May mga sintomas ang kanser sa buto, kahit na nagsisimula pa lamang ang sakit na ito. Kadalasang nakakaapekto ito sa pelvis o sa mahabang buto sa mga braso at binti. Bihira ang kanser sa buto at bumubuo sa mas mababa sa isang porsyento ng lahat ng mga kanser. Sa katunayan, mas karaniwan ang mga hindi cancerous na tumor sa buto kaysa sa mga nauuwi sa kanser.
Hindi kasama sa terminong “kanser sa buto” ang mga kanser na nagsisimula sa ibang bahagi ng katawan at kumakalat lang sa buto. Sa halip, ang mga kanser na iyon ay pinangalanan kung saan sila nagsimula, tulad ng kanser sa suso na nag-metastasize o kumalat sa buto.
May ilang mga uri at sintomas ng kanser sa buto na pangunahing na nakakaapekto sa mga bata. Karamihan ay nakakaapekto sa mga nasa hustong gulang na. Ang mga karaniwang paggamot ay ang sumusunod:
- Surgical removal
- Chemotherapy
- Radiation therapy
Ano ang kanser sa buto
Ang kanser sa buto ay nangyayari kapag ang hindi mga pangkaraniwang cells ay lumalaki nang walang kontrol sa iyong buto. Sinisira nito ang normal na tissue ng buto. Maaari itong magsimula sa iyong buto o kumalat doon mula sa ibang bahagi ng iyong katawan na tinatawag na metastasis.
Karamihan sa mga tumor sa buto ay benign, na nangangahulugang hindi sila kanser at hindi kumakalat sa ibang bahagi ng iyong katawan. Ngunit maaari pa rin nilang pahinain ang iyong mga buto at humantong sa mga pagkabali ng buto o iba pang mga problema.
Uri at sintomas ng kanser sa buto
Saan karaniwang nagsisimula ang kanser sa buto? Depende ito sa kung anong uri ng kanser sa buto ang tumubo. Mayroong apat na uri ng pangunahing kanser sa buto:
Osteosarcoma
Ang osteosarcoma ang pinakakaraniwang uri ng kanser sa buto. Ito ay nabubuo sa mga cells kung saan nabubuo ang bagong tissue ng buto. Maaari itong magsimula sa anumang buto, ngunit karaniwan itong nagsisimula sa mga dulo ng mahahaba o malalaking buto tulad ng mga braso at binti. Karaniwang sinusuri ang pag kakaroon ng osteosarcoma sa mga bata at tinedyer.
Ewing sarcoma
Pinangalanan ang kanser na ito para sa doktor na unang nagsalarawan ng ganitong uri at sintomas ng kanser sa buto. Ito ay kinabibilangan ng iba’t ibang mga tumor na may magkakatulad na mga katangian at pinaniniwalaang nagsisimula sa parehong mga uri ng cells. Ang mga tumor na ito ay maaaring mabuo sa mga buto at sa nakapalibot na malambot na mga tisyu. Ang ewing sarcoma ay kadalasang tumutubo sa balakang, tadyang at bahagi ng balikat, o pwede rin sa mahabang buto gaya ng mga binti.
Chondrosarcoma
Nagsisimula ang Chondrosarcoma sa cartilage. Ang cartilage ay isang malambot na connective tissue na nagbibigay-daan sa paggalaw sa pagitan ng mga buto at sa mga joints. Ang ilang cartilage ay nagiging buto kapag ang katawan ay nagdagdag ng calcium habang tumatanda. Karaniwang nabubuo ang kanser na ito sa mga buto ng braso, binti o pelvis. Hindi tulad ng osteosarcoma at Ewing sarcoma, ang chondrosarcoma ay mas laganap sa mga matatanda kaysa sa mga nakababata.
Chordoma
Ang bihirang tumor na ito ay nagsisimula sa mga buto ng gulugod – kadalasan sa base ng gulugod o base ng bungo. Tulad ng chondrosarcoma, ang chordoma ay madalas na tumutubo sa mga matatanda. Mas malaki ang tsansa na mabuo ito sa mga mga lalaki kaysa sa mga babae.
Sintomas ng kanser sa buto
Sakit
Isa sa mga sintomas ang patuloy na pananakit, pamamaga at pamumula sa ibabaw ng buto. Ang sakit na nararamdaman ay nagpapatuloy hanggang sa gabi, at lumalala sa paglipas ng panahon. Kahit na ang banayad na pananakit ng buto ay maaaring magpahiwatig ng isang emergency. Kung nakakaranas ka ng hindi maipaliwanag na pananakit ng buto na hindi bumubuti sa loob ng ilang araw, kumunsulta sa iyong doktor.
Hindi maipaliwanag na pamamaga
Ang ilang mga tumor sa buto ay nagdudulot ng bukol o pamamaga sa apektadong lugar. Ngunit maaaring maranasan lamang ito pagkatapos maramdaman na sumasakit ang parteng iyon. Ang mga kanser sa mga buto ng leeg ay maaaring maging sanhi kung minsan ng bukol sa likod ng lalamunan na maaaring humantong sa problema sa paglunok o paghinga. Ang ilang mga tao ay nakakaranas din ng pamamaga at pamumula ng balat sa ibabaw ng butong apektado. Kung ang buto ay malapit sa kasukasuan, maaaring maging mahirap na gamitin ang kasukasuan dahil sa pamamaga.
Hirap sa paggalaw
Ang hirap sa paggalaw ay maaaring sintomas ng kanser sa buto. Ang patuloy na pananakit ng buto, pati na ang pamamaga at pamumula sa ibabaw ng buto, ay maaaring magpahirap sa paggalaw lalo na kung ang apektadong buto ay malapit sa isang kasukasuan.
Pagkaramdam ng labis na pagod
Ang kanser sa buto, tulad ng maraming iba pang uri ng kanser, ay maaaring maging sanhi ng pagbaba ng timbang at palagiang pagkapagod. Maaaring makadiin sa mga ugat na lumalabas sa spinal cord ang kanser sa buto ng gulugod. Kapag ganito, ay maaaring maging sanhi ng pamamanhid at pangingilig o panghihina sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang naturang kanser, depende sa kung saan tumutubo ang tumor.
Lagnat
Bihira, pero maaaring magkaroon ng mga iba pang sintomas ng kanser sa buto, gaya ng lagnat sa mga taong may bone sarcoma. Ksama na rito ang karaniwang hindi maganda na pakiramdam, pagbaba ng timbang, at anemia, na isang mababang antas ng mga red blood cells sa dugo.
Upang masuri ang kanser sa buto, ang iyong healthcare provider ay kadalasang gagamit muna ng mga X-ray upang tingnan ang mga inisyal na larawan ng iyong mga buto. Ang magnetic resonance imaging (MRI) at CT (computed tomography) scan ay nagbibigay ng mas detalyadong mga larawan ng mga bahagi sa paligid ng mga buto at kadalasang ang resulta ng mga ito ay kailangan bago ang anumang paggamot. Magsasagawa rin ng biopsy upang kumpirmahin ang diagnosis.