Ang pagbalik ng cancer ay ang muling pagkakaroon nito matapos ang mahabang panahong hindi ito nakita sa pamamagitan ng tests. Basahin upang malaman kung paano maiiwasan bumalik ang cancer.
Sa kabila ng pagsisikap na mawala ang cancer sa katawan, mayroon pa ring posibilidad na mananatili ang ilang cells nito. Ito ay lubhang totoo kung sinimulan ang pagsasagawa ng gamutan sa yugto kung saan ang cancer ay kumalat na sa ibang bahagi ng katawan.
Kung bumalik ang cancer ng isang tao, maaari itong bumalik sa parehong lugar kung saan ito tumubo, o sa ibang lugar.
Ang tyansang bumalik ang cancer ay hindi matutukoy. Ngunit mas mahirap itong gamutin kung ito ay mabilis na lumalaki o kumakalat.
Mahalagang tandaan na ang pagbalik ng cancer ay iba mula sa secondary cancer. Ang pagbalik ng cancer ay ang pagbalik ng parehong cancer matapos itong mawala o gumaling. Sa kabilang banda, ang bago o secondary cancer ay maaaring madebelop habang ang isa pang cancer ay aktibo o nasa remission.
Lugar Kung Saan Bumabalik Ang Cancer
Ang pagbalik ng cancer ay maaaring mangyari sa parehong lugar kung saan unang tumubo ang cancer. Pwede rin ito sa ibang bahagi ng katawan kung saan ito lumipat. Inilalarawan ng oncologists ang pagbalik ng cancer sa pamamagitan ng lokasyon ng pagdebelop nito at sa lawak ng pagkalat.
Local Recurrence
Ang local recurrence ay ang pagbalik ng cancer sa parehong lugar kung saan ito unang nakita.
Regional Recurrence
Ang regional recurrence ay ang pagbalik ng cancer na nakaaapekto sa lymph nodes at tissues na malapit sa orihinal na lugar kung saan ito unang tumubo.
Distant Recurrence
Kung ang cancer ay kumalat (metastasized) sa mga lugar na bahagyang malayo sa kung saan ito unang nakita, ito ay tinatawag na distant recurrence.
Maaaring maging mahirap ang pag-alam kung paano maiiwasan bumalik ang cancer sa tiyak na bahagi ng katawan. Depende sa uri ng orihinal na cancer at sa yugto nito, ang cancer ay maaaring bumalik sa ibang lugar.
Ang pagbalik ng ilang uri ng cancer ay karaniwan sa mga tiyak na lugar. Halimbawa, karaniwan na ang thyroid cancer ay kumakalat sa baga at buto. Sa mga ito lumalaki ang tumor.
Dahilan Kung Bakit Bumabalik Ang Cancer
Posibleng bumalik ang cancer ilang taon matapos ang gamutan. Ito ang dahilan kung bakit hindi ginagamit ng mga doktor ang salitang “lunas.” Bagkus ay ginagamit nila ang salitang “remission.”
Kung sinabi ng doktor na ang iyong cancer ay sumailalim sa remission, ibig sabihin nito ay hindi ka na nakararanas ng mga senyales at sintomas ng cancer. Subalit, hindi ito nangangahulugang wala ng cancer sa iyong katawan.
Hindi palaging natutukoy ng tests kung wala na talagang cancer cells na natitira sa iyong katawan. Kaya naman, walang tiyak na solusyon kung paano maiiwasang bumalik ang cancer.
Ang natirang cancer cells ay maaaring masyadong kakaunti upang makita o masyadong kakaunti upang maging sanhi ng anomang sintomas. Dagdag pa, ang ilang cancer cells ay nananatiling hindi aktibo at tumitigil sa paglaki sa loob ng ilang panahon. Dahil dito, mahirap makita ang mga ito.
Mas Malubha Ba Ang Bumalik Na Cancer?
Ang bawat cancer ay may iba’t ibang senyales at sintomas. Kaya naman ang pagiging mas malubha ng bumalik na cancer kaysa sa orihinal ay nakadepende sa uri ng cancer, sa kasalukuyang yugto nito, at sa lokasyon kung saan ito muling nakita. Ito ang dahilan kung bakit mahalagang malaman kung paano maiiwasang bumalik ang cancer. Gayundin ang pagsunod sa follow-up check ups.
Sa karamihang kaso ng localized recurrence, lubhang epektibo ang gamutan lalo na kung ito ay maagang nakita. Habang sa karamihang kaso naman ng distant recurrence, maaaring ang gamutan ay maging mahirap at mas komplikado.
Paano Maiiwasan Bumalik Ang Cancer?
Walang kasiguraduhan kung ang cancer ay hindi babalik, ngunit may ilang payo na maaari mong sundin upang maiwasan itong bumalik.
- Panatilihin ang regular na ehersisyo
- Kumain ng masusustasya at iwasan ang pagkain ng maraming karne
- Kontrolin ang timbang
- Huwag palagpasin ang anomang screenings
- Bawasan ang stress
- Tumigil sa paninigarilyo
- Alagaan ang kalusugang pangkaisipan
Key Takeaways
Paano maiiwasan bumalik ang cancer? Ang pagbalik ng kanser ay nangangahulugan na ang cancer na nagamot noon ay bumalik o muling nakita matapos ang ilang mga buwan o taon. Nangyayari ito dahil ang ilang cancer cells ay hindi nakikita. Mahirap makita sa pamamagitan ng tests kung ang cancer cells ay hindi aktibo o masyadong kakaunti. Walang tiyak na paraan kung paano maiiwasan bumalik ang cancer.
Siguraduhing ipagbigay-alam sa iyong oncologist o doktor ang anomang pagbabago sa iyong kalusugan.
Matuto pa tungkol sa Cancer dito.