backup og meta

Saan Kumakalat ang Colon Cancer? Alamin!

Saan Kumakalat ang Colon Cancer? Alamin!

Matutukoy ang stage ng iyong colon cancer sa pamamagitan ng mga test na isasagawa ng iyong doktor upang magkaroon ng diagnosis. Ang stage 4 ay nagsasabing kumalat na lagpas sa iyong colon ang sakit. Posibleng may cancerous cells na ang iyong atay, baga, at iba pang organ. Kapag nalaman na kung saan kumakalat ang colon cancer, mapapadali na ang pagtukoy sa pinakamainam na gamutang para sa iyo. Kung mas maagang matutukoy, mas mabuti, at ipaalam sa iyong doktor kung nakararanas ka ng alinman sa mga sintomas.

Ano ang Nangyayari Kapag Nag-metastasize na ang Colon Cancer?

Saan Kumakalat ang Colon Cancer? Maaaring benign ang mga tumor, ibig sabihin, hindi ito kumakalat. Pwede rin itong malignant, ibig sabihin, pwede itong kumalat sa nakapaligid na tissue. 

Sa kaso ng colon cancer, nadedebelop ang mga malignant cell sa lining ng bituka o rectum. Ang mga cancer ay ang abnormal na paglaki ng mga tissue na nabubuo dulot ng mga pagbabago sa genetic material ng mga cell. Ang normal na cell cycle ay pwedeng maantala minsan, at ito ay maaaring mauwi sa abnormal o mabilis na pagdami ng cell.

Tinatawag itong metastatic colorectal cancer kapag ang mga cell na ito ay naghiwalay at kumalat sa iba pang bahagi ng katawan sa pamamagitan ng lymphatic system o dugo. Inuuri ng mga doktor ang cancer sa mga stages na naglalarawan ng progression ng sakit na ito. Nagiging daan ang staging system na ito upang matukoy ang prognosis ng pasyente at ang pinakamabisang gamutan na maaaring pagpilian.

Stages ng Colon Cancer

Ayon sa American Cancer Society (ACS), ang pinakaunang stage ay Stage ) (ang napakaagang cancer), na sinusundan ng stages 1 – 4. Mas mababa ang numero, mas hindi pa kalat ang cancer. Sa stage 3 colorectal cancer, ang malignant cells ay kumalat na sa kalapit na mga lymph nodes ngunit hindi pa kumakalat sa ibang bahagi. Nasa stage 4 na ang isang tao kung ang kanyang colorectal cancer ay nag-metastasize na lagpas sa lymph nodes.

Pwede rin itong kumalat sa baga, utak, lining ng abdominal cavity, malalayong lymph node, at atay. Madalas na kumakalat ang metastatic colorectal cancer sa atay, dahil karamihan sa tinatanggap nitong suplay ng dugo ay mula sa portal vein, isang malaking blood vessel na nagdadala ng dugo mula sa mga bituka at spleen.

Mga Sintomas

Karamihan sa mga pasyenteng may colon cancer ay walang ipinapakitang anumang sintomas, kaya’t mahalaga ng madalas na screening test. Kabilang sa mga sintomas ng alinmang stage ng kondisyong ito ang:

  • Dugo sa dumi, karaniwang dark red o itim
  • Parehong nagtatae at constipation. Pwede rin itong senyales ng hindi malubhang sakit. Gayunpaman, kung patuloy kang makaranas nito, magpatingin sa doktor. 
  • Hugis lapis, mahaba, at maninipis na dumi. Nangangahulugan ito na maaaring may humaharang na kung ano sa iyong colon. Maaaring tumor o iba pang bagay ang humaharang dito.
  • Panghihina at pagkapagod. Ang dumudugong tumor at kawalan ng iron sa katawan ay maaaring parehong magdulot sa iyo ng higit na pagod at panghihina.
  • Bloating o soreness sa tiyan. Kapag may humaharang na dulot ng tumor sa colon, magiging mahirap para sa iyo na ilabas lahat ng iyong dumi. Ang resulta, nakakaramdam ka ng pagiging bloated at busog.
  • Kung mabawasan ka ng 10 pounds o higit pa kahit hindi ka nagbabago ng kinakain o ng ginagawang ehersisyo, maaaring cancer ito, lalo na kung makaranas ka ng iba pang senyales ng colon cancer.
  • Pagduduwal at pagsusuka, na nangyayari kapag may humaharang na tumor sa daluyan ng hangin.

Depende sa kung nasaan ang sakit, maaari kang magkaroon pa ng iba pang sintomas.

20% ng mga Amerikano na may colon cancer ay nadiskubreng kumalat na ito sa iba pang bahagi ng kanilang katawan (colon cancer metastasis sites). Sa pamamagitan ng sirkulasyon at mga lymph node, maaaring “locally” kumalat ang cancer. Sa atay, baga at peritoneum pinakamadalas nagme-metastasize (lining ng abdomen) ang colon cancer. Posibleng maapektuhan ng ganitong malignancy ang mga buto at iba pang organ.

Dagdag na Impormasyon Hinggil sa Karaniwang Colon Cancer Metastasis Sites

Atay

Gumagawa ng bile ang atay, isang fluid na kinakailangan para sa pagtunaw ng pagkain, at nag-aalis ng nakalalasong kemikal mula sa ating katawan. Maaaring mapunta ang colon cancer sa atay sa pamamagitan ng blood artery na nag-uugnay sa atay at mga bituka.

Maraming mga pasyenteng may colon cancer sa kanilang atay ay walang ipinapakitang mga senyales sa una. Kung may mga sintomas sila, maaaring malabo ito at binubuo ng:

  • Kawalan ng ganang kumain o mabilis mabusog
  • Pagkapagod
  • Lagnat
  • Pangangati
  • Abdominal discomfort
  • Pamamaga ng mga binti
  • Bumababang timbang
  • Jaundice o paninilaw ng balat o ng puti ng mga mata

Baga

Maaaring kumalat ang cancer sa iba pang organ, tulad sa colon, papunta sa baga dahil kumukuha sila ng dugo mula sa natitirang mga bahagi ng katawan. Kadalasang naaapektuhan ang paghinga kapag ang cancer ay napunta na sa baga.

Kabilang sa mga senyales ang:

  • Walang humpay na pag-ubo
  • Pananakit ng dibdib
  • Uhog na may dugo
  • Nahihirapang huminga
  • Pagbaba ng timbang  

Peritoneum

Maaaring mahawahan ang lining ng abdomen ng cancerous cells na naghiwa-hiwalay mula sa primary tumor.

Narito ang mga senyales:

  • Abdominal discomfort
  • Nabawasan ang gana sa pagkain
  • Pagtaas o pagbaba ng timbang

Mga Buto

Maaaring humina ang mga buto at magsimulang tumagas ang calcium kapag kumalat dito ang colon cancer.

Kabilang sa mga senyales nito ang:

  • Pagsakit ng buto
  • Dahil sa sobrang level ng calcium, maaari kang magtae, magduwal, at mawalan ng ganang kumain
  • Bone fractures
  • pamamanhid o panghihina ng mga binti at braso
  • Pagsakit ng likod at/o leeg

Diagnosis

Saan kumakalat ang colon cancer? Maaaring kailangang gumamit ng magkakaibang test ang mga doktor upang matukoy at mahanap ang metastatic colorectal cancer. Sa oras na matukoy na nila ang presensya ng cancer at apektadong lugar kung saan nag-metastasize ang colon cancer, makapagbibigay na sila ng gamutan.

Ang pangunahing test ay ang colonoscopy upang ma-diagnose ang colorectal cancer. Kung may suspetsa ang doktor na may ganitong sakit ang pasyente, maaari silang kumuha ng sample ng tissue sa colonoscopy procedure. Sinusuri ngayon ang biopsy tissue sample sa laboratoryo at pinag-aaralan ang natatanging katangian nito upang matulungang magabayan ang gamutan. Panghuli, gagamit ang mga doktor ng imaging test upang matukoy ang lugar kung saan nag-metastasize ang colon cancer.

Narito ang mga imaging procedure na maaaring gamitin ng mga doktor:

  • CT. isang cross-sectional image ng katawan ng tao ang nagagawa sa pamamagitan ng CT o CAT scan gamit ang X-rays. Kapag kumalat na ang cancer sa kalapit na lymph nodes o iba pang organ, maaari na itong makita.
  • Ultrasound. Upang malaman kung lumipat na sa atay ang cancer, maaaring magsagawa ang mga doktor ng ultrasound exam. Dagdag pa, maaaring magsagawa ng biopsy sa ilalim ng ultrasound supervision.
  • Magnetic resonance imaging (MRI). Upang malaman kung nadamay na ang lymph nodes o kung lumipat na ang cancer sa pelvis o sa abdomen, maaaring gumamit ang mga doktor ng magnetic resonance imaging (MRI). 
  • X-rays. Ginagamit ng mga doktor ang chest x-rays upang malaman kung kumalat na ang colon cancer sa baga. Makikita rin dito kung kumalat na sa buto ang cancer.
  • Positron emission tomography (PET)  scan. Maaaring gumamit ang mga medical professional ng ganitong mga scan upang makita ang cancer sa utak at sa iba pang bahagi ng katawan. Makatutulong din ang scan na ito sa pagpaplano ng anumang surgery at medical care.

Treatment

Ang lokasyon ng mga tumor at ang tindi ng pagkalat ng cancer ay maaaring makaapekto sa pinakamainam na kurso ng gamutan para sa pasyenteng may metastatic colorectal cancer. Bukod dito, isinasaalang-alang din ng mga doktor ang edad, kabuoang kalusugan, at mga potensyal na masamang epekto ng gamutan sa pasyente.

Maaaring mag-eksperimento ng ilang therapies na magkasama o magkasunod ang mga pasyenteng may colorectal cancer. Ginagamit ng mga doktor ang mga sumusunod na teknik upang gamutin ang colorectal cancer:

  • Chemotherapy. Kung hindi option ang surgery, maaaring piliin ng doktor ang chemotherapy. Ang mga chemotherapy na gamot ay malalakas na gamot na maaaring pumatay sa mga cancer cell o magpahinto sa pagdami nito.
  • Hepatic artery infusion chemotherapy (HAIC). Maaaring gamitin ang regional chemotherapy na kilala bilang hepatic artery infusion chemotherapy (HAIC) kung ang colorectal cancer ay kumalat na sa atay, na isang karaniwang lugar kung saan nagme-metastasize ang colon cancer. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pagtuturok ng gamot sa chemotherapy sa hepatic artery ng atay.
  • Radiation therapy. Hindi madalas ginagamit ng mga doktor ang radiation therapy sa paggamot ng colon cancer. Gayunpaman, maaari nilang gamitin ito bago ang surgery upang mabawasan ang mga tumor, upang mapawi ang mga sintomas na nararanasan ng pasyente, o bilang kasabay ng chemotherapy upang makatulong sa pag-manage ng cancer.
  • Surgery. Maaaring hindi option ang surgery kung kumalat na ang cancer. Gayunpaman, kung mayroon lang isa o dalawang minor liver lesions, maaaring maging option ang surgery.
  • Iba pang systemic therapies. Bilang karagdagan sa immunotherapy at biologic treatment, maaaring ireseta ng mga doktor ang iba pang gamutan.

Clinical Trials

Pwede ring irekomenda ng doktor ang clinical trials, na tinitignan ng mga research studies na mga bagong therapy na maaaring makatulong sa taong may metastatic colorectal cancer. Bagaman malaki na ang pinagbago ng mga treatment options, mahalagang tandaan na ang mga resulta ay maaari pa ring magkaiba-iba sa mga may advanced disease.

Paghahanda at pagkuha ng assistance

Alamin sa iyong doktor kung paano naaapektuhan ng laki at lokasyon ng iyong tumor ang kaso mo. Kung nais mong malaman pa kung saan kumakalat ang colon cancer at paano nito naaapektuhan ang iyong katawan sa oras na kumalat na ito, kumonsulta sa doktor.

Matuto pa tungkol sa Colorectal Cancer dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Treatment for Metastatic Colon Cancer, https://www.mskcc.org/cancer-care/types/colon/treatment/metastases#:~:text=Metastasis%20means%20that%20the%20cancer,organs%20it%20has%20spread%20to, Accessed July 20, 2022

Patterns of metastasis in colon and rectal cancer,https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC4945942/, Accessed July 20, 2022

Metastatic Colorectal Cancer May Spread Early in the Disease, Study Finds, https://www.cancer.gov/news-events/cancer-currents-blog/2019/early-metastasis-colorectal-cancer, Accessed July 20, 2022

What is metastatic colon cancer, https://moffitt.org/cancers/colon-cancer/faqs/what-is-metastatic-colon-cancer/, Accessed July 20, 2022

Treating colon rectal cancer by stage, https://www.cancer.org/cancer/colon-rectal-cancer/treating/by-stage-colon.html, Accessed July 20, 2022

Kasalukuyang Version

06/21/2023

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Mia Dacumos, MD

In-update ni: Mia Labrador, MD


Mga Kaugnay na Post

Mga Dapat Malaman Tungkol Sa Colon Cancer

Mga Sintomas Ng Colorectal Cancer: Alamin


Narebyung medikal ni

Mia Dacumos, MD

Nephrology · Makati Medical Center


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement