backup og meta

Mga Sintomas ng Cancer sa Ari ng Lalaki, Pag-iwas at Paggamot

Mga Sintomas ng Cancer sa Ari ng Lalaki, Pag-iwas at Paggamot

Kapag narinig ng mga tao ang salitang cancer, madalas nilang iniisip ang mas karaniwang mga cancer tulad ng breast cancer, lung cancer, o skin cancer. Pero alam mo ba na may penile cancer?  Anong uri ng cancer ito, at ano ang iba’t ibang sintomas ng cancer sa ari ng lalaki na dapat bantayan?

Ano ang Penile Cancer?

Gaya ng tawag dito, ang penile cancer ay isang uri ng cancer na nakakaapekto sa ari ng lalaki. Hindi pa matukoy ang eksaktong dahilan ng cancer na ito. Ngunit ang ilang partikular na kondisyon tulad ng pagkakaroon ng HPV at paninigarilyo ay posibleng risk factors.

Kadalasan, mga lalaking edad 50 pataas ang naaapektuhan  ng cancer sa ari ng lalaki. Maaari rin itong makaapekto sa mas batang mga lalaki, bagaman ang tyansang mangyari ito ay napakabihira. Bilang karagdagan, ang mga lalaking hindi tuli ay mas malamang na magkaroon ng penile cancer. Dahil ang cancer na ito ay kadalasang nagsisimulang mabuo sa balat sa ilalim ng foreskin gayundin sa ulo o glans ng ari ng lalaki.

Kumpara sa iba pang uri ng cancer, ang penile cancer ay napakabihira. Sa kabila nito, magandang ideya na malaman ang mga posibleng sintomas ng cancer sa ari ng lalaki, at kung paano maiiwasan ito. 

Mga Sintomas ng Cancer sa Ari ng Lalaki

Iba’t iba sa bawat tao ang sintomas ng penile cancer. Ang totoo, ang ilang mga tao na may penile cancer ay hindi nagpapakita ng anumang mga sintomas. Lalo na sa early stage.

Narito ang listahan ng ilan sa mga sintomas ng ganitong uri ng cancer:

  • Mga sugat sa ari, partikular sa paligid o dulo ng ulo, at sa ilalim ng foreskin
  • Namamaga ang mga lymph node sa singit
  • Pamamaga sa ari
  • Mabahong discharge sa foreskin
  • Dugo na nagmumula sa ari
  • Mga pagbabago sa ibabaw/balat ng ari ng lalaki, tulad ng pagkapal o pagbabago ng kulay

Kung napansin mo ang mga sintomas na ito, agad na pumunta sa iyong doktor. Kahit na ang mga sintomas na ito ay hindi nangangahulugang may cancer ka, ito ay mga abnormal na sintomas at dapat na ikonsulta sa iyong doktor. 

Paano Ito Ginagamot?

Sa mga tuntunin ng paggamot, maraming mga opsyon na magagamit para sa mga taong may cancer sa ari ng lalaki. Bukod dito, malaking tulong ang maagang pagtuklas sa matagumpay na paggamot.

Kung ang tumor ay nasa mababaw na layer ng balat, maaaring gumamit ng cream upang gamutin ang cancer. Maaari ding gamitin ang external beam radiation therapy upang patayin ang cancer cells sa ari ng lalaki.

Para sa mas malaki pero medyo maliit pa rin na mga tumor, o kung ang tumor ay nasa ilalim ng balat, maaaring kailanganin ng operasyon upang alisin ang cancerous mass. Para sa mas malalaking tumor, mas maraming tissue ang maaaring kailanganin na alisin sa operasyon.

Dahil malapit ang ari sa mga lymph node ng singit, may posibilidad na kumalat ang cancer sa lymph nodes na iyon. Kung mangyari iyon, maaaring gawin ang pag-drain o pag-alis ng mga lymph node upang maiwasan ang pagkalat ng cancer sa buong katawan.

Sa mga advanced case, maaaring kailanganin ang chemotherapy, pati na rin ang ganap na pag-alis ng ari. 

Ano ang Survival Rate para Cancer sa Ari ng Lalaki?

Ang survival rates sa ganitong uri ng cancer ay nag-iiba depende sa kung gaano ito kaaga natukoy, at kung paano magsisimula ang maagang paggamot. 

Batay sa mga istatistika, mayroong 80% 5-year relative survival rate para sa mga localized na kaso. Nangangahulugan ito na mayroong 80% na tyansa na ang pasyente ay mabubuhay nang hindi bababa sa 5 taon pagkatapos ng diagnosis.

Para sa regional cases, o cancer na lumaki nang higit sa orihinal na lugar ng tumor, ang survival rate ay nasa 50%. Sa mga distant cases, o mga kaso kung saan kumalat ang cancer sa distant organs, 9% lang ang survival rate. 

Kapag pinagsama, ang survival rate para sa penile cancer ay nasa 65%. Gayunpaman, ang maagang pagtuklas at paggamot  ay makabuluhang nagpapataas ng tyansang mabuhay. Kaya mahalagang malaman ang mga sintomas ng cancer sa ari ng lalaki na dapat bantayan.

Matuto pa tungkol sa Cancer dito.

[embed-health-tool-bmi]

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

  1. Penile cancer | Cancer Research UK, https://www.cancerresearchuk.org/about-cancer/penile-cancer, Accessed August 9, 2021
  2. Penile cancer – NHS, https://www.nhs.uk/conditions/penile-cancer/, Accessed August 9, 2021
  3. Penile Cancer: Symptoms and Signs | Cancer.Net, https://www.cancer.net/cancer-types/penile-cancer/symptoms-and-signs, Accessed August 9, 2021
  4. Penile Cancer: Symptoms, Diagnosis & Treatment – Urology Care Foundation, https://www.urologyhealth.org/urology-a-z/p/penile-cancer#Diagnosis, Accessed August 9, 2021
  5. Survival Rates for Penile Cancer, https://www.cancer.org/cancer/penile-cancer/detection-diagnosis-staging/survival-rates.html, Accessed August 9, 2021

Kasalukuyang Version

02/09/2023

Isinulat ni Corazon Marpuri

Narebyung medikal ni Regina Victoria Boyles, MD

In-update ni: Corazon Marpuri


Mga Kaugnay na Post

Alamin ang Sintomas ng Nasopharyngeal Cancer

Alamin: Ano ang Sintomas ng Polycythemia Vera?


Narebyung medikal ni

Regina Victoria Boyles, MD

Pediatrics


Isinulat ni Corazon Marpuri · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement