Isa sa karaniwang uri ng cancer na naririnig natin ay ang bone cancer. Mahalaga ang ating mga buto dahil ang mga ito ang responsableng magbigay ng hugis at suporta para sa katawan. Bukod pa rito, nag-aalok din ito ng proteksyon para sa ilang mga organ. Basahin ang artikulong ito upang maunawaan kung ano ang cancer sa buto at bakit ito nangyayari.
Pag-Unawa Sa Cancer Sa Buto
Kabilang ang bone cancer sa iba’t ibang uri ng cancer na nabubuo sa mga buto. Kapag tumubo ang mga cancer cells sa buto, maaari itong makapinsala sa normal tissue ng buto. Ang uri ng cell at tissue kung saan nagsisimula ang kanser ay tumutukoy sa uri ng cancer sa buto.
Tinatawag na primary bone cancer ang mga cancer na nabubuo sa mismong mga buto. Karaniwang naaapektuhang ang pelvis at ang mga mahahabang buto tulad ng mga braso at binti. Sa kabilan banda, ito naman ay tinatawag na secondary o metastatic bone cancer kung ang mga tumor ay nagsisimula sa mga organs o iba pang parte ng katawan at kalaunan kumakalat sa mga buto. Ang mga breast, prostate, at lung tumors ang karaniwang klase na lumalaganap sa mga buto.
Tulad ng ibang uri ng cancer, karaniwan itong ginagamot sa pamamagot ng mga operasyon, radiation therapy, at chemotherapy.
Iba’t Ibang Uri Ng Primary Bone Cancer
Mayroong iba’t ibang uri ng pangunahing cancer sa buto. Ang mga senyales at sintomas ay pangunahing nakasalalay sa uri, lokasyon, at lawak ng cancer.
Osteosarcoma (Osteogenic Sarcoma)
Ito ang pinakakaraniwang uri ng canser sa buto na nangyayari sa mga cells kung saan nabubuo ang bagong tissue ng buto. Kadalasan itong nangyayari sa mga kabataan sa pagitan ng edad na 10 at 30. Ngunit, humigit-kumulang 1 sa 10 osteosarcomas ang nabubuo sa mga taong mas matanda sa 60. Ito ay bihira sa mga middle-aged na tao, at mas karaniwan sa mga lalaki kaysa sa mga babae. Katulad ng nabanggit, ang mga tumor para sa naturang uri ay kadalasang nabubuo sa mga buto ng mga braso, binti, o pelvis.
Ewing Sarcoma (Ewing Tumor)
Ang sunod na karaniwang uri naman ay kinikilalang Ewing sarcoma o tumor. Maaaring mabuo ang mga tumor sa mga buto at sa mga nakapalibot na malalambot na tissue. Madalas ito nangyayari at lumalaki sa balakang, tadyang (ribs), shoulder blades, o mga binti.
Chondrosarcoma
Ito ay maaaring magsimula sa anumang lugar na mayroong cartilage. Karamihan ay nabubuo sa mga buto tulad ng hip bone, binti, o braso. Maaari rin naman itong magsimula sa trachea, larynx, chest wall, shoulder blades, ribs, o bungo. Ang uri na ito ay binibigyan ng grado mula 1 (I) hanggang 3 (III), na siyang nagsisilbing panukat kung gaano kabilis ang paglaki ng mga cancer cells. Kung mas mababa ang grado, mas mabagal ang paglaki ng cancer at mas maliit ang posibilidad na kumalat ito
Chordoma
Madalang na nangyayari ang partikular na uri ng cancer sa buto. Ngunit, ito ay karaniwang nagsisimula sa gulugod o spine. Mas talamak ang mga kalalakihan magkaroon nito kaysa sa mga kababaihan.
Mga Karaniwang Sintomas Ng Cancer Sa Buto
Ang mga sintomas ay maaaring iba iba sa kada tao at sa partikular na uri na mayroon sila, ngunit narito ang ilan sa mga kapansin-pansin na sintomas:
- Pananakit ng mga buto (kadalasan mas maigting sa gabi)
- Pagkakaroon ng bukol o lump
- Pamumula at pamamaga
- Panghihina ng mga buto na maaaring humantong sa pagkabali (fractures)
- Pagkapagod
- Pagbaba ng timbang
- Pagkakaroon ng kahirapan sa paggalaw
Makatutulong ang mga imaging tests upang matukoy at masuri ang lokasyon at laki ng tumor, at kung kumalat na ito sa ibang bahagi ng katawan. Karaniwang isinasagawa ang bone scan, computerized tomography (CT), magnetic resonance imaging (MRI), positron emission tomography, at x-ray.
Kapag nakumpira ng iyon doktor ang diagnosis sa cancer sa buto, aalamin naman ang lawak (yugto) ng cancer. Ito ang magiging gabay sa plano at kurso ng paggamot. Ang mga salik na dapat isaalang-alang ay kinabibilangan ng:
- Laki ng tumor
- Gaano kabilis ang paglaki ng cancer cells
- Bilang ng mga buto na apektado, tulad ng katabing vertebrae sa gulugod
- Kung kumalat na ang cancer sa ibang bahagi ng katawan (nag-metastasize)
Key Takeaways
Malaki ang ginagampanang papel ng buto sa ating pangkalahatang kalusugan. Siguruhing kumunsulta agad sa iyong doktor kung may nararamdaman kang mga sintomas na hindi kanais-nais. Tandaan na ang agarang pagtuklas sa cancer sa buto ang makatutulong upang malabanan ang pagkalat nito sa ibang parte ng katawan.
Alamin ang iba pa tungkol sa Bone Cancer dito.