Ang Parkinson’s Disease (PD) ay isang neurodegenerative disorder kung saan ang pasyente ay nagkakaroon ng mga progresibong problema sa pagkilos (motor). Sa mga unang yugto nito, ang isang taong may ganitong kondisyon ay maaaring makaranas ng panginginig, paninigas ng muscle, kabagalan sa pagkilos, at kahirapan sa pagbabalanse. Subalit ang komplikasyon ng Parkinsons sa huling yugto ay mas nakapanghihina. May mga paraan ba upang mapabagal o maiwasan ang mga komplikasyong ito? Alamin sa artikulong ito.
Mga Yugto Ng Parkinson’s Disease
Bago malaman ang iba’t ibang komplikasyon ng Parkinsons sa huling yugto nito, alamin muna ang paglubha nito.
Ang mga doktor ay gumagamit ng iba’t ibang scales upang masuri ang kalubhaan ng PD. Halimbawa, maaari nilang gamitin ang Hoehn and Yahr scale na sumusukat sa paglubha ng mga sintomas sa pagkilos sa kabuoan ng sakit.
Maaari ding gamitin ang mas komprehensibong tool na tinatawag na Unified Parkinson’s Disease Rating Scale (UPDRS).
Ang UPDRS ay mas inklusibo dahil sinusukat nito hindi lamang ang paglubha ng mga sintomas sa pagkilos, ngunit maging ng mga aspetong hindi kaugnay ng pagkilos. Kabilang dito ang mood, kognitibong paggana, at pakikisalamuha.
Upang malaman kung ano ang nangyayari habang lumulubha ang sakit na ito, narito ang maikling paglalarawan ng Hoehn and Yahr stages:
Stage 1
Sa unang yugto, ang pasyente ay nakararanas lamang ng mga sintomas na hindi gaanong malubha, tulad ng panginginig sa isang dako ng katawan. Ang mga sintomas ay kadalasang hindi nakaaapekto sa kakayahan ng pasyenteng magsagawa ng mga araw-araw na gawain o ADLs (activities of daily living).
Stage 2
Ang ikalawang yugto ay kung ang mga sintomas ay lumubha at ang pasyente ay mas makaranas ng paghihirap. Gayunpaman, maaari pa rin siyang makapamuhay nang mag-isa, subalit mangangailangan siya ng mas mahabang oras upang magawa ang mga simpleng gawain.
Stage 3
Itinuturing itong gitnang yugto. Ang pasyente ay maaari pa ring makapamuhay nang mag-isa. Gayunpaman, ang mga sintomas ay lubha nang nakaaapekto sa kaniyang kakayahang gawin ang mga simpleng gawain tulad ng pagbibihis o pagkain.
Stage 4
Sa yugtong ito, ang pasyente ay nangangailangan na ng tulong sa ilang mga gawain. Kaya naman, hindi na niya kayang mamuhay nang mag-isa. Sinasabi ng maraming mga eksperyto na ang mga komplikasyon ng Parkinsons sa huling yugto nito ay nagsisimula dito.
Stage 5
Ito ang pinakahuling yugto kung saan ang pasyente ay nagkakaroon ng mga nakapanghihinang sintomas. Karamihan sa mga pasyente ay nananatili na lamang sa wheelchair o sa kama. Kaya nangangailangan sila ng palagiang pag-aalaga.
Mahalagang paalala: Iba-iba ang nararanasan ng mga pasyenteng may PD. Ang paglubha ng sakit ng ibang pasyente ay nakabatay sa tipikal na paglubha na mula stage 1 hanggang 5. Habang ang iba naman ay lumalaktaw ng mga yugto. Iba-iba rin kung gaano kabagal o kabilis ang pagkakaroon ng mga komplikasyon.
Komplikasyon Ng Parkinsons
Ngayon, alamin naman ang mga komplikasyon ng Parkinsons sa huling yugto nito at ang iba’t ibang paraan upang makontrol ang mga ito.
1. Injuries Mula Sa Pagkahulog
Isa sa mga pinakakaraniwang komplikasyon ng Parkinson’s disease sa huling yugto nito ay ang motor-disabilities na maaaring maging sanhi ng pagkahulog.
Ayon sa pananaliksik, kahit na ang mga pasyenteng may stage 4 PD na nakatatayo pa rin nang mag-isa, ang kanila pa ring kakayahan ay lubhang limitado.
Ito ay dahil sa iba’t ibang motor-disabilities tulad ng bradykinesia (kabagalan sa pagkilos) at mga problema sa mga kasayanang fine motor.
Ang motor disabilities na ito kasama ng iba pang mga kondisyon tulad ng orthostatic hypotension at kawalan ng balanse ay maaaring humantong sa pagkahulog.
Natuklasan sa mga pag-aaral na ang incidence rate ng pagkahulog sa huling yugto ng Parkinson’s ay maaaring umabot sa 70%. Ang mas nakababahala ay ang katotohanang ang pagkahulog ay maaaring magresulta sa mas mabagal na pagkilos dahil sa:
- Posibleng injuries na maidulot nito tulad ng pagkabali ng buto.
- Pag-aalangan ng pasyente na kumilos. Ang pag-aalangan o takot ay karaniwan sa mga pasyenteng may Parkinson’s Disease na nakaranas nang mahulog noon. Maaari ding silang makaranas ng panandaliang kahirapan sa paghakbang ng mga paa, kung saan nahihirapan silang magsimulang maglakad. Maaari nila itong maranasan matapos tumayo mula sa pagkakaupo o sa pagkontrol sa pagbabago sa sahig na tatapakan. At maaari itong mangyari kung sinubukan ng isang tao na gawin ang isang bagay tulad ng simpleng pagdaan sa pintuan.
Pagkontrol
Dahil sa mataas na posibilidad ng pagkahulog, naniniwala ang mga siyentista na sa pagkontrol ng malubhang Parkinson’s disease, dapat magkaroon ng pagsusuri sa tyansa ng pagkahulog.
2. Malubhang Dysphagia o Kahirapan Sa Paglunok
Ang malubhang kahirapan sa paglunok ay isa sa mga komplikasyon ng Parkinsons sa huling yugto nito. Nangyayari ito dahil napahihina ng PD ang muscles na tumutulong sa pasyente na ngumuya at lumunok.
Pagkontrol
Maraming paraan upang makontrol ang malubhang dysphagia.
Una na rito, ang mga doktor at speech therapists ay maaaring magturo sa pasyente ng iba’t ibang “swallowing maneuvers” tulad ng Mendelsohn, supraglottic, at effortful maneuvers. Dagdag pa, ang thickeners ay maaaring idagdag sa pagkain upang mapadali ang paglunok.
3. Dyskinesia o Hindi Boluntaryong Pagkilos
Ang dyskinesia ay isa pa sa mga komplikasyon ng Parkinsons. Maaari itong mangyari sa pasyenteng matagal nang may Parkinson’s disease sa kabila ng pag-inom ng gamot. Gayunpaman, maaari itong lumubha sa pamamagitan ng mataas na dosage o matagal na paggamit ng levodopa.
Ang levodopa ay isang gamot na nagiging neurotransmitter dopamine kapag nakarating na ito sa utak. Inirereseta ito ng mga doktor dahil ang mga pasyenteng may PD ay kadalasang may mababang lebel ng dopamina, isang mahalagang kemikal na nagpapadala ng mensahe sa cells ng utak.
Gayunpaman, ang pag-inom ng gamot na ito ay maaaring magresulta sa pabago-bagong lebel ng dopamina. Kung mawala na ang bisa ng gamot, bumababa ang lebel ng dopamine. Kung muling iinom ng levodopa, muling tataas ang lebel ng dopamine.
Ang patuloy na pabago-bagong lebel ng dopamina ay nagreresulta sa dyskinesia o hindi boluntaryong pagkilos. Kapansin-pansin ang komplikasyon bilang pagkislot, maliit na paggalaw ng mga kamay o paa, o pag-iling ng ulo.
Pagkontrol
Ang pagkontrol sa dyskinesia sa malubhang Parkinson’s disease ay nangangailangan ng pag-iingat at individualized anti-PD therapy.
Maaaring babaan ng doktor ang dosage ng L-dopa o pag-inom ng extended-release formula medication.
4. Mga Komplikasyon Sa Pagdumi At Pag-ihi
Ang mga problema sa pagdumi, tulad ng pagtitibi ay kapansin-pansin maging sa unang yugto ng Parkinson’s.
Gayunpaman, nagiging mas malubha ito sa malubhang yugto ng PD dahil sa mga pinagsama-samang epekto ng dehydration, kaunting pagkilos, hindi pagkilos, at anti-PD drugs.
Sa usapin ng komplikasyon sa pag-ihi, ang pasyenteng may Parkinson’s ay maaaring makanas ng madalas na pag-ihi o pagmamadaling umihi maging ng kawalan ng kontrol sa pag-ihi.
Ang lahat ng ito ay maaaring humantong sa pakiramdam ng stress, pagkabalisa, at pag-iisa.
Pagkontrol
Para sa mga problema sa pagdumi at pag-ihi, madalas na nagrereseta ang mga doktor ng mga gamot. Gayunpaman, ang pagtitibi ay maaaring mas makontrol sa pamamagitan ng pag-inom ng mas maraming fluid at dietary fiber supplements na maaaring makatulong sa intestinal motility.
5. Orthostatic Hypotension
Ang orthostatic hypotension o postural hypotension ay isa sa mga komplikasyon ng Parkinsons. Sa kondisyong ito, ang pasyente ay nagkakaroon ng mababang presyon ng dugo sa loob ng ilang minuto ng pagkakatayo matapos umupo o humiga.
Pagkontrol
Maaaring makontrol ng mga pasyente ang postural hypotension sa pamamagitan ng pag-iwas sa mabilis na pagbabago ng posisyon. Kailangang bantayan nang mabuti ang pag-inom ng fluid o salt. Kung ang pasyente ay umiinom ng mga gamot na anti-hypertensive, maaaring isaalang-alang ng doktor ang paghinto sa pag-inom ng mga ito.
6. Pagkabalisa At Depresyon
At huli, ang mga pasyenteng may malubhang Parkinson’s Disease ay maaari ding makaranas ng pagkabalisa at depresyon. Hindi lamang ito dahil sa kadahilanang ang pamumuhay nang may malubhang kondisyon tulad ng Parkinson’s ay maaaring maging stressful at nakalulungkot.
Ang mga pagbabago sa nabanggit kanina na neurotransmitter dopamine dulot ng paglubha ng sakit ay maaari ding makapagpalubha sa depresyon at pagkabalisa.
Pagkontrol
Ang pagkontrol sa depresyon at pagkabalisa ay maaaring nakadepende sa sanhi ng mga ito. Kung nalulungkot ang pasyente dahil sa kanyang pinagdaraan dulot ng kanyang kondisyon, maaaring makatulong ang pakikipag-usap sa therapist.
Gayunpaman, kung ang mga pagbabago sa mga kemikal ng utak ay ang sanhi ng mental distress, maaaring magreseta ang doktor ng gamot.
Key Takeaways
Sa kasalukuyan, ang Parkinson’s disease ay hindi pa isang kondisyong maaaring maiwasan. Subalit maraming bagay ang maaaring gawin upang makontrol ang mga posible nitong komplikasyon. Dahil dito, ang komunikasyon sa pagitan ng pasyente at doktor ay dapat manatili.
Matuto pa tungkol sa Parkinson’s Disease dito.