Gamot Sa Aneurysm: Mga Iba’t Ibang Uri Ng Aneurysm
Nangyayari ang aneurysm kapag ang artery ay humihina sa puntong nagsisimula itong “mag-balloon out” o ma-unat. Ang mga aneurysm ay lalong mapanganib kapag nangyari ito malapit sa utak, o isang mahalagang organ. Ito ay dahil maaari itong masira at magdulot ng panloob na pagdurugo. Mahalaga ang gamot sa aneursym pagdating sa pag-iwas sa ruptured aneurysm.
Ang mga aneurysm ay maaaring mangyari kahit saan sa katawan, ngunit ang mas karaniwang mga lokasyon ay ang mga sumusunod:
- Sa isang pangunahing artery sa puso, na tinatawag na aortic aneurysm
- Isang cerebral aneurysm o aneurysm na nangyayari sa utak
- Popliteal artery aneurysm o aneurysm na nangyayari sa artery sa likod ng tuhod
- Mesenteric artery aneurysm na nangyayari sa artery sa bituka
- Splenic artery aneurysm o aneurysm na nangyayari sa artery sa spleen
Gaano Kadalas Mangyari Ang Mga Aneurysm?
Hindi madaling malaman kung gaano karaming mga tao sa buong mundo ang may ilang anyo ng kondisyong ito, dahil hindi sila natutuklasan. Ngunit, humigit-kumulang 3.2% ng pandaigdigang populasyon ang may cerebral aneurysm.
Ang karaniwang edad ng mga taong may cerebral aneurysm ay nasa 50, na halos kalahati ay lalaki at kalahati ay babae.
Ngunit para sa mga taong higit sa edad na 50, ang cerebral aneurysm ay mas laganap sa mga kababaihan. Maaaring nauugnay ito sa mas mababang antas ng estrogen habang tumatanda ang mga babae. Dahil dito, napabababa ang collagen sa mga daluyan ng dugo.
Sa kabila ng pagiging mas karaniwan sa mga mas matatandang henerasyon, posible pa rin para sa mga kabataan na magkaroon ng aneurysm.
At ang pag-alam sa mga sintomas at pagkuha ng tamang gamot sa aneurysm ay maaaring makatulong na mapababa ang mga panganib na nauugnay dito.
Mga Senyales At Sintomas
Sa pangkalahatan, ang mga aneurysm ay hindi nagdudulot ng anumang panlabas na sintomas hanggang sa pumutok ang mga ito.
Isa ito sa mga dahilan kung bakit mahirap itong matukoy nang maaga. Ang naturang kondisyon ay kadalasang nadidiskubre pagkatapos nitong pumutok. At sa puntong iyon, maaari nitong ilagay sa panganib ang buhay ng tao.
Ang mga karaniwang sintomas ng ruptured cerebral aneurysm ay ang mga sumusunod:
Para sa abdominal aneurysm, narito ang mga karaniwang sintomas:
- Pananakit ng tiyan, likod, o tagiliran
- Pakiramdam na busog pagkatapos kumain ng kaunting pagkain
- Pakiramdam na may kung anong pumipintig sa tiyan
- Pagduduwal at pagsusuka
Para sa mga ruptured aortic aneurysm, ang pinakakaraniwang sintomas ay isang matalim na tumutusok na sakit sa dibdib at pagkawala ng malay.
Kailan Dapat Pumunta Sa Doktor?
Ang isang aneurysm na hindi pumutok ay halos imposibleng matukoy nang hindi sumasailalim sa mga pagsusuri tulad ng MRI.
Kaya magiging mahirap malaman kung kailan kailangang pumunta sa doktor dahil ang mga unruptured aneurysm ay wala ring anumang sintomas.
Mas madalas kaysa sa hindi, ang mga unruptured aneurysm ay natutuklasan nang hindi sinasadya habang nasa ilalim ng CT scan o MRI scan.
Kung ma-diagnose ng doktor na may ganito kang kondisyon, maaari kang makipagtulungan sa kanya upang mabawasan ang panganib ng pagputok nito.
Gayunpaman, nararapat na tandaan na ang mga ruptured aneurysm ay nagpapakita ng mga sintomas. Kung kaya, mahalaga na humingi agad ng medikal na atensyon kung sa palagay mo ay pumutok ang aneurysm. Kailangang magkaroon ng agarang gamot sa aneurysm para sa pinakamahusay na pagkakataon na mabuhay.
Mga Sanhi At Risk Factors
Ang mga sanhi ng aneurysm ay maaaring mag-iba sa bawat tao. Sa ilang mga kaso, ang aneurysm ay maaaring namamana, habang para sa iba, ito ay maaaring resulta ng trauma o pinsala.
Sinusubukan pa rin ng mga eksperto at siyentipiko na alamin kung ano ang eksaktong sanhi ng aneurysm, ngunit ang ilang mga risk factors ay natutukoy sa paglipas ng mga taon — na lahat ay maaaring magpapataas ng panganib ng isang tao na magkaroon ng aneurysm.
Ano Ang Nagpapataas Ng Aking Panganib Para Sa Aneurysm?
Mayroong maraming mga salik ng panganib para sa aneurysm. Narito ang ilan sa mga kadahilanan ng panganib na iyon:
- Napag-alaman na ang paninigarilyo ay nagpapataas ng panganib ng isang tao na magkaroon ng aneurysm. Hindi pa rin alam kung bakit ito ang kaso, ngunit natuklasan ng mga pag-aaral na ang karamihan sa mga taong may brain aneurysm ay naninigarilyo, o naninigarilyo noon.
- Ang pagkakaroon ng mataas na presyon ng dugo o hypertension ay maaaring magpataas ng panganib na magkaroon ng aneurysm. Sa paglipas ng panahon, ang mataas na presyon ng dugo ay maaaring magpahina sa mga daluyan ng dugo, na ginagawa itong mas madaling kapitan ng aneurysm.
- Ang aneurysm ay maaari ring mamana. Nangangahulugan ito na kung mayroon kang isang magulang, kapatid na lalaki o babae na may brain aneurysm, mayroon ka ring mas mataas na panganib na magkaroon nito.
- Ang edad ay gumaganap ding papel sa pagkakaroon ng aneurysm. Ito ay dahil ang mga taong higit 40 ay may mas mataas na pagkakataon na magkaroon kumpara sa mas bata.
Pagsuri At Paggamot
Sa mga tuntunin ng diagnosis, narito ang ilan sa mga paraan kung paano matukoy ang aneurysm:
- Ang CAT scan o CT scan ay maaaring gawin upang suriin kung may aneurysm. Gayunpaman, kadalasang itong ginagawa para sa mga aneurysm na pumutok na.
- Maaaring gawin ang magnetic resonance imaging o MRI scan upang mahanap ang mga hindi pa pumuputok na aneurysm. Tinutulungan nito ang mga doktor na matukoy ang anumang posibleng panganib, gayundin kung ang mga aneurysm ay maaaring gamutin bago ito pumutok.
- Ang isang pamamaraan ay tinatawag na lumbar puncture. Ito ay maaari ring gawin ng mga doktor upang suriin kung may aneurysm. Sa pamamaraang ito, ang isang karayom ay ipinasok sa spine, upang makakuha ng spinal fluid sample. Ang mga doktor ay magsasagawa ng mga pagsusuri upang matukoy kung may mga posibleng senyales ng pagdurugo.
Kung may nakitang aneurysm ang mga doktor, sasabihin nila sa iyo kung anong gamot sa aneurysm ang pinakamainam. Makatutulong ito upang maiwasan ang mga komplikasyon sa hinaharap.
Paano Ginagamot Ang Aneurysm?
Mayroon iba’t ibang mga gamot sa aneurysm na nakadepende kung ang aneurysm ay pumutok o hindi.
Kung ang aneurysm ay hindi pa pumuputok, maaari itong gamutin sa pamamagitan ng mga sumusunod na paraan:
- Ang neurosurgical clipping ay isang anyo ng gamot sa aneurysm kung saan ang operasyon ay ginagawa upang isara ang aneurysm sa utak at maiwasan itong masira. Karaniwan itong ginagawa kasama ng prosesong tinatawag na bypass. Ang isang daluyan ng dugo ay kinukuha mula sa ibang parte ng katawan. At pagkatapos ay ginagamit ito upang ilihis ang daloy ng dugo sa paligid ng aneurysm.
- Ang isa pang proseso ay tinatawag na endovascular coiling. Sa pamamaraang ito, ang isang maliit na tubo ay ipinapasok sa artery na papunta sa aneurysm. Pagkatapos, pinalamanan sa loob ng maliliit na coils na gawa sa platinum ang aneurysm. Ang mga coil na ito ay humaharang sa anumang daloy ng dugo sa aneurysm, na pumipigil sa pagkawasak nito.
Patungkol naman sa gamot sa aneurysm, hindi gaanong invasive ang coiling kumpara sa clipping. Ang coiling ay mayroon ding mas mababang posibilidad ng mga komplikasyon.
Subalit, maaaring kailanganin ang pag-coiling nang higit sa isang beses upang matiyak na hindi mapuputol ang aneurysm.
Kung ang isang aneurysm ay pumutok na, ang gamot sa aneurysm ay maiiba na.
Ang gamot na tinatawag na nimodipine ay ibibigay ng mga doktor upang matiyak na may sapat na dugo papunta sa utak. Pagkatapos, ang operasyon ay gagawin upang i-clip o ilagay ang mga coils upang maayos ang ruptured aneurysm.
Ang pamamaraan ay depende kung ano ang pinakamainam para sa pasyente ayon sa surgeon na magsasagawa nito.
Lifestyle Changes At Home Remedies
Tulad ng iba pang mga kondisyon na maaaring magbanta sa buhay, ang maagang pagtuklas at interbensyon ay susi para rito.
Narito ang ilang lifestyle changes at mga home remedies na maaaring makatulong sa iyo na pamahalaan ang aneurysm at maiwasan itong masira:
- Ang paninigarilyo ay nagdudulot ng malaking panganib pagdating sa aneurysm. Kaya kung ikaw ay naninigarilyo, nararapat nang ihinto na ito sa lalong madaling panahon. Ito ay upang mabawasan ang panganib ng hindi lamang aneurysm, kundi pati na rin ang lung cancer at cardiovascular disease.
- Ang isa sa mga pinakamalaking salik ng panganib para sa aneurysm ay ang mataas na presyon ng dugo. Kung kaya, ang pagsagawa ng mga hakbang upang pamahalaan ang iyong presyon ng dugo at pagpapanatili nito sa ilalim ng kontrol ay maaaring makatulong na mapababa ang panganib ng pagputok.
- Ang masusustansyang pagkain ay nakatutulong din na mapababa ang panganib ng aneurysm. Kumain ng mas maraming prutas at gulay, at bawasan ang mga pagkaing matataba at mataas sa sodium.
- Ang regular na ehersisyo ay nakatutulong na mapanatiling maayos ang puso at mga daluyan ng dugo. Hindi lamang nito binabawasan ang panganib ng aneurysm, kundi pati na rin ang panganib ng hypertension, obesity, at sakit sa puso.
- Para sa mga taong overweight o obese, ang pagpapapayat ay maaaring magpababa ng panganib ng aneurysm. Kung mas malapit ka sa iyong angkop na timbang, mas malaki ang iyong pagkakataon na hindi magkaroon ng aneurysm.