backup og meta

Masakit na Likod: Sanhi ba ito ng Kanser sa Baga?

Masakit na Likod: Sanhi ba ito ng Kanser sa Baga?

masakit na likod

Karaniwang reklamo na ng mga tao ang masakit na likod. Ngunit alam mo ba na maaari itong sintomas ng kanser sa baga? Paano masasabi na ang masakit na likod ay sanhi ng kanser sa baga o pananakit ng likod na dulot ng ibang kadahilanan? Magbasa upang malaman.

Sakit sa Likod na Kanser sa Baga: Mga Dapat Mong Malaman

Isa sa pinaka karaniwan, at pinakaseryosong anyo ng kanser sa mundo ang kanser sa baga. Tulad ng ibang mga kanser, ang maagang pagtuklas ay mahalaga pagdating sa paggamot at paggaling. Dito pumapasok ang mga kaalaman tungkol sa mga sintomas ng kanser sa baga.

masakit na likod

Kabilang sa mga karaniwang sintomas na nauugnay sa kanser sa baga ang patuloy na pag-ubo, paulit-ulit na impeksyon sa dibdib, pag-ubo ng dugo, hirap sa paghinga, at pakiramdam ng pagkapagod. Gayunpaman, may isa pang posibleng sintomas na hindi alam ng lahat, at iyon ay ang masakit na likod.

Paano eksaktong nagiging sanhi ng masakit na likod ang kanser sa baga, at paano matutukoy kung ang sakit na iyong nararanasan ay kanser sa baga?

Paano Nagiging Sanhi ng Masakit na Likod ang Kanser sa Baga?

Isa sa mga kawili-wiling bagay na dapat mong malaman tungkol sa mga baga ay wala silang mga receptor ng sakit. Kapag ang isang tao ay nakakaranas ng pananakit dahil sa kanser sa baga, kadalasan ito ay dahil sa pamamaga ng pleura, o ang tissue na nagpoprotekta sa mga baga. Ito ang dahilan kung bakit mas mahirap matukoy kung ang masakit na likod ay dahil sa kanser sanhi ng pamamaga ng pleura at maaaring sanhi ng maraming iba’t ibang mga bagay.

Sa kaso ng kanser sa baga, kadalasang nangyayari ay nagdudulot ang mga tumor ng pamamaga ng pleura. Habang lumalaki ang tumor, maaari nilang simulan ang pangangati sa mga nerve endings ng pleura. Ito naman ay maaaring magdulot ng masakit na likod o pananakit ng dibdib.

Ito ay Maaaring Senyales ng mas Malalang Sakit

Bagaman bihira, posibleng ang masakit na likod na kanser sa baga ay senyales na ang kanser ay kumalat na sa buong katawan. Posible na ito ay nag-metastasize o kumalat sa buong buto, at maaaring dahilan ng masakit na likod.

Sa partikular, ang tumor sa gulugod ay maaaring posibleng dahilan ng pananakit ng likod. Ang mga tumor ay maaaring maglagay ng pressure sa mga ugat na nakapalibot dito, at sa gayon ay maaaring maging dahilan ng pananakit ng likod. Ang isa pang paliwanag dito ay maaaring kumalat na ang kanser sa iba pang mga malapit na organs, at maaaring iyon ang dahilan ng masakit na likod o dibdib.

Gayunpaman, mahalagang tandaan na hindi ito palaging nangyayari. Dahil lamang sa mayroon kang sakit sa likod ay hindi awtomatikong nangangahulugan na maaari kang magkaroon ng kanser sa baga. Gayunpaman, kung ang sakit ay paulit-ulit at hindi maipaliwanag, mainam na ipasuri ito, para lamang maging ligtas.

Tinatayang humigit-kumulang 25% ng mga taong na-diagnose na may kanser sa baga ay nagkaroon ng pananakit ng likod bilang sintomas. Kaya mahalagang huwag isantabi ang mga pananakit na ito, dahil maaaring sintomas ito ng mas malalang sakit.

Kung Hindi Kanser sa Baga, Ano ito?

Kung mayroong hindi maipaliwanag na masakit na likod, hindi ito dapat ikatakot. Malaki ang posibilidad na ang pananakit ay maaaring sanhi ng ibang bagay, at hindi dahil ng kanser sa baga.

Narito ang ilan sa mga posibleng dahilan ng pagkakaroon ng masakit na likod:

  • Scoliosis o kurbada ng gulugod
  • Sprains sa gulugod
  • Injury
  • Arthritis o iba pang kaugnay na sakit
  • Spondylosis o degeneration ng gulugod
  • Sciatica o compression ng sciatic nerve
  • Kidney Stones
  • Endometriosis (sa mga kababaihan)

Ang pinakamagandang bagay na dapat gawin sa tuwing mayroon kang hindi maipaliwanag na pananakit ng likod ay ang kumunsulta sa doktor. Sa ganitong paraan, makatutulong sila sa pag-diagnose kung ano ang maaaring maging sanhi ng pananakit ng iyong likod, at kung anong mga remedyo ang magagamit.

Matuto nang higit pa tungkol sa kanser sa baga rito.

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

  1. Lung cancer – Symptoms – NHS, https://www.nhs.uk/conditions/lung-cancer/symptoms/, Accessed October 26, 2021
  2. What Causes Lung Pain in the Back? | Roswell Park Comprehensive Cancer Center, https://www.roswellpark.org/cancertalk/202007/what-causes-lung-pain-back, Accessed October 26, 2021
  3. Back Pain in a Patient With Lung Cancer, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC4093317/, Accessed October 26, 2021
  4. Back Pain and Cancer: How Are They Related? | Dana-Farber Cancer Institute, https://blog.dana-farber.org/insight/2018/07/back-pain-cancer-related/, Accessed October 26, 2021
  5. Low Back Pain Fact Sheet | National Institute of Neurological Disorders and Stroke, https://www.ninds.nih.gov/Disorders/Patient-Caregiver-Education/Fact-Sheets/Low-Back-Pain-Fact-Sheet, Accessed October 26, 2021

Kasalukuyang Version

06/21/2023

Isinulat ni Jerra Mae Dacara

Sinuri ang mga impormasyon ni Bianchi Mendoza, R.N.

In-update ni: Bianchi Mendoza, R.N.


Mga Kaugnay na Post

Lung Cancer sa Pilipinas: Heto ang Dapat Mong Malaman

Alamin: Paano Nakaka-Cancer Ang Paninigarilyo?


Sinuri ang mga impormasyon ni

Bianchi Mendoza, R.N.


Isinulat ni Jerra Mae Dacara · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement