cancer at risk factor nito. Pinaniniwalaan na maaaring maging sanhi ng inflammation sa prostate gland ang mga STI. Maaari itong humantong sa pagkakaroon ng mga cancer cell.

Gayunpaman, hindi pa ganap na napapatunayan ang ebidensya na sumusuporta sa mga pahayag na ito. Sa kabila nito, mabuting gumawa pa rin ng mga hakbang para hindi mahawa ng mga STI.

Prostate Inflammation

Isa pa ang prostatitis o prostate inflammation sa mga posibleng risk factor ng prostate cancer.

Pinaniniwalaang maaaring may kinalaman ang prostatitis sa prostate cancer dahil karaniwang nagpapakita ng inflammation ang mga sample tissue ng apektadong prostate tissue. Gayunpaman, hindi pa kumpirmado at pinag-aaralan pa ang ugnayan sa pagitan ng prostate inflammation at prostate cancer.

Diet

Hindi pa malinaw ang ugnayan sa pagitan ng prostate cancer at kinakain ng isang tao. Ngunit may ilang pag-aaral na nagpapakita ng posibleng ugnayan ng pagkain ng dairy at prostate cancer.

Bukod pa rito, natuklasan ng ilang pag-aaral na mas mataas ang panganib sa prostate cancer ng mga lalaking kumokonsumo ng maraming calcium, sa pagkain man o sa anyo ng supplement. Gayunpaman, walang kaugnayan ang prostate cancer sa normal na pagkonsumo ng sapat na dami ng calcium.

Kaya mahalaga rin na hindi tuluyang umiwas sa calcium, at kumonsumo lamang nito sa inirerekomendang halaga.

Obesity

Pinag-aaralan pa ang ugnayan ng labis na timbang at prostate cancer. Natuklasan ng ilang pag-aaral na walang ugnayan sa pagitan ng labis na timbang at prostate cancer. Ngunit may ilang katibayan na nagpapakita ng koneksyon sa pagitan ng dalawa.

Partikular na sa mga lalaking labis ang timbang, may mas mataas silang posibilidad na magkaroon ng mas seryosong komplikasyon mula sa prostate cancer kumpara sa ibang lalaki. Ngunit hindi pa rin malinaw kung direktang responsable ang pagkalabis ng timbang sa mas mataas na panganib ng prostate cancer.

Key Takeaways

Maaaring iba-iba sa bawat tao ang mga risk factor ng prostate cancer. At mahirap din malaman kung gaano kataas ang panganib ng isang lalaki pagdating sa pagkakaroon ng prostate cancer.

Anu pa man, mahalaga pa rin na manatiling malusog ang mga lalaki. Isaisip kung paano nila maaalagaan ang kanilang prostate. Sa tulong ng pag-alam sa mga sanhi ng prostate cancer at sa mga risk factor nito, mas maaalagaan ng mga lalaki ang kanilang mga sarili. Tuluyan din nilang mapapababa ang posibilidad na magkaroon sila ng prostate cancer.

Matuto pa tungkol sa prostate cancer dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Prostate Cancer Risk Factors, https://www.cancer.org/cancer/prostate-cancer/causes-risks-prevention/risk-factors.html, Accessed August 13 2020

Prostate Cancer: Risk Factors and Prevention | Cancer.Net, https://www.cancer.net/cancer-types/prostate-cancer/risk-factors-and-prevention, Accessed August 13 2020

Prostate cancer – Symptoms and causes – Mayo Clinic, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/prostate-cancer/symptoms-causes/syc-20353087, Accessed August 13 2020

Prostate Cancer: What Are The Risk Factors?, https://www.pcf.org/patient-resources/family-cancer-risk/prostate-cancer-risk-factors/, Accessed August 13 2020

Who Is at Risk for Prostate Cancer? | CDC, https://www.cdc.gov/cancer/prostate/basic_info/risk_factors.htm, Accessed August 13 2020

Top Prostate Cancer Causes & Factors That Put You at Risk | CTCA, https://www.cancercenter.com/cancer-types/prostate-cancer/risk-factors, Accessed August 13 2020

Risk Factors for Prostate Cancer, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC1476014/, Accessed August 13 2020

Prostate cancer – Causes – NHS, https://www.nhs.uk/conditions/prostate-cancer/causes/, Accessed August 13 2020

Kasalukuyang Version

10/18/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni John Paul Abrina, MD

In-update ni: Jaiem Maranan


Mga Kaugnay na Post

Alamin: Mga herbal para sa prostate

Alamin: Mga Pagkain Na Makatutulong Sa Pag-Iwas Sa Prostate Cancer


Narebyung medikal ni

John Paul Abrina, MD

Oncology · Davao Doctors Hospital


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement