backup og meta

CAUTION: Alamin kung ano ang kinalaman nito sa cancer

CAUTION: Alamin kung ano ang kinalaman nito sa cancer

Ang cancer ay isang nakamamatay na sakit. Pero ang isang paraan upang matiyak ang kaligtasan ay ang maagang detection nito. Dahil ang pag-alam sa mga warning sign ng cancer ay makakatulong sa iyo na magpagamot nang mas maaga. Dito pumapasok kung ano ang CAUTION para sa mga palatandaan at sintomas ng cancer. Alamin kung ano ang kinalaman ng CAUTION sa cancer.

CAUTION: Mga Palatandaan at sintomas ng cancer

Ang mnemonic na CAUTION ay malawakang ginagamit para maalala ang warning signs ng cancer. Inililista nito ang mga pinakakaraniwang palatandaan at sintomas ng cancer sa paraang madaling matandaan at maunawaan.

Ang mnemonic na ito ay hindi idinisenyo para sa pag-diagnose ng cancer. Isa itong gabay para mabigyan ka ng ideya kung dapat kang mag-alala sa anumang mga sintomas na maaaring maranasan.

Kung nakakaranas ka ng anumang kumbinasyon ng mga sumusunod na sintomas, mabuting  makipag-usap sa doktor mo tungkol sa pagpapa-screen para sa cancer.

C – Change in bowel or bladder habits

Ang una ay C, na kumakatawan sa pagbabago sa habits sa bituka o pantog.

Ito ay maaaring magpakita sa iba’t ibang paraan, na kinabibilangan ng mga sumusunod:

  • Dugo sa ihi o dumi
  • Biglaang pagtatae o constipation nang walang anumang pagbabago sa iyong diet
  • Pakiramdam na kailangan mo pang dumumi kaagad pagkatapos ng pagpunta sa banyo
  • Biglaan, hindi maipaliwanag na pananakit sa iyong tiyan, o sa iyong anus
  • Feeling bloated

Kung nakakaranas ka ng anumang kumbinasyon ng mga sintomas na ito na higit sa ilang linggo, makabubuting bisitahin ang iyong doktor.

Ito ay dahil ang mga pagbabago sa mga habits sa bituka o pantog ay maaaring isang posibleng senyales ng colon cancer o bowel cancer. Partikular na, kung may napansin kang anumang dugo sa iyong ihi o dumi, dapat itong maging dahilan ng pag-aalala. Alamin pa kung ano ang CAUTION sa  cancer.

A – A sore or lesion that does not heal

Ang mga sugat o lesion sa katawan ay maaaring resulta ng maraming iba’t ibang bagay. Para sa karamihan, ang mga sugat o lesion ay hindi dapat maging dahilan ng pag-aalala kung gumaling sa paglipas ng mga araw.

Gayunpaman, kung mapapansin mo na ang isang sugat o lesion sa iyong katawan ay tila hindi gumagaling nang maayos, o lumalala pa, kumunsulta sa isang doktor para matukoy ang dahilan sa likod nito.

Ang mga sugat o lesion na hindi gumagaling ay maaaring isang posibleng senyales ng leukemia, o cancer

sa dugo. Ito ay dahil ang leukemia ay nakakaapekto sa bilang ng mga platelet sa dugo ng isang tao, at ang mga platelet ay responsable para sa pagpapagaling ng sugat.

U – Unusual bleeding or discharge

Unusual bleeding ang U sa kung ano ang CAUTION sa cancer. Ang anumang anyo ng hindi maipaliwanag na pagdurugo ay dapat maging dahilan ng pag-aalala.

Mga halimbawa ng hindi pangkaraniwang pagdurugo ay kinabibilangan ng mga sumusunod:

  • Dugo sa iyong ihi
  • Dugo sa iyong dumi
  • Pagdurugo mula sa anus
  • Dugo kapag umuubo
  • Dugo sa iyong suka
  • Pagdurugo mula sa iyong ari kapag walang regla

Ang hindi pangkaraniwang pagdurugo ay maaaring maging tanda ng iba’t ibang uri ng cancer. Kabilang ang ovarian cancer, colon cancer, uterine cancer, stomach cancer, at rectal cancer.

Kung nakakaranas ka ng anumang hindi pangkaraniwan at patuloy na pagdurugo, makabubuting kausapin ang iyong doktor tungkol dito. 

Maaaring hindi ito senyales ng cancer, ngunit maaari rin itong senyales ng isa pang malubhang karamdaman dahil hindi normal ang unusual bleeding. 

T – Thickening or lump in the breast or somewhere in the body

Ang letrang T sa CAUTION ay nangangahulugang pangangapal o bukol sa dibdib o sa isang lugar sa katawan.

Ang pangangapal ng mga tisyu o anumang hindi maipaliwanag na mga bukol ay maaaring mangahulugan na mayroong tumor sa isang lugar sa katawan.

Maaaring maging malignant o benign ang mga tumor. Ang benign tumor ay isang paglaki lamang ng tissue na sa pangkalahatan ay hindi dahilan ng pag-aalala. Sa kabilang banda, ang mga malignant na tumor ay cancer.

Ang isang paraan para malaman kung malignant o benign ang tumor ay magpa-biopsy o masuri ang tissue sample. Makakatulong ito sa doktor mo na matukoy kung ang paglaki o bukol sa iyong katawan ay cancerous o hindi.

I – Indigestion or difficulty swallowing

Isa sa mga babalang palatandaan ng cancer ay hindi pagkatunaw ng pagkain o kahirapan sa paglunok. Ang mga ito ay posibleng senyales ng esophageal cancer, gastric cancer, o pancreatic cancer.

Dahil sa tumor na nakaharang sa pagkain, ang isang tao ay nagkakaroon ng pananakit kapag lumulunok, o may pakiramdam na may bukol na nakabara sa kanyang lalamunan.

Ang hindi pagkatunaw ng pagkain sa kabilang banda, ay isa sa mga karaniwang palatandaan ng pancreatic cancer. Maaari itong maging sanhi ng masakit o burning feeling sa dibdib, o mapait, hindi kasiya-siyang lasa sa bibig.

Mahalagang tandaan, gayunpaman, na ang mga sintomas na ito ay hindi kinakailangang sa cancer lang. Ang iba pang mga problema sa kalusugan ay maaari ring magpakita ng mga sintomas na ito, kaya magandang ideya na humingi pa rin ng medikal na atensyon.

O – Obvious change in a mole or wart

Kabilang sa mga warning signs ng cancer, ang isang halatang pagbabago sa isang nunal o kulugo. Ito ay isa sa mga pinakamadaling makita.

Kung napansin mong mayroon kang nunal o kulugo na nagbabago ng kulay, lumalaki o lumiliit, o lumilipat pa nga sa ibang parte, maaaring senyales ito na mayroong cancerous na paglaki sa lugar na iyon.

Ang cancer na kadalasang nauugnay sa ganitong sintomas ay cancer sa balat.

Kung mapapansin mo ito, makabubuting makipag-ugnayan sa doktor mo sa lalong madaling panahon upang masuri ito kaagad.

N – Nagging cough or chronic hoarseness

Ang namumuong ubo o talamak na pamamaos ay maaaring senyales ng esophageal cancer.

Isang pangunahing sanhi ng ganitong uri ng cancer ay ang paninigarilyo, at ang problema ay ang mga sintomas na ito ay karaniwan din sa mga naninigarilyo.

Ito ang dahilan kung bakit mahirap matukoy ang cancer sa lalamunan at cancer sa esophageal sa mga unang stage nito. Dahil maaaring hindi kaagad mapansin ng mga naninigarilyo ang mga babalang ito ng cancer.

Kung naninigarilyo, pinakamahusay na huminto sa lalong madaling panahon. Ito ay upang mabawasan ang iyong panganib na hindi lamang cancer sa lalamunan o esophageal. Kundi pati na rin sa lung cancer.

May dalawang iba pang sintomas na kung minsan ay ginagamit na mga palatandaan at sintomas ng kung ano ang  CAUTION sa cancer. Ang mga sintomas na ito ay hindi palaging kasama ng mga uri ng cancer, ngunit mahalagang mga sintomas pa rin na dapat bantayan

U – Unexplained anemia

Ang anemia ay isang kondisyon kung saan ang isang tao ay kulang sa healthy blood cells. Kasama sa mga karaniwang sintomas ang pagkapagod, pamumutla, panghihina, pananakit ng dibdib, malutong na mga kuko, at malamig na mga kamay at paa.

Ang anumang hindi maipaliwanag na anemia ay dapat maging dahilan ng pag-aalala. Mahalagang kumunsulta sa iyong doktor sa lalong madaling panahon kung maranasan mo ang mga ito.

S – Sudden weight loss

Panghuli, ang biglaang pagbaba ng timbang ay isa pang karaniwang sintomas ng cancer. Ito ay lalong nakakabahala kung hindi ka pa nakakaranas ng labis na stress, o walang anumang mga pagbabago sa diet.

Kung malusog ka at bigla kang nakakaranas ng pagbaba ng timbang, maliwanag ito na dahilan para mag-alala.

Ang pag-konsulta sa doktor tungkol dito ay maaaring makatulong na matukoy kung ano ang maaaring maging sanhi ng biglaang pagbaba ng timbang, at kung dapat kang mag-alala tungkol dito.

Key Takeaways

Isa sa pinakamahalagang hakbang upang harapin ang cancer ay ang maagang pagtuklas. Kung mas maagang matukoy ang cancer, mas maganda ang resulta para sa pasyente. Palaging tandaan kung ano ang CAUTION sa cancer. Mahalagang alamin kung ano ang kinalaman nito sa cancer.

Ito ang dahilan kung bakit mahalagang makinig sa iyong katawan. Huwag balewalain ang anumang hindi pangkaraniwang mga palatandaan at sintomas na maaaring nararanasan mo.

Ang pagpansin ng kahit maliit at hindi pangkaraniwang pagbabago ay maaaring magligtas ng iyong buhay.

Kaya siguraduhing suriin ang iyong katawan para sa anumang mga palatandaan at sintomas ng cancer. At huwag mag-atubiling humingi ng medikal na atensyon sa lalong madaling panahon.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Cancer – Early Warning Signs Nursing Mnemonic | NRSNG, https://nursing.com/lesson/nursing-mnemonics-caution-up/, Accessed August 12 2020

Symptoms & Warning Signs of Cancer | Cleveland Clinic, https://my.clevelandclinic.org/departments/cancer/patient-education/wellness-prevention/warning-signs, Accessed August 12 2020

Warning Signs of Cancer – Cancer – MSD Manual Consumer Version, https://www.msdmanuals.com/home/cancer/overview-of-cancer/warning-signs-of-cancer, Accessed August 12 2020

Cancer – Symptoms and causes – Mayo Clinic, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/cancer/symptoms-causes/syc-20370588, Accessed August 12 2020

Symptoms of Cancer – National Cancer Institute, https://www.cancer.gov/about-cancer/diagnosis-staging/symptoms, Accessed August 12 2020

Cancer – Signs and symptoms – NHS, https://www.nhs.uk/conditions/cancer/symptoms/, Accessed August 12 2020

What Are the Signs & Symptoms of Leukemia? | Memorial Sloan Kettering Cancer Center, https://www.mskcc.org/cancer-care/types/leukemias/symptoms, Accessed August 12 2020

Esophageal Cancer Warning Signs | Johns Hopkins Kimmel Cancer Center, https://www.hopkinsmedicine.org/kimmel_cancer_center/cancers_we_treat/esophageal_cancer/warning-signs.html#:~:text=The%20most%20common%20symptom%20of,narrows%20from%20the%20growing%20cancer., Accessed August 12 2020

Pancreatic cancer signs and symptoms | Pancreatic Cancer UK, https://www.pancreaticcancer.org.uk/information-and-support/facts-about-pancreatic-cancer/signs-and-symptoms-of-pancreatic-cancer/#:~:text=Indigestion%20(dyspepsia)%20can%20sometimes%20be,t%20usually%20due%20to%20cancer., Accessed August 12 2020

Kasalukuyang Version

08/05/2022

Isinulat ni Corazon Marpuri

Narebyung medikal ni John Paul Abrina, MD

In-update ni: Corazon Marpuri


Mga Kaugnay na Post

Alamin Dito Kung Ano Ang Puwedeng Gamot Para Sa Prostate Cancer

Ano Ang Dapat Asahan Sa Stage 4 Pancreatic Cancer?


Narebyung medikal ni

John Paul Abrina, MD

Oncology · Davao Doctors Hospital


Isinulat ni Corazon Marpuri · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement