Kamangha-mangha ang paggana ng bibig — sa pamamagitan nito ay parehong nakakakain at nakapagsasalita ang mga tao, dalawa sa mga pinakamahahalagang prosesong kailangan sa araw-araw na buhay. Malaki ang gampanin nito upang ang mga tao ay makakain ng mga masusustansyang pagkain, gayundin upang makisalamuha at makiugnay sa ibang tao. At dahil regular itong ginagamit sa pagkain at komunikasyon, hindi maiiwasan na may ilang makaranas ng iba’t ibang impeksyon o kondisyon tulad ng singaw, at isa ibang pagkakataon, cancer sa bibig.
Ano Ang Cancer Sa Bibig?
Tulad ng ipinahahayag ng pangalan nito, ang cancer sa bibig ay ang uri ng cancer na nangyayari sa bibig o maging sa paligid ng labi ng isang tao. Ito ay kabilang sa kategorya ng cancer sa ulo at leeg kung saan kasama ang oropharyngeal (throat) cancer.
Madalas din itong tawagin bilang oral cancer (o oral cavity cancer) dahil kabilang dito ang simula ng pagdebelop ng tumor sa tiyak na bahagi sa paligid ng bibig tulad sa mga sumusunod:
- Ngipin
- Bibig
- Loob ng pisngi
- Gilagid
- Lining ng labi
- Babang bahagi ng bibig
- Matigas na palate (mabutong taas na bahagi ng bibig)
- Loob ng salivary glands
Mga Sanhi At Iba Pang Salik Ng Cancer Sa Bibig
Halos lahat ng anumang pumapasok at lumalabas sa bibig ay maaaring makapagpataas ng tyansa ng pagkakaroon ng cancer sa bibig. Subalit ilan sa mga pinakakaraniwang sanhi ng kondisyong ito ay ang mga sumusunod:
Paninigarilyo At Paggamit Ng Tabako
Alam ng karamihan na ang paninigarilyo ay maaaring humantong sa maraming kondisyong pangkalusugan tulad ng cancer. Sa isang panayam kay Dr. Jose Garcia Jr., president ng Philippine Society of Medical Oncology, kanyang sinabi na may nasa halos 20 uri ng cancer ang maaaring maging sanhi ng paninigarilyo (Montemayor, 2019).
Dagdag pa, ang paggamit ng mga oral na produktong tabako ay maaaring may malubhang salik dahil ito ay may kaugnayan sa mga tumor na natutuklasan sa paligid ng bahagi ng pisngi, gilagid, at loob ng labi.
Alak
Ang alak ay maaaring makapagpataas ng tyansa ng pagkakaroon ng oral cavity at oropharyngeal carcinoma. Ang mga matatandang malalakas uminom ay may mas mataas na tyansa na magkaroon nito bilang sanhi ng pagdebelop ng bukol sa bibig.
Human Papillomavirus (HPV)
Ang human papillomavirus (HPV) ay isang pamilya ng virus na kinabibilangan ng mahigit 150 iba’t ibang mga uri. Ang pangalan nito ay nagmula sa henerasyon ng papilloma o wart, na dahilan kung bakit ito ay nagiging sanhi din ng genital warts. May mga pag-aaral na nag-uugnay sa HPV at oropharyngeal cancer, subalit nananatili pa ring limitado ang mga impormasyong nag-uugnay sa virus sa cancer sa bibig.