Isang seryosong kondisyon ang brain hemorrhage na maaaring mauwi sa malulubhang problema sa kalusugan kung hindi agad magagamot. Ito ang dahilan kung bakit mahalagang maunawaan ang mga sintomas ng brain hemorrhage. Sa ganitong paraan, makakahingi ka agad ng medikal na atensyon.
Brain Hemorrhage
Puwedeng lumitaw ang mga sintomas ng brain hemorrhage sa magkakaibang paraan. Kadalasang nakadepende ang mga sintomas nito sa kung anong bahagi ng utak ang apektado, at kung gaano katindi ang hemorrhage.
Puwedeng mangyari ang brain hemorrhage sa loob ng bungo ngunit nasa labas ng utak, o nasa loob mismo ng brain tissue.
Hemorrhage sa loob ng bungo ngunit nasa labas ng utak
Nangyayari ang hemorrhage sa loob ng bungo ngunit nasa labas ng utak sa mga meninges, o sa mga membrane sa pagitan ng utak at bungo. Binubuo ito ng tatlong layer, ito ang:
- Dura
- Arachnoid
- Pia mater
Hemorrhage sa mismong brain tissue
Kapag nangyari ang pagdurugo sa mismong brain tissue o sa mga ventricles nito, tinatawag itong intracerebral o intraventricular hemorrhage. Maaaring maging mas mapanganib ito, dahil hindi nakatatanggap ng sapat na oxygen ang ang bahagi ng utak, kaya’t nagsisimulang mamatay ang mga brain cell.
3-4 na minutong walang oxygen lamang ang kailangan para magkaroon ng permanenteng pinsala sa utak. Kaya’t mahalagang humingi ng medikal na atensyon kung nakararamdam ka ng alinmang posibleng sintomas ng brain hemorrhage.
Mga Sintomas ng Brain Hemorrhage
Matinding sakit ng ulo
Isa sa mga pinakakaraniwang sintomas ng brain hemorrhage ay ang matinding sakit ng ulo. Kadalasan itong nangyayari dahil dinadagdagan ng dugong sanhi ng hemorrhage ang pressure sa loob ng utak ng isang tao.
Sa pagtaas ng pressure, tinutulak nito ang dura, o ang balot ng utak. At dahil may brain receptors ang dura, nagdudulot ng pananakit ng ulo ang patuloy na pressure dito.
Karamihan sa mga nakararanas ng brain hemorrhage ay nagsasabing ito na ang pinakamatinding pananakit ng ulong kanilang naranasan. Puwede rin itong maramdaman at mawala, at tumatagal ng ilang buwan, o ilang taon.
Pagduduwal, pagsusuka
Isa pang posibleng sintomas ng brain hemorrhage ang pagduduwal at pagsusuka. Minsan itong sinasabayan ng paninigas ng leeg.
Karaniwan, kapag nakaranas ka ng matinding pananakit ng ulo kasabay ng pagduduwal at pagsusuka, agad na humingi ng medikal na atensyon. Ito ang mga karaniwang warning sign ng pagdurugo ng utak, at hindi dapat ipagwalang bahala.
Paninigas ng Leeg (Stiff neck)
Ang paninigas ng leeg ay isa pang karaniwang sintomas ng brain hemorrhage. Sinasabayan ito ng matinding pananakit ng ulo, at nangyayari dahil sa dugong nagdudulot ng iritasyon sa meninges.
Minsan ding sinasabayan ito ng sensitivity sa liwanag, ngunit hindi ito palaging nangyayari.
Kawalan ng balanse
Kapag naapektuhan ng hemorrhage ang cerebellum ng isang tao, maaari siyang mawalan ng balanse. Ang cerebellum ay bahagi ng ating utak na kumokontrol sa ating motor movements at abilidad na magbalanse. Lumilitaw ito madalas kapag nahihirapang maglakad, o biglang natutumba.
Ang hemorrhage ang dahilan kung bakit hindi nakakakuha ng sapat na dugo ang cerebellum. Ang kakulangang ito ang nagiging dahilan upang hindi makapagtrabaho nang maayos ang cerebellum, kaya’t nawawalan ng balanse ang isang tao.
Hindi makapagsalita
Isa pang sintomas ng brain hemorrhage ang kalawan ng kakayahang magsalita. Nangyayari ito kapag ang bahagi ng utak na responsable sa pakikipag-usap ay naapektuhan ng hemorrhage.
Ang mga pasyenteng may aphasia ay hindi kayang magsalita, o magsulat minsan, at nahihirapang unawain ang ibang tao.
Sa ilang mga kaso, permanente ang aphasia, kahit gumaling na ang pasyente sa hemorrhage. Bagaman kadalasan itong nawawala sa paglipas ng panahon.
Nawawalan ng malay
Panghuli, may mga taong nawawalan ng malay dahil sa brain hemorrhage. Nangyayari ito kapag ang daloy ng dugo sa utak ay lubhang nabawasan.
Maaari itong maging napakadelikadong sintomas ng brain hemorrhage, dahil hindi lamang maaaring makaranas ang tao ng aksidente o pinsala, ngunit ang kakulangan ng dugo sa utak ay maaaring magresulta sa permanenteng pinsala.
Key Takeaways
Kahit hindi ka sigurado sa mga sintomas na iyong nararanasan, pinakamainam pa ring magpatingin agad. Sa ganitong paraan, mauunahan mo ang anumang problema sa kalusugan bago ito lumala.
Matuto pa tungkol sa Stroke at Aneurysm dito.