Ang germ cells ay ang embryonic cells na karaniwang nabubuo sa reproductive cells. Sa mga batang babae, mayroon silang egg cells; sa mga lalaki naman, ito ay sperm cells. Gayunpaman, minsan, ang germ cells ay lumalaki bilang tumors, na maaaring hindi cancerous o cancerous. Alamin sa artikulong ito ang mga sintomas ng germ cell tumor, mga uri nito, at mga uri ng gamutan.
Mga Bahagi At Sintomas Ng Germ Cell Tumor
Bago malaman ang iba’t ibang sintomas ng germ cell tumor, alamin muna kung saan tumutubo ang tumors na ito.
Dahil ang mga ito ay karaniwang nagiging reproductive cells, karamihan sa tumors ay lumalaki sa testicles o ovaries. Gayunpaman, may mga bihirang kaso kung saan lumalaki ang tumors sa tiyan, dibdib, o utak. Ang mga ito ay tinatawag na extragonadal tumors, at ang tiyak na dahilan kung bakit ito nangyari ay hindi pa rin natutuklasan.
Narito ang mga posibleng sintomas ng germ cell tumor:
Gonadal Tumors
Para sa mga batang babae, ang ovarian tumors ay maaaring mahirap matukoy dahil ito ay kadalasang walang mga sintomas hanggang sa lumaki na ito. Samakatuwid, ang diagnosis ay maaaring hindi mangyari hanggang ang batang babae ay wala pang 10 taong gulang. Isa sa mga posibleng senyales ay ang pamamaga sa tiyan.
Para sa mga lalaki, ang karaniwang senyales ay ang pamamaga at pananakit sa testicle. Ito ay kadalasang natutuklasan nang maaga dahil ang mga sintomas ay bahagyang kapansin-pansin.
Extragonadal Tumors
Ang mga sintomas ng germ cell tumor na nangyayari sa labas ng ovary o testicle ay nag-iiba-iba depende sa lokasyon.
Sa bahagi ng dibdib, ang tumor ay maaaring magresulta sa pananakit ng dibdib, ubo, kahirapan sa paghinga, at maging lagnat.
Ang germ cell tumor sa utak ay maaaring humanntong sa mga sintomas tulad ng pagkahilo, pagsusuka, pagiging iritable, kahirapan sa paningin, problema sa pagbabalanse, at pagkapagod.
Kung sakaling lumaki ang tumor sa spine, maaari itong humantong sa panghihina ng binti. Sa pelvis, ang tumor ay maaaring magresulta sa pagtitibi o kawalan ng kakayahang mapigilan ang pagdumi.
Mga Uri Ng Germ Cell Tumors
Ngayon mas batid na natin ang mga sintomas ng germ cell tumor, pag-usapan naman natin ang mga uri nito.
Tulad ng nabanggit kanina, ang germ cell tumors ay maaaring malignant (cancerous) o benign (hindi cancerous). Ang mga uri ng germ cell tumor ay ang mga sumusunod:
- Teratomas, pinakakaraniwang extragonadal germ cell tumor, ay karaniwang benign ngunit maaaring maging malignant.
- Germinomas sa ovary (dysgerminomas) at testes (seminomas) ay karaniwang malignant.
- Embryonal carcinoma, na karaniwang nangyayari sa testicles ng mga kabataang lalaki, ay malignant.
- Endodermal sinus tumor, na malignant, at kadalasang nadedebelop sa ovary, testes, at tailbone.
- Choriocarcinoma, na nadedebelop habang nagbubuntis at maaaring makaapekto sa ina at sa anak.
Napakahalagang malaman kung benign o malignant ang germ cell tumor dahil nakaaapekto ito sa mga opsyon ng gamutan.
Diagnosis Ng Germ Cell Tumors
Kung ikaw o ang iyong anak ay may mga sintomas ng germ cell tumor, pinakamahusay na kumonsulta sa doktor sa lalong madaling panahon. Bilang karagdagan sa isang masusing interbyu tungkol sa kalusugan at pisikal na pagsusuri, maaari ding magsagawa ng mga sumusunod:
- Imaging tests, tulad ng X-ray, CT scan, MRI, at ultrasound.
- Mga pagsusuri sa dugo upang suriin kung paano gumagana ang organs. Ang atay, halimbawa, ay naglalabas ng alpha-fetoprotein, na isang tumor marker. Ang mataas na lebel nito ay maaaring indikasyon ng germ cell tumor.
- Biopsy, kung saan kumukuha ng sample ng tumor upang suriin
Gamutan Ng Germ Cell Tumors
Walang reaksyon ang benign tumor sa chemotherapy, kaya ang karaniwang opsyon ay operasyon. Ang mga bata ay maaaring ding magkaroon ng operasyon upang alisin ang tumor dahil posible pa itong lumaki.
At sa huli, ang gamutan ay depende sa uri, yugto, at kalubhaan ng kondisyon. Sa ilang mga kaso, sapat na ang radiation therapy. Sa iba naman, maaaring kailanganin ang chemotherapy. May mga pagkakataon ding ang pasyente ay nangangailangan ng operasyon at chemotherapy.
Key Takeaways
Karaniwang lumalaki ang germ cells upang maging reproductive cells (egg cells at sperm cells). Gayunpaman, maaari maging tumors ang mga ito.
Ang mga sintomas ng germ cell tumor ay nakadepende kung saan ito nangyari. Sa ovaries, kadalasang mahirap itong matukoy dahil sa kakulangan ng mga sintomas. Sa testes, maaaring maaga itong mapansin dahil bahagyang kapansin-pansin ang pamamaga at pananakit. Ang gamutan ay nakadepende rin sa uri, lokasyon, at kalubhan ng tumor.
Matuto pa tungkol sa Cancer dito.