Nakilala ang Oscar-winning actor na si Brad Pitt dahil sa kanyang hindi matatawarang paganap sa iba’t ibang mga pelikula. Dahil dito, marami ang nahuhumaling sa kanyang galing at maskulinong tindig. Ngunit alam mo ba na ang aktor ay may pinagdadaanang kondisyon ngayon na tinatawag na face blindness? Ating alamin sa artikulong ito ang detalye tungkol sa kung ano ang face blindness.
Si Brad Pitt At Kanyang Pinaghihinalaang Kondisyon
Sa kanyang eksklusibong panayam para sa August 2022 na cover ng GQ, isang kilalang magazine brand, naging prangka siya at ibinahagi ang kanyang hinala na mayroon siya ng kondisyon na tinatawag na face blindness o prosopagnosia. Aniya, ito raw ang dahilan kung bakit nahihirapan siya kumilala ng mukha ng mga tao.
Bagama’t hindi siya opisyal na nasuri para sa nasabing kondisyon, nahihirapan daw siya sa mga social setting tulad ng mga party. Higit pa, nahihirapan siyang matandaan ang mga bagong kilalang mga tao at matandaan ang kanilang mga mukha. Dahil dito, nagkaroon siya ng takot na baka isipin na siya ay tila malayo sa mga tao. Ilan sa mga salitang winika niya upang ilarawan ito ay “remote,” “aloof,” “inaccessible,” o “self-absorbed.”
Gayunpaman, walang naniniwala sa kanya. Ito ay marahil siya ay aktor at kilalang nakikipag-ugnayan sa ilang mga tao. Dahil dito, ipinahayag niya ang kanyang nais na makakilala ng taong tulad niyang nakararanas ng naturang kondisyon.
Unang ibinahagi ng aktor ang kanyang hinalang ito sa panayam kasama ang Esquire noong 2013, ilang taon na ang nakalipas. Noong panahong iyon, ikinuwento ni Pitt kung paanong ang nawalang kakayanag mangilala ng mga mukha ay naging kawalang-galang o nakakasakit sa ilang mga tao.
Ang kanyang pinaghihinalaang kondisyon ang dahilan kung bakit mas niyang manatili sa bahay. Ngunit, nabanggit din naman niya ang kanyang balak na magpatingin sa isang eksperto tungkol dito.
Dahil sa pagsisiwalat ng aktor ng kanyang karamdaman, napatanong ang karamihan kung ano ang face blindness.
Ano Ang Face Blindness?
Ayon sa National Institute of Neurological Disorders and Stroke, ang face blindness ay tumutukoy sa isang neurological disorder na nagdudulot ng kawalan ng kakayahan mangilala ng mukha ng mga tao. Sa medikal na termino, ito ay kilala rin bilang prosopagnosia o facial agnosia.
Karamihan sa mga taong mayroon nito ay hindi nakakakilala ng mga miyembro ng pamilya, kaibigan, maging ang kanilang mga kasintahan. Ang kanilang pagkakakilanlan sa iba’t ibang mga mukha ng mga taong nakakasalamuha nila ay nakadepende sa antas ng kapansanan.
Mayroong dalawang uri ng face blindness:
- Developmental Prosopagnosia. Ito ay tumutukoy sa uri kung saan hindi ito nauugnay sa brain damage. Ito ay maaaring may genetic component, dahilan kung bakit maaaring nagkakaroon ang ilang mga miyembro ng pamilya.
- Acquired Prosopagnosia. Sa kabilang banda, ang acquired prosopagnosia naman ay tumutukoy sa partikular na kondisyon matapos ang brain damage. Kadalasan ito ay nasusundan ng stroke o head injury.
Kapag may nagtanong kung ano ang face blindness, mainam na malaman na hindi ito nauugnay sa mga problema sa memorya, pagkawala ng paningin, o mga kapansanan sa pag-aaral. Ngunit, maaari itong maugnay sa ilang developmental disorders tulad ng autism spectrum disorder, Turner syndrome, at Williams syndrome.
Ano Ang Face Blindness At Ang Epekto Nito Sa Tao?
Ang pagkakaroon ng naturang kondisyon ay nakakabahala para sa isang tao. Maaring mahirapan siya makipag-ugnayan sa mga taong kanyang nasasalamuha. Dahil dito, maaari niyang iwasan ang pakikipag-ugnayan sa iba at magkaroon ng social anxiety disorder. Ito ay tumutukoy sa kondisyon kung saan nakararamdam ang tao ng labis na takot sa mga sitwasyong panlipunan.
Bukod pa rito, maaaring mahirapan din siyang bumuo ng mga relasyon o makaranas ng mga problema sa kanyang trabaho. Karaniwan din ang pagkakaroon ng depression sa mga taong mayroon nito. Katulad ng nabanggit, maaari rin siyang mag-alala na siya ay magmukhang bastos o hindi interesado sa ibang tao.
Maaari makatulong ang paggamit ng mga alternatibong diskarte upang makilala ang mga tao, tulad ng pagkilala ng:
- Paraan ng paglalakad
- Hairstyle
- Boses
- Pananamit
Alamin ang iba pa tungkol sa Brain at Nervous System dito.