Ang stroke ay ang pang-apat sa mga nangungunang sanhi ng kamatayan sa mga kababaihan. Mas maraming kababaihan din ang namamatay dahil sa stroke kumpara sa mga kalalakihan. Ano ang tiyak na dahilan nito? Mayroon bang pagkakaiba sa pagitan ng mga sanhi ng stroke sa kababaihan at sanhi ng stroke sa kalalakihan? Alamin sa artikulong ito.
Bakit May Mga Pagkakaiba Sa Pagkakaroon Ng Stroke Sa Pagitan Ng Mga Kababaihan At Kalalakihan?
Sa mga kalalakihan at kababaihan, ang cardiovascular disease ay ang nangungunang sanhi ng kamatayan. Kung ito ang kaso, bakit mas maraming kababaihan ang nakararanas ng stroke kumpara sa mga kalalakihan?
Ang dahilan sa likod nito ay tumataas ang tyansa ng pagkakaroon ng stroke habang tumatanda. Gayundin, sa katunayan, ang mga kababaihan ay nabubuhay nang mas mahaba kaysa sa mga kalalakihan. Kaya naman, mas maraming kababaihan ang nagkakaroon ng stroke.
Kung titingnan ang mga numero, ang tyansa ng stroke sa mga kababaihan ay lubhang tumataas sa edad na 75 at higit pa. Ngunit nangangahulugan ba ito na ang mga sanhi ng stroke sa kababaihan ay iba sa mga sanhi ng stroke sa kalalakihan?
Mga Pangunahing Sanhi Ng Stroke Sa Kababaihan
Ang mga sanhi ng stroke sa kababaihan ay halos kapareho ng mga sanhi ng stroke sa kalalakihan. Kabilang dito ang mataas na presyon ng dugo, mataas na lebel ng cholesterol, diabetes, maging ang paninigarilyo.
Gayunpaman, may mga tiyak na salik sa mga kababaihan na nagiging dahilan ng mas mataas na tyansa ng pagkakaroon ng stroke:
Pagbubuntis
Isa sa pinakamalaking salik sa usapin ng stroke sa mga kababaihan ay ang pagbubuntis. Isa sa mga dahilan nito ay ang kondisyong tinatawag na preeclampsia.
Ang preeclampsia ay isang kondisyon kung saan ang isang buntis ay nakararanas ng pagtaas na presyon ng dugo at pagtaas na lebel ng protina sa kanilang ihi. Nangyayari ito sa ika-20 linggo ng pagbubuntis at maaaring magpatuloy pa. Maaari itong maging isang mapanganib na kondisyon kung hindi mababantayan at makokontrol nang mabuti. Ito ay dahil maaari itong maging sanhi ng stroke, gayundin ng mga komplikasyon habang nanganganak.
Pagkatapos manganak, ang mga kababaihan ay mayroon ding mataas na tyansa ng pagkakaroon ng stroke. Ito’y lalo na sa mga kababaihang may hypertension bago ang pagbubuntis.
Menopause At Post-Menopause
Habang tumatanda ang mga tao, tumataas ang tyansa ng pagkaroon ng stroke. Ngunit sa mga kababaihan, ang menopause ay maaaring lubhang makapagpataas ng tyansa ng pagkakaroon nito.
Ito ay dahil ang estrogen, hormone na pinoprodyus ng mga obaryo, ay nagsisilbing proteksyon laban sa cardiovascular disease. Kapag ang mga kababaihan ay sumailalim sa menopause, ang kanilang mga lebel ng estrogen ay bumababa hanggang ang mga obaryo ay ganap na huminto sa pagprodyus ng estrogen.
Samakatuwid, ito ay maaaring makapagpataas ng tyansang cardiovascular disease sa mga kababaihan, maging ng stroke.
Paggamit Ng Birth Control
Isa sa mga posibleng sanhi ng stroke sa kababaihan ay ang paggamit ng birth control.
Bagama’t ang mga birth control pills ay karaniwang ligtas, ang mga kababaihang may hypertension ay may mataas na tyansa na magkaroon ng stroke kung sila ay gumagamit ng birth control. Ito ay dahil ang birth control pills na naglalaman ng estrogen ay maaaring makapagpataas ng presyon ng dugo.
Kung ang isang babae ay mayroong hypertension bago pa man gumamit ng birth control, maaari nitong lubhang mapataas ang tyansa ng pagkakaroon ng stroke at iba pang mga sakit na nauugnay sa hypertension.
Atrial Fibrillation
Ang atrial fibrillation ay isang kondisyon kung saan ang itaas na bahagi ng puso ay may mas mabilis o hindi regular na pagtibok. Ang kondisyong ito ay mas karaniwan sa mga kababaihan at maaaring makapagpataas ng tyansa ng stroke.
Migraines Na May Aura
Ang mga taong nakararanas ng migraines na may aura (o sensory changes) ay natuklasang may mas mataas na tyansa na magkaroon ng stroke. Ito ay isang uri ng migraine na maaaring maging kapnsinpasin dahil sa maliwanag na ilaw, pagsakit ng ulo, o mga pagbabago sa paningin. Kung ikukumpara sa mga kalalakihan, ang mga kababaihan ay may mas mataas na tyansang magkaroon ng migraines na may aura.
Key Takeaways
Bagama’t ang mga kababaihan ay may mas mataas na tyansa na magkaroon ng stroke, hindi ito nangangahulugang ang mga kababaihan ay dapat mag-alala. Hangga’t pinapanatili nila ang isang malusog na paraan ng pamumuhay, tulad ng pagkain ng mga masusustansyang pagkain at pananatiling aktibo, maaari nilang maiwasan ang tyansa ng pagkakaroon ng stroke habang tumatanda. Ang parehong payo ay para din sa mga kalalakihang gustong bumaba ang tyansa ng pagkakaroon ng stroke.
Matuto pa tungkol sa Stroke dito.