backup og meta

Kanser sa Lalaki: Anu-ano ang Karaniwang Kanser na Nakukuha ng Kalalakihan

Kanser sa Lalaki: Anu-ano ang Karaniwang Kanser na Nakukuha ng Kalalakihan

Isa ang kanser sa pinakakaraniwang sanhi ng pagkamatay ng mga tao sa buong mundo. Mayroong kanser sa lalaki at babae. Naglabas ng bagong ulat ang International Agency for Research on Cancer (IARC) na nagsasabing ang cancer sa buong mundo ay inaasahang aabot ng 18.1 milyong mga bagong kaso at 9.6 milyong naitalang namatay nitong 2018. Laganap din ang kanser sa Pilipinas. 

May ilang factor kung bakit tumataas ang bilang ng mga nagkaka-kanser. Kasama rito ang pagtanda at paglaki ng populasyon, ngunit kasama rin ang tumataas na iba’t-ibang sanhi ng kanser na konektado sa ekonomiya at kadahilanang pang-social. Ayon sa IARC, totoo ito lalo na sa mabilis na lumalagong ekonomiya. May malinaw na nakikitang pagbabago mula sa mga kanser na may kaugnayan sa mga impeksiyon at kahirapan patungo sa mga kanser dahil sa lifestyle ng mga taong kabilang sa industriyalisadong mga bansa. 

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, isa sa sampung namamatay sa bansa ay dulot ng kanser. Iniulat din ng Philippine Cancer Society Inc. (PCSI) na 91% ng mga taong edad 35 pataas ay mas madalas na nagkakaroon ng kanser. Binanggit din ng PCSI na ang mga babae ang may mas mataas na insidente ng kanser kumpara sa mga lalaki. Dahil ito sa tumataas na bilang ng nagkakaroon ng breast cancer sa Pilipinas.

Sa artikulong ito, pag-uusapan natin ang mga uri ng kanser sa lalaki na pinakalaganap dito sa Pilipinas. 

Narito ang pinakakaraniwang mga uri ng kanser sa lalaki. 

Karaniwang Uri ng Kanser sa Lalaki sa Pilipinas

1. Kanser sa Lalaki: Kanser sa Baga

Maraming nararanasang problema sa kalusugan ang mga lalaki sa Pilipinas, at isa na nga rito ang kanser sa baga. Ito ang nangungunang uri ng kanser sa lalaki, at ito rin ang sanhi ng pinakamaraming bilang ng pagkamatay.

Madalas na resulta ang sakit na ito ng pagiging exposed sa mga particle at kemikal sa hangin. Ang paninigarilyo ang nangungunang sanhi ng sakit na ito. Pinakamainam na paraan upang mabawasan ang panganib ng kanser ay ang paghinto sa paninigarilyo o huwag nang simulan ang masasamang bisyo. Gayunpaman, hindi lahat ng taong napag-alamang may kanser sa baga ay naninigarilyo. Mayroong mga huminto na sa paninigarilyo, at mayroon namang hindi talaga naninigarilyo kahit kailan. 

Sa kasamaang palad, hindi lahat ng mga kanser sa baga ay naiiwasan. Ang maganda rito, maraming paraan upang mabawasan ang panganib nito. Kung hindi ka naninigarilyo, huwag mo nang subukan. Hangga’t maaari, lumayo sa mga taong naninigarilyo at iwasang malanghap ang kanilang usok, sapagkat nakapagpapataas ng panganib ng kanser sa baga ang secondhand smoke.

2. Kanser sa Lalaki: Colorectal Cancer

Ang colorectal cancer ay isang uri ng kanser sa colon o sa rectum. Ang dalawang bahaging ito ang bumubuo sa large intestine na nagpoproseso ng ating mga kinakain para sa pagsipsip ng mga sustansya at paglalabas ng dumi. 

Nitong 2020, iniulat ng Global Cancer Observatory na pangalawa sa pinakamataas na bilang ng mga bagong kaso ng kanser sa lalaki sa Pilipinas ang colorectal cancer.

Kabilang sa ilang factor na nakapagpapataas ng panganib ng colorectal cancer ang pagiging obese o sobra sa timbang, pagkain ng mga processed food, red meat at mababa sa fiber, hindi pagiging aktibo, malakas na pag-inom ng alak, paninigarilyo, pagtanda, at history ng polyps o kanser sa sarili o pamilya, at paggamit ng tobacco. 

Karamihan sa mga kaso ng colorectal cancer ay nagsisimula sa polyp. Isa itong maliit na tumutubo sa lining ng tumbong o sa colon. Mas madali itong gamutin kung maagang matutukoy. Kaya naman, mahalaga ang screening. Gayunpaman, panlima sa nangungunang dahilan ng pagkamatay dulot ng kanser sa Pilipinas ang colorectal cancer.

3. Kanser sa Lalaki: Prostate Cancer

Pangatlo ang prostate cancer sa pinakakaraniwang uri ng bagong mga kaso ng kanser sa mga lalaking Pilipino. Pangatlo rin ito sa sanhi ng pagkamatay dulot ng kanser sa Pilipinas. Karamihan sa mga kaso ng prostate cancer ay nakikita sa mga lalaking edad 65 pataas.

Bahagi ang prostate ng male reproductive system. Kadalasan itong naglalabas ng semilya.

Ang pinakakaraniwang salik sa pagkakaroon ng prostate cancer ay edad. Mas matanda ang edad, mas malaki ang tsansang magkaroon ng prostate cancer. Mataas din ang panganib ng prostate cancer kapag may malapit na kaanak na nagkaroon ng prostate cancer. 

Upang masuri kung may kanser, maaaring kumuha ang lalaki ng prostate-specific antigen (PSA) blood test. Ang PSA ay isang substance na nililikha ng prostate. Maaari itong magkaroon ng hindi karaniwang pagtaas sa mga kaso ng prostate cancer.

Dagdag pa, maaaring magsagawa ang iyong doktor ng digital rectal examination (DRE) kung saan ang may gloves at pampadulas na daliri ay ipapasok sa tumbong ng lalaki upang suriin ang mismong prostate gland. Maaari ding maging bahagi ng screening ang rectal examination. Ang level ng PSA, preferences, values, at general health ng isang tao ang batayan kung gaano kadalas siyang dapat ma-test.

4. Kanser sa Lalaki: Liver Cancer

Ang liver cancer or kanser sa atay ay pang-apat sa pinakakaraniwang kanser ng mga Pilipinong lalaki. Pang-apat din ito sa nangungunang sanhi ng pagkamatay dulot ng kanser sa Pilipinas. 

Ang atay ang pinakamalaking solid organ sa katawan ng tao. Marami itong nagagawa sa katawan kabilang na ang pag-iimbak ng sustansya, pagtatanggal ng mga dumi sa sirkulasyon, pagproseso ng mga sangkap mula sa pagkain at mga gamot, at produksiyon ng apdo na nakatutulong sa pagtunaw ng taba. 

Ang pagkakaroon ng pangmatagalang pinsala sa atay ay nagiging sanhi ng kanser sa atay. Nagdudulot ng pinsala sa atay ang mga virus tulad ng hepatitis B at C. Ang iba pang sanhi ng pagkasira ng atay ay sobra-sobrang pag-inom ng alak, obesity, at diabetes. Magpabakuna laban sa hepatitis B at C at itigil ang sobra-sobrang pag-inom ng alak upang maiwasan ang kanser sa atay.

Paraan ng Pag-iwas

Ang pinakamainam na paraan upang mapababa ang panganib na magkaroon ng kanser ay alamin kung paano ito maiiwasan. Naghanda kami ng listahan ng tips na puwedeng gawin upang mapababa ang panganib ng kanser.

  • Huwag gumamit ng mga produktong gawa sa tobacco. Nauugnay ang mga produktong ito sa maraming uri ng kanser gaya ng mouth, esophageal, bladder, cervical, throat, breast, colorectal, at lung cancer. Tandaang nasa panganib din ang mga secondhand smokers.
  • Kumain ng balanse at masustansyang pagkain. Magdagdag ng mga gulay, beans, prutas, at whole grain sa iyong kinakain. Huwag nang kumain ng processed food at limitahan ang pagkain ng red meat. Bawasan din ang pag-inom ng alak dahil pinatataas nito ang panganib ng breast, colorectal, at liver cancer.
  • Maging physically active at panatilihin ang tamang timbang. Gawin ang hindi bababa sa 30 minutong ehersisyo at physical activity araw-araw. Malaki ang magagawa nito sa iyong pangkalahatang kalusugan at kalagayan. May kinalaman ang obesity at hindi pagiging aktibo sa colorectal, pancreatic, lung, at breast cancer.

Key Takeaways

Isa ang kanser sa apat na lifestyle-related diseases (LDRs) o epidemic non-communicable diseases (NCDs). Ang iba pang kabilang dito ay mga pangmatagalang sakit sa baga, diabetes, at mga sakit sa puso. Dapat na maging aktibong kabahagi ang mga lalaki at babae sa mga paraan kung paano maiiwasan at mapabababa ang panganib ng kanser. Tandaang “prevention is better than cure.”

Matuto pa tungkol sa Kanser dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Cancer Facts for Men, https://www.cancer.org/healthy/find-cancer-early/mens-health/cancer-facts-for-men.html, Accessed Aug. 3, 2020

Filipino Americans & Cancer Health Brief, https://www.apiahf.org/wp-content/uploads/2011/02/CD_Healthbrief08_2009-1.pdf, Accessed Aug. 3, 2020

Cancer: 18.1 million new cases, 9.6 million deaths, https://businessmirror.com.ph/2018/09/27/cancer-18-1-million-new-cases-9-6-million-deaths/, Accessed Aug. 3, 2020

Philippine Cancer Control Program, https://www.doh.gov.ph/philippine-cancer-control-program, Accessed Aug. 3, 2020

5 Most Common Cancers in Men, https://www.roswellpark.org/cancertalk/201806/5-most-common-cancers-men, Accessed Aug. 3, 2020

7 Steps to Prevent Cancer, https://www.preventcancer.org/education/seven-steps-to-prevent-cancer/, Accessed Aug. 3, 2020

What Is Colorectal Cancer?, https://www.cdc.gov/cancer/colorectal/basic_info/what-is-colorectal-cancer.htm, Accessed July 6, 2021

Philippines, https://gco.iarc.fr/today/data/factsheets/populations/608-philippines-fact-sheets.pdf, Accessed July 6, 2021

What Are the Risk Factors for Colorectal Cancer?, https://www.cdc.gov/cancer/colorectal/basic_info/risk_factors.htm, Accessed July 6, 2021

Liver Cancer, https://www.cdc.gov/cancer/liver/index.htm, Accessed July 6, 2021

Who Should Be Screened for Lung Cancer?, https://www.cdc.gov/cancer/lung/basic_info/screening.htm, Accessed July 6, 2021

Who Is at Risk for Prostate Cancer?, https://www.cdc.gov/cancer/prostate/basic_info/risk_factors.htm, Accessed July 6, 2021

Kasalukuyang Version

07/31/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni John Paul Abrina, MD

In-update ni: Jaiem Maranan


Mga Kaugnay na Post

Paano Nakatutulong Ang Ehersisyo Sa Pagpapababa Ng Tyansa Ng Pagkakaroon Ng Cancer?

Ano Ang Kanser At Bakit Maraming Takot Sa Sakit Na Ito?


Narebyung medikal ni

John Paul Abrina, MD

Oncology · Davao Doctors Hospital


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement