backup og meta

Senyales ng Aneurysm na Dapat Mong Alalahanin

Senyales ng Aneurysm na Dapat Mong Alalahanin

Nangyayari ang aneurysm kapag ang bahagi ng isang artery ay humina, at nagsimulang lumobo. Ang aneurysm ay puwedeng mabutas o pumutok, na nagiging dahilan kung bakit banta ito sa buhay. Kaya naman mahalagang malaman ang mga senyales ng aneurysm. Kung mas maaga itong malalapatan ng treatment, mas maganda ang kalalabasan.  

Mga Maagang Senyales ng Aneurysm

Biglaang matinding pananakit ng ulo

Ang pananakit ng ulo ay isa sa mga maagang senyales ng aneurysm sa utak. Kadalasan, kapag pumutok ang aneurysm, dinadagdagan ng pagdurugo ang pressure sa loob ng utak. Ito ang nagdudulot ng matindi at malalang pananakit ng ulo.

Madalas, inilalarawan ng mga tao na ito ang pinakamatinding pananakit ng ulo na kanilang naranasan.

Pagduduwal at pagsusuka

Isa pang maagang senyales ng aneurysm sa utak ang pagduduwal at pagsusuka. Ito ay dulot din ng pressure sa loob ng utak kapag pumutok o sumabog ang aneurysm. 

Posible ring magdulot ng ganitong sintomas ang aneurysm kapag direkta itong dumidiin sa bahagi ng utak. Habang lumalaki ang aneurysm, dumidiin ito sa utak, na maaaring magdulot ng pagduduwal at pagsusuka.

Malabo o dumodobleng paningin

Ang panlalabo ng mata o dumodobleng paningin ay maaari ding isa pang maagang senyales ng aneurysm sa utak. Puwede itong mangyari kapag ang pumutok na aneurysm ay malapit sa bahagi ng utak na responsable sa paningin.

Kapag nakaranas ka ng biglaang pagkabulag, o kung biglang lumabo ang iyong paningin nang walang babala, mas mainam na magpunta na sa doktor agad.

Pagkahilo

Dahil direktang naaapektuhan ng aneurysm ang utak, ang pagkahilo ay isa sa mga karaniwang sintomas na nararanasan ng mga tao. Kapag pumutok ang aneurysm, kadalasang nakararanas ng pagkahilo kasabay ng pagduduwal at pagsusuka.

Mamasa-masa o pawisang balat

Kung makaranas ka ng alinman sa mga nabanggit na sintomas sa itaas, kasabay ng pamamasa o pagpapawis ng balat, mahalagang magpunta agad sa doktor dahil posibleng nakararanas ka na ng pumutok na aneurysm.

Pananakit ng isang mata

Isa rin itong posibleng maagang senyales ng hindi pa pumuputok na aneurysm.

Ang dahan-dahang pag-expand ng aneurysm na dumidiin sa tissues at nerves ng utak, na nagdudulot ng pananakit ng isang mata.

senyales ng aneurysm

Pamamanhid ng isang bahagi ng mukha

Isa sa seryosong senyales ng aneurysm sa utak ang pamamanhid ng isang bahagi ng mukha. Madalas, senyales ito na pumutok na ang aneurysm at nagdudulot na ng pinsala sa utak.

Kadalasan, ang pamamanhid ng kaliwang bahagi ng mukha ay nangangahulugang ang aneurysm ay nasa kaliwang bahagi ng utak. Kapag naman namamanhid ang kanang bahagi ng mukha, ang aneurysm ay nasa kanang bahagi ng utak. 

Kapag mukha ang apektado, nangyayari ang aneurysm sa parehong bahagi ng utak. Kabaliktaran ang nangyayari kapag ito ay nasa braso at binti. 

Pagkalito

Isa sa mga maagang senyales ng aneurysm sa utak ang pagkalito. Dulot din ito ng dagdag na pressure ng pumutok na aneurysm. Maari ding dahil ito sa expansion na dulot ng hindi pa pumuputok na aneurysm. 

Seizure

Isa pang seryosong senyales ng aneurysm ang seizure. Maaaring dahil ito sa pagdiin ng hindi pa pumuputok na aneurysm sa isang bahagi ng utak o pumutok na ito at ang dagdag na pressure sa loob ng utak ay nagiging sanhi ng seizure. 

Pagkawala ng malay

Isa sa mga pinakamapanganib na senyales ng aneurysm ang pagkawala ng malay. Mapanganib ito dahil ang pagkawala ng malay ay nangangahulugang walang paraan para sa isang taong humingi ng atensyong medikal o tulong. 

Ito ang dahilan kung bakit mahalagang magpunta agad sa emergency room kung nakararanas ka ng matinding pananakit ng ulo o sa tingin mo ay may mali sa iyong katawan. 

senyales ng aneurysm

Paano mo mapabababa ang panganib ng aneurysm?

Narito ang listahan ng pwede mong gawin upang mapababa ang panganib at maiwasan ang mga senyales ng aneurysm:

  • Kumain ng masustansyang pagkain. Kumain ng mas maraming gulay at prutas. Bawasan ang matataba at mamantikang pagkain gaya ng red meat, processed foods, at may mataas na sodium. Ang pagkain ng masustansya ay nagpapababa ng panganib hindi lamang ng aneurysm, kundi maging ng sakit sa puso at hypertension, na parehong risk factors ng aneurysm. 
  • Mag-ehersisyo ng tatlumpung minuto kada araw, o sandaan at limampung minutong ehersisyo kada linggo. Nakatutulong ang pag-eehersisyo sa magandang sirkulasyon ng dugo at nagpapababa ng panganib ng hypertension na isang risk factor ng aneurysm. 
  • Panatilihing kontrolado ang iyong blood pressure. Kung may history ang pamilya ninyo ng hypertension, o kung ikaw mismo ay may hypertension, mas maganda kung gumawa ka na ng mga hakbang upang makontrol ito. 
  • Kung ikaw ay obese o may sobrang timbang, pinakamainam na subukang magpapayat upang maabot ang tamang timbang. Nakapagpapataas ng panganib ng aneurysm ang obesity, maging ng sakit sa puso, hypertension, at diabetes. Kaya’t pinakamainam na subukang magbawas ng timbang upang mapababa ang panganib ng problema sa kalusugan. 
  • Para sa pangkabuoang kapakanan, itigil ang paninigarilyo. Pinatataas ng paninigarilyo ang panganib ng pagkakaroon ng cerebral aneurysm dahil ang mga kemikal ng usok ng sigarilyo ay nakapipinsala sa mga daluyan ng dugo. 

Kung nakararamdam ka ng alin mang senyales ng aneurysm o anumang kakaibang sintomas, huwag magdalawang-isip na makipag-ugnayan sa iyong doktor, o magpunta agad sa ospital. Pagdating sa aneurysm, mas maagang magagamot, mas maganda ang kalalabasan ng pasyente. 

Mahalagang palaging makinig sa sinasabi ng iyong katawan at huwag itong ipagwalang bahala. Ang pagiging malay sa mga pagbabago ng iyong katawan ang isa sa pinakamainam na paraan upang maiwasan ang anumang seryosong sakit.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Brain Aneurysm https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/brain-aneurysm/symptoms-causes/syc-20361483 Accessed 17 June 2020

What is an Aneurysm? https://www.heart.org/en/health-topics/aortic-aneurysm/what-is-an-aneurysm Accessed 17 June 2020

Symptoms: Brain Aneurysm https://www.nhs.uk/conditions/brain-aneurysm/symptoms/ Accessed 17 June 2020

Cerebral Aneurysm https://www.aans.org/en/Patients/Neurosurgical-Conditions-and-Treatments/Cerebral-Aneurysm Accessed 17 June 2020

Aneurysms https://www.healthdirect.gov.au/aneurysms Accessed January 17, 2022

Kasalukuyang Version

07/08/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Mike Kenneth Go Doratan, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Stroke Sa Kabataan: Mga Sanhi At Paano Maiiwasan

Paano Maka-recover sa Stroke: Mga Paraan at Bisa


Narebyung medikal ni

Mike Kenneth Go Doratan, MD

General Surgery · The Medical City Ortigas


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement