Mas nagiging matagumpay ang gamutan sa breast cancer kung maagang malalaman at maggamot. Mahalaga ang kaalaman sa pagtingin ng mga senyales ng maagang breast cancer sa tulong ng mga breast self-examination (BSE) at screening para sa breast cancer upang malagpasan ang sakit na ito.
Sa Pilipinas, breast cancer ang nangungunang uri ng cancer na nakaaapekto sa mga babae. Sinusundan ito ng cancer sa cervix uteri, colorectum, baga, at obaryo. Noong 2018, naiulat ng Global Cancer Observatory na nasa 31.4% ng mga bagong kaso ng cancer sa kababaihan ang breast cancer. Nasa kabuoang 25,000 kaso ito. Bagaman lubos itong nagagamot, marami pa ring babae ang kulang sa impormasyon kung paano wastong malalaman ang mga sintomas ng sakit na ito.
Ano ang Breast Cancer?
Ang breast cancer ay isang uri ng cancer na nabubuo sa mga tissue ng suso. Ang dalawang pangunahing uri nito ay:
- Nangyayari ang ductal carcinoma sa mga tubong nagdadala ng gatas.
- Ang lobular carcinoma nagsisimula sa paligid ng mammary lobes.
Kadalasan, babae ang tinatamaan ng breast cancer, ngunit may mga kaso na ang mga lalaki ang nagkakaroon nito, ngunit bihira lang.
Bagaman ang isang mapanganib na sakit ay maaaring mauwi sa kamatayan, lubos na nagagamot ang breast cancer. Maraming cancer survivors ang nabubuhay nang matagal. Mahalagang malaman ang mga paunang mga senyales ng breast cancer. Kayang malaman ng mga doktor nang tama ang sakit na ito gamit ang screening para sa breast cancer. Kapag natuklasan ng doktor ang cancer sa early stages, mas mataas ang tsansang mabuhay ang pasyente.
Paano Matutukoy ang Breast Cancer?
Kadalasang nalalaman ng mga babae ang mga paunang senyales ng breast cancer sa pamamagitan ng BSE kung saan kinakapa ang suso para sa anumang hindi karaniwang bukol o pagkaukit. Naiiba ang suso ng mga babae at nagbabago habang nagkakaedad. Kaya naman hinihikayat ang kababaihang gawin ang regular na BSE upang malaman mo kung ano ang pakiramdam ng dibdib na “normal.”
Kadalasan sa mga bukol ay hindi mapanganib. Lumilitaw ang mga ito at nawawala nang kusa sa kabuoang menstrual cycle dahil sa pagbabago sa mga hormone. Benign ang karaniwang sanhi. Ngunit upang makatiyak, pinakamainam na kumonsulta sa doktor at sumailalim sa screening para sa breast cancer kung kinakailangan.
Ano ang mga Senyales at Sintomas ng Breast Cancer?
Kailangang tandaan ng mga babae ang mga pagbabago sa kanilang suso na maaaring tumutukoy sa mga seryosong kondisyon.
Narito ang ilan sa mga sintomas ng breast cancer:
- Mga bukol na lumalaking matigas
- Pangangapal ng balat na iba sa ibang bahagi ng suso
- Pagbabago sa suso pagdating sa texture, contour, at temperatura
- Nababaliktad ang utong
- Malinaw, madugo, o may kulay na nana mula sa utong
- Mahapdi o mainit na pakiramdam
- Pangangati
- Pamamaga
- Masakit
Kung naghihinala ka sa mga bukol o sa pagbabago sa iyong suso, kumonsulta sa doktor.
Ano ang mga Test na Makatutulong Upang Matukoy ang Breast Cancer?
Matapos ang physical exam, upang mas malaman at maging tama ang diagnosis, maaaring hilingin ng doktor sa iyo na sumailalim sa ilang screening para sa breast cancer.
Kabilang dito ang:
Mammogram
Isa ito sa kadalasang unang screening para sa breast cancer na hihilingin ng iyong doktor. Gumagamit ng x-rays ang mammogram upang makuha ang larawan ng suso at matukoy ang anumang punto ang may ‘calcification.’ Kung magagamit ang mga mammogram sa pagtukoy sa breast cancer nang tama, makatutulong ito na mapababa ang mortality ng 30%. Hinihikayat ang mga babaeng higit 40 taong gulang pataas na sumailalim sa mammogram bawat 1 hanggang 2 taon.
Breast Ultrasound
Hindi tulad ng mga mammogram na gumagamit ng x-rays, gumagamit ang pamamaraang ito ng high-frequency sound waves upang makakuha ng larawan ng suso. Kapag ang sound waves ay dumaan o tumalbog pabalik mula sa breast tissue, lumilikha ito ng larawan na tumutulong upang matukoy ang anumang kahina-hinalang tumutubo rito. Maaari din itong makatulong upang malaman ang nature at laki ng tumor. Isa ito sa mas pinipiling screening para sa breast cancer na ginagamit ng mga doktor at pasyente dahil hindi ito masakit, mura, walang hiwa at ligtas para sa lahat ng edad. Ligtas ito maging sa mga buntis. Mabilis din lumabas ang resulta nito.
Breast MRI
Ang breast magnetic resonance imaging, na kilala rin bilang breast MRIs, ay gumagamit ng mas sopistikadong teknolohiya at nagbibigay ng mas detalyadong impormasyon tungkol sa breast tissue, mga sugat, at tumor. Mas mataas ang sensitivity nito kaysa sa x-rays, kaya ito ang isa sa epektibong screening para sa breast cancer.
Bukod sa pagiging mas mahal kumpara sa iba pang mga exam, madalas din itong inirerekomenda lamang sa screening ng mga babaeng may mataas na panganib ng breast cancer.
Biopsy
Upang malaman kung benign o cancerous ang bukol, maaaring humiling ang doktor ng biopsy. Ito ang pagkuha ang sample ng breast tissue na susuriin ng mga laboratory technician. Isang specialized na karayom ang gagamitin upang tanggalin ang core tissue mula sa pinaghihinalaang bahagi ng suso. Kadalasan, isang outpatient procedure ang breast biopsy.
Lubos na kapaki-pakinabang ang biopsy bilang screening para sa breast cancer dahil nagbibigay ito ng mahahalagang impormasyon sa uri ng mga cell sa breast cancer. Maaari din itong makatulong upang matukoy ang tindi ng pagiging agresibo ng cancer. Makatutulong din ang biopsy upang magbigay ng iba pang mahahalagang impormasyon na kailangan ng doktor sa pagbuo ng treatment plan para sa iyo.
Radioisotope Imaging ng Breast Cancer (FDG-PET)
Tumutulong ang pamamaraang ito upang mahanap ang tumor o kumpol ng mga tumor bago ang operasyon. Mas sensitibo ito kumpara sa x-ray. Nagbibigay ito ng mas detalyadong impormasyong nakatutulong sa paggamot at pagtatanggal ng mga tumor o bukol sa operasyon.
Bagaman gumagamit ito ng radiation, mababa lang ang dose nito, na may half-life na 6 na oras. Maikokonsidera itong ligtas para sa mga pasyente.
Key Takeaways
Mahalaga ang screening para sa breast cancer sa pagtukoy ng breast cancer. Lubos na nagagamot ang breast cancer na may mataas ding survival rate. Ayon sa pag-aaral, ang average na 5 taong survival rate ng mga babae na may invasive breast cancer ay 91%. Habang ang 10 taong survival rate ay 84%. Kung limitado lamang sa isang suso ang cancer, umaakyat ang 5 taong survival rate sa 99%.
Ano ang suso sa matagumpay na paglaban sa breast cancer? Maagang diagnosis at gamutan ang sagot. Makatutulong dito ang tamang screening para sa breast cancer.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Kababaihan dito.