Ang breast cancer ang pinakamadalas na uri ng cancer sa mga babae. Ang kagandahan, marami ng mga gamutan ang pwedeng pagpilian lalo na para sa mga na-diagnose sa early stages nito. Isa sa mga gamutang ito ang lumpectomy. Alamin pa kung ano ang lumpectomy.
Isa sa mga unang instinct sa oras na ma-diagnose ang sakit ay ang tanggalin ang buong suso (mastectomy). Ngunit sa lumpectomy, binibigyan ka nito ng pagkakataong panatilihin ang malaking bahagi ng iyong suso at ang kabuoan nitong hugis. Walang kaso ng breast cancer ang eksaktong magkapareho. Kaya’t napakahalagang kumonsulta muna sa iyong doktor.
Kung tinitimbang mo pa ang iyong treatment option, magbasa pa upang malaman kung ano ang lumpectomy.
Ano ang Lumpectomy?
Ang lumpectomy, o ang pagtatanggal ng breast mass, ay isang surgical procedure kung saan ang tumor, kasama ang nakapaligid nitong tissue ay tinatanggal. Hindi tulad sa mastectomy, sinasalba nito ang natural na itsura at hugis ng mga suso. Ito ang dahilan kung bakit tinatawag din itong partial mastectomy.
Kung maganda ang naging takbo ng surgery, isang buwan lang ang itatagal ng pagpapagaling. Gayunpaman, may mga kaso kung saan matapos ng surgery, kailangan mo pa ring sumailalim sa chemotherapy at iba pang gamutan sa cancer.
Sino ang Pwedeng Magpa-Lumpectomy?
Bagaman karaniwan na itong procedure, hindi lahat ng mga babae ay pwedeng sumailalim sa lumpectomy. Pwede ka lang maging kandidato dito kung:
- Maliit lang ang tumor, na may sukat na 5 centimeters in diameter
- May sapat pang breast tissue na matitira upang maayos na maihugis muli ang suso
- Kaya mong sumailalim sa surgery, maging sa mga follow-up radiation treatment
- Nasa early stages ka pa ng cancer
- Matatagpuan lang sa isang bahagi ng suso ang tumor
- Wala kang mga seryosong connective tissue disease o inflammatory condition
Taglay ng lumpectomy ang lahat ng uri ng panganib, kaya’t pinakamainam kung kukumpirmahin muna sa iyong doktor kung ito ang talagang pinakamabuting option para sa iyo.
Paano Ginagawa ang Lumpectomy?
Kinapapalooban ng ilang hakbang ang pagtatanggal ng breast mass. Narito ang mga dapat asahan bago, habang, at pagkatapos ng procedure:
Bago ang Surgery
Kung hindi makita o maramdaman ang tumor, magsasagawa ng x-ray sa suso upang makita kung nasaan ang cancer. Ngayon, pwede nang makapagdisenyo ng surgical procedure ang mga doktor. Minsan, mamarkahan ang suso kung saan hihiwain.
Kung mas malaki sa inaasahan ang tumor, maaaring mangailangan ng combined team approach surgery na tinatawag na oncoplastic lumpectomy. Tinatanggal nito ang higit 20% ng suso. Sa ganitong approach, magsasagawa ang surgeon ng surgery sa isa pang suso para bawasan ang laki nito at upang maging magkapareho ng laki sa susong tinanggalan ng tumor.
Habang Isinasagawa ang Surgery
Bibigyan ka ng anesthesia saka sisimulan ang proseso. Susundin ang natural na kurba ng iyong suso, hihiwain na ang balat upang matanggal ang tumor, pati ang ilang bahagi ng malusog na breast tissue. Ginagawa ito upang matiyak na walang cancer cells ang maiiwan.
Matapos matanggal ang tumor sa suso, lalagyan ng maliliit na marking clips sa bahagi kung saan isinagawa ang lumpectomy upang makatulong na malaman kung saan ipopokus ang radiation. Tatahiin na ang hiniwang balat pabalik sa dati.
Kadalasan, tumatagal lamang ng isa hanggang dalawang oras ang procedure ng lumpectomy.
Pagkatapos ng Surgery
Kung hindi na tatanggalin ang lymph nodes sa surgery, hindi na rin kailangang magpalipas ng isang gabi sa ospital. Maaari kang resetahan ng mga gamot upang matulungan ka sa kirot, at bibigyan ka ng mga gabay sa kung paano mo aalagaan ang iyong sugat.
Mayroon Bang Ibang Mga Panganib o Komplikasyon?
Gaya ng kahit na anong surgical procedure, mayroon ding mga panganib ang lumpectomy o ang pagtatanggal ng breast mass. Narito ang ilan:
- Allergic reaction sa anesthesia
- Pagdurugo
- Soreness
- Tumigas na peklat sa bahaging ginawan ng lumpectomy
- Pagbabago sa itsura at hugis ng suso
Kung napansin mong nagkaroon ng pasa o bukol, at pamumuo ng fluid sa ilalim ng balat, tawagan agad ang iyong doktor. Maaaring isa na itong impeksyon.
Aftercare Tips para sa Mas Mabilis na Paggaling
Hindi bababa sa isang buwan ang itinatagal ng pagpapagaling matapos ang lumpectomy. Upang matulungan kang gumaling, narito ang ilang tips na dapat mong sundin:
- Nakakapagod ang mga surgery, kaya’t magpahinga hangga’t maaari.
- Magsuot ng well-fitted, supportive bra upang mabawasan ang paggalaw nito.
- Uminom ng gamot sa kirot ayon sa nirekomenda ng doktor.
- Mag-sponge bath lang hanggang sa matanggal na ang tahi.
- Simulan lang ang pag-eehersisyo ng braso kapag pinayagan ka ng doktor.
Key Takeaways
Ano ang lumpectomy? Ito ang procedure ng pagtatanggal ng breast mass upang matanggal ang tumor sa suso. Ito ang pinakamainam na option kung nais ng babaeng maisalba ang mas malaking bahagi ng natural na itsura at hugis ng kanyang suso. Bagaman karaniwan na at mabilis lang ang prosesong ito, may mga babaeng kailangan pa ring sumailalim sa chemotherapy o hormonal treatments, upang matiyak na hindi babalik ang cancer. Palaging kumonsulta sa iyong doktor sa kung anong cancer treatment procedure ang pinakamabuti upang maiwasan ang mga komplikasyon.
Matuto pa tungkol sa Breast Cancer dito.