Maaring narinig mo na ang tungkol sa benign at malignant tumor lalo na kung ang usapan ay cancer. Kadalasang nauugnay sa cancer ang mga malignant tumor. At ang benign ay itinuturing na “safe.” Gayunpaman, ang pinagkaiba ng benign at malignant tumor ay hindi striktong limitado sa dalawang bagay na ito.
Bago natin pag-usapan ang pagkakaiba sa pagitan ng benign at malignant na mga tumor, kailangan muna nating tukuyin kung ano ang mga tumor.
Ano ang mga Tumor?
Ang mga tumor ay isang grupo o isang mass ng mga selula sa katawan na walang tiyak na function. Ang mga ito ay maaaring resulta ng labis na pagpaparami ng cell, at maaaring maging benign o malignant.
Maaaring tumubo halos kahit saan sa loob ng katawan ang mga tumor, ganon din sa labas ng katawan, tulad ng balat. Ang mga ito ay pangunahing inuri sa dalawang natatanging uri, na benign at malignant na mga tumor.
Ano ang Pinagkaiba ng Benign at Malignant Tumor?
Ano ang mga Benign Tumor?
Ang mga benign tumor ay mga tumor na karaniwang hindi banta sa buhay. Ibig sabihin, ang isang benign tumor ay hindi nagme-metastasis o kumakalat sa ibang bahagi ng katawan.
Walang anumang function sa katawan ang mga benign tumor. At maaaring hayaan, o alisin sa pamamagitan ng surgical procedure.
Ang isa pang malaking pinagkaiba ng benign at malignant tumor ay ang istruktura ng mga benign na tumor ay normal, o medyo malapit sa orihinal na cell. Lumalaki din nang mas mabagal ang mga ito kumpara sa mga malignant na tumor.
Gayunpaman, ang mga benign tumor ay hindi palaging hindi nakakapinsala. Kung ang isang benign tumor ay masyadong lumalapit sa isang mahalagang organ gaya ng utak, o dumidikit sa mga daluyan ng dugo o nerve, maaari itong maging isang alalahanin.
Ang ilang uri ng benign tumor ay maaari ding lumaki nang masyadong malaki at magdulot ng mga seryosong problema kung pababayaan. Ito ang dahilan kung bakit mahalagang kumunsulta sa iyong doktor kung may nararamdamang kakaiba sa iyong katawan.
Ano ang mga Malignant Tumor?
Ang mga malignant na tumor ay mga tumor na nagbabanta sa buhay, at nabubuo na mass ng mga cancer cells.
Kung ikukumpara sa mga benign tumor, ang istraktura ng mga selula sa malignant na mga tumor ay tila abnormal kumpara sa orihinal na selula. At maaari silang dumami nang mas mabilis at kumalat sa buong katawan. Halimbawa, malamang na narinig mo na ang tungkol sa mga kaso ng cancer sa suso na kumakalat sa utak o sa mga buto.
Nakakagambala o nakakasagabal ang mga malignant tumor sa function ng mga organ na nahawahan nila. Pagtagal, maaaring maging sanhi ng pagbagsak ng mga organo kung hindi ginagamot ang cancer.
Ang isa pang mahalagang pinagkaiba ng mga benign at malignant tumor ay habang ang mga benign tumor ay madaling maalis, ang mga malignant na tumor ay mas lumalaban sa paggamot. Nangangahulugan ito na habang ang mga doktor ay maaaring magsagawa ng operasyon upang alisin ang mga malignant na tumor, mayroon pa ring posibilidad na bumalik ang tumor kung walang mga follow up na paggamot.
Ang mga malignant na tumor ay higit na mapanganib kumpara sa mga benign na tumor. Mahalagang magpagamot sa lalong madaling panahon, bago kumalat ang tumor sa buong katawan.
Ano ang Nagiging Sanhi ng Pagkakaroon ng mga Tumor?
Ang isa pang pangunahing pinagkaiba ng benign at malignant tumor ay kung paano sila nabubuo sa katawan.
Para sa karamihan, ang sanhi ng benign tumor ay karaniwang hindi alam. Ang ilang mga selula sa katawan ay nagsisimula pa lamang na magparami nang abnormal, na nagiging sanhi ng pagbuo ng isang benign tumor.
Ang mga malignant na tumor sa kabilang banda, ay maaaring sanhi ng maraming bagay, tulad ng mga sumusunod:
- Carcinogens, o mga kemikal na nagdudulot ng cancer
- Malalang impeksyon o pamamaga
- Ilang sakit
- Mga virus, bacterial infection, o parasites
- Hindi malusog na lifestyle
- Genetics, na nangangahulugang ang panganib ng pagkakaroon ng cancer ay maaaring maipasa mula sa magulang patungo sa anak
Posible rin na ang mga malignant tumor na ma-develop lang sa katawan na walang anumang matukoy na dahilan.
Ano ang Mga Karaniwang Sintomas ng Benign at Malignant Tumor?
Ang mga sintomas ng benign tumor ay maaaring mag-iba depende sa kung saan matatagpuan ang tumor, ngunit narito ang ilang karaniwang sintomas:
- Bukol o paglaki sa balat na may kulay tan, pink, kayumanggi, o itim
- Sakit ng kasukasuan o kalamnan
- Isang matigas na mass sa ilalim ng balat
Ang ilang mga tumor, tulad ng mga adenoma ay nangyayari sa loob ng katawan at maaaring walang anumang kapansin-pansing sintomas. Sa ibang pagkakataon, maaari silang maglabas ng mga sangkap tulad ng mga hormone na nakakaapekto sa mga function ng katawan.
Sa kaso ng mga benign na tumor sa utak, maaari mong maranasan ang mga sumusunod na sintomas na kadalasang nauugnay sa bahagi ng katawan kung saan sila lumalaki:
- Sakit ng ulo
- Pagkahilo
- Pagduduwal o pagsusuka
- Pagkalito
- Kahirapan sa pagbabalanse
- Pagkawala ng pakiramdam sa braso o binti
- Mga seizure
- Mga pagbabago sa pag-uugali
Para sa mga malignant na tumor, kadalasang mas kapansin-pansin ang mga sintomas. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Biglang lumilitaw ang isang bukol o mass sa ilalim ng balat
- Biglang pagbaba ng timbang o pagtaas ng timbang
- Pagkapagod o fatigue
- Pagbabago sa bowel movement
- Paglaki sa balat o isang nunal na nagbabago ng kulay, o nagbabago ng laki
- Hindi maipaliwanag na paghinga
- Sakit ng kalamnan o kasukasuan
Paano Mo Mababawasan ang Panganib na Magkaroon ka ng mga Tumor?
Narito ang ilang paraan para mapababa ang panganib na magkaroon ng mga tumor:
- Magkaroon ng malusog na diet na puno ng mga gulay at prutas, isda, at mababa sa red meat at processed food.
- Iwasan ang paninigarilyo, dahil ang paninigarilyo ay maaaring magpataas ng cancer risk. Kung ikaw ay naninigarilyo, huminto sa lalong madaling panahon.
- Kung umiinom ka ng alak, siguraduhing uminom ng katamtaman. Nangangahulugan ito na isa hanggang tatlong drinks bawat araw para sa mga lalaki, at isang drink para sa mga babae.
- Mag-ehersisyo hindi bababa sa 30 minuto bawat araw upang makatulong na mapanatiling malakas ang iyong katawan.
- Panatilihing kontrolado ang iyong timbang. Ang pagiging sobra sa timbang o obese ay nagpapataas ng iyong panganib para sa ilang uri ng kanser.
- Iwasang mahawa ng mga virus gaya ng HPV, hepatitis, o HIV dahil pinapataas nito ang iyong panganib na magkaroon ng cancer. Mayroong mga bakuna na magagamit para sa ilan sa mga virus na ito at maaari nilang pigilan ang pagkakaroon ng cancer.
- Iwasang ilantad ang iyong sarili sa mga kemikal, lalo na nang walang anumang proteksyon