Maraming maling kuru-kuro at kontrobersya ang nakapalibot sa mga bakuna. Lalo na sa pagiging epektibo at mga epekto nito. Maraming naniniwala na ang bakuna ay mas maaring makagawa ng pinsala kaysa mabuti. Gayunpaman, ang pagbabakuna ay nakapagliligtas at patuloy na makapagliligtas ng milyun-milyong buhay sa buong mundo. Kaya ang mga bakuna sa cervical cancer ba ay talagang gumagana laban sa cancer?
Ang pagbabakuna ay ang proseso ng pagbibigay ng bakuna upang makatulong na maiwasan ang mga sakit. Ang mga pag-unlad sa larangan ng medisina ay nagresulta sa maraming bakuna na maaaring ganap na maalis ang panganib ng isang tao sa mga sakit tulad ng tigdas, malaria, trangkaso, at iba pa. Makakatulong din ang mga bakuna sa pag-iwas sa mga viral infection na maaaring magdulot ng iba pang mga sakit tulad ng cancer.
Ang cancer ay isang grupo ng mga sakit na nailalarawan sa pamamagitan ng pag-tubo ng mga abnormal na cells sa ilang bahagi ng katawan. Sa ngayon, hindi pa rin sigurado ang mga siyentipiko at doktor tungkol sa tiyak na sanhi ng cancer. At marami pa rin ang namamatay sa sakit. Ang mga bakuna ay isang paraan upang maiwasan ang cancer bago pa man lumitaw ang panganib.
Matuto tungkol sa mga bakuna, at kung anong mga partikular na bakuna ang makapipigil sa cancer.
Ano ang mga Bakuna?
Kapag ang mga virus o bacteria ay pumasok sa katawan, ang immune system ang lumalaban sa mga intruder na ito. Ang pakiramdam na may sakit ang kadalasang indikasyon na ang katawan ay lumalaban sa virus. Ang mga bakuna ay isang uri ng gamot na kayang mag-stimulate sa immune system ng katawan nang hindi kinakailangang ma-expose sa isang partikular na sakit.
Ito ang dahilan kung bakit mahalaga ang bakuna. Sa halip na magpagamot para sa isang sakit, ang mga bakuna ang tumitiyak na alam na ng katawan kung paano iiwasan ang mga partikular na virus. Para ikaw ay maging immune. Ang mga bakuna, tulad ng bakuna sa HPV, na tinatawag ng ilang tao na bakuna sa cervical cancer, ay gumagana sa pamamagitan ng:
- Sinisiguro na naaalala ng immune system ang partikular na mikrobyo.
- Pinasisigla ang immune system na gumawa ng mga antibodies, na natural na ginagawa ng immune system bilang tugon sa ilang bacteria o virus.
- Sinasanay ang immune system kung paano tumugon sa isang mikrobyo kung makaharap ito ng katawan sa hinaharap.
Bakit Kailangang Mabakunahan?
Karamihan sa mga pagpuna sa mga bakuna ay batay sa mga maling akala na walang katotohanan. Sa katotohanan, ang mga bakuna, tulad ng bakuna sa cervical cancer, ay ang pinakaligtas na paraan na maiwasan ang mga nakakahawang sakit. Ang mga sumusunod ay ilang dahilan kung bakit dapat kang magpabakuna:
- Maaari kang bigyan ng proteksyon laban sa partikular na virus nang hindi nagkakasakit.
- Ang mga sakit na pinipigilan ng mga bakuna ay umiiral pa rin. Ibig sabihin, pwede mo pa ring makuha ang mga ito lalo na kung hindi ka magpapabakuna.
- Ang pagpapabakuna ay mas mura kumpara sa gastos sa pagpapagamot para sa isang partikular na sakit.
- Maaaring protektahan ng mga bakuna ang mga bata at sanggol dahil karamihan sa mga bakuna ay maaaring ibigay sa murang edad.
Mga Bakuna na Pumipigil sa Cancer
Ang isang bakuna para sa cancer ay hindi pa nagagawa dahil ang cancer ay sanhi ng mga selula, na gawa ng katawan. Ito ay maaaring maging mas nakakalinlang para sa immune system na matukoy. Kung tutuusin ito ay hindi bago sa katawan tulad ng isang virus o bakterya na ang immune system ay sinanay na labanan.
Ang mga bakuna sa cancer ay hindi partikular na ginawa para labanan mismo ang cancer. Pero, mayroon nang mga bakuna na maaaring makaiwas sa mga viral infection na maaaring humantong sa ilang uri ng cancer.
Ang mga halimbawa ng mga bakuna na maaaring makaiwas sa mga sakit na nauugnay sa kanser ay ang mga sumusunod:
Bakuna sa HPV
Ang human papillomavirus (HPV) ay isang grupo ng mga virus na maaaring maipasa sa pamamagitan ng oral, anal, o vaginal sex. Ito ang pinakakaraniwang uri ng sexually transmitted disease (STD) at maaaring magdulot ng genital warts o cancer kung hindi ginagamot. Ang HPV ay maaaring ipangkat sa dalawang uri:
- Low-risk HPV: Ito ay hindi karaniwang nagdudulot ng anumang mga sintomas, at maaaring mawala ng kusa.
- High-risk HPV: Ang ganitong uri ng HPV ay maaaring malala. At sa paglipas ng panahon ang mga apektadong selula ay maaaring mag-mutate sa mga cancer cells. Ang HPV 16 at HPV 18 ay karaniwang ikinategorya bilang “mataas na panganib.” Dahil maaari silang magdulot ng cancer sa paglipas ng panahon. Dahil dito, tinatawag ng ilang tao ang bakuna sa HPV bilang bakuna sa cervical cancer.
Inirerekomenda ng Center for Disease Control and Prevention (CDC) na ang mga batang edad 9 na taong gulang ay maaaring mabakunahan laban sa HPV. Ang mas mabuti, ang bakuna ay dapat ibigay kapag ang bata ay nasa pagitan ng edad na 11 hanggang 12 taong gulang. Karaniwan, ang bakuna ay may dalawang doses.
Ang mga nasa hustong gulang na wala pang 26 taon ay maaari ding mabakunahan. Maaaring maiwasan ang mga bagong impeksyon ng HPV para sa mga taong aktibo sa pakikipagtalik.
Ang pagpapabakuna ay lubos na nakakabawas sa panganib ng isang indibidwal sa mga sumusunod na cancer:
- Vulvar Cancer
- Vaginal Cancer
- Anal Cancer
- Cervical Cancer
- Oropharyngeal Cancer
- Penile Cancer
- Mouth and Throat Cancer
Bakuna sa Hepatitis B
Ang Hepatitis B ay isang impeksyon sa atay na sanhi ng Hepatitis B virus (HBV). Nakukuha mula sa tao sa tao sa pamamagitan ng kontak sa infected na body fluid tulad ng dugo o semen. Ang Hepatitis B ay maaaring maipasa sa pamamagitan ng sexual contact, pag-share ng karayom, o maging mula sa ina sa panahon ng panganganak.
Ang mga uri ng Hepatitis B ay:
- Acute Hepatitis B Infection: Ito ay hindi masyadong nagtatagal ngunit magdudulot ng mga sintomas tulad ng pagkapagod at pagsusuka. At kapansin-pansing sintomas na tinatawag na jaundice, pagdidilaw ng mga mata at balat.
- Pangmatagalang Impeksyon sa Hepatitis B: Kapag ang Hepatitis B virus ay hindi umalis sa katawan, maaari itong magdulot ng malalang impeksyon sa atay. Humahantong ito sa pagkakapilat ng tissue ng atay (cirrhosis) o maging sa liver cancer. Ito ang dahilan kung bakit kailangan ang pagpapabakuna para sa Hepatitis B. Maaari itong maging isang paraan na lubos na mabawasan ang panganib na magkaroon ng cancer.
Inirerekomenda ng CDC na ang bakuna sa Hepatitis B ay dapat ibigay sa pamamagitan ng magkakasunod na pag-shot simula sa pagsilang ng isang bata hanggang sa sila ay anim na buwang gulang. Gayunpaman, inirerekomenda ang bakuna para sa mga nasa panganib na magkaroon ng impeksyong ito.
Key Takeaways
Ang mga bakuna ay mga uri ng mga gamot na tumutulong sa immune system na maging pamilyar at malabanan ang ilang mga sakit. Kahit na ang katawan ay hindi pa nalantad sa isang partikular na virus o bacteria.
Sa kabila ng katotohanang walang umiiral na bakuna laban sa cancer, ang iba pang mga bakuna tulad ng Hepatitis B Vaccine o ang Bakuna sa Human Papillomavirus (bakuna sa cervical cancer) ay mga uri ng bakuna na maaaring makabawas ng mga pagkakataong magkaroon ng cancer. Sa pamamagitan ng pagpigil sa isang sakit na maaaring humantong sa pagkakaroon ng cancer cells.