backup og meta

Sanhi Ng Postpartum Depression, Anu-ano Nga Ba Ang Mga Ito?

Sanhi Ng Postpartum Depression, Anu-ano Nga Ba Ang Mga Ito?

Ang postpartum depression ay karaniwan sa mga first-time moms. Tinatayang 50% ng mga inang nakakaranas ng postpartum depression ay nagkaroon ng sintomas noong nagbubuntis pa lamang. Upang mas maunawaan ang kondisyon na ito, mahalagang malaman kung ano ang sanhi ng postpartum depression, at ang pinagkaiba nito sa baby blues.

Postpartum Depression vs Baby Blues

Ang baby blues ay masasabing mas “banayad” na uri ng postpartum depression. Normal na ang makaranas ng mood swings, anxiety, o kaya depression matapos manganak. Pero kadalasan, tumatagal lamang ito ng ilang araw at mahaba na ang dalawang linggo.

Ang postpartum depression naman ay isang mental health condition kung saan nakakaranas ng mas matinding emosyon ang isang ina. Kabilang na dito ang pagiging iritable, matinding kalungkutan, at paminsan ay galit. Posible rin itong tumagal ng ilang buwan, o kaya taon.

Kahit hindi magpagamot ay nawawala ng kusa ang baby blues, pero hindi ito ang kaso sa postpartum depression. Ito ay kinakailangang gamutin, at mahalagang masolusyonan ito kaagad upang hindi lumala.

Sintomas ng Postpartum Depression at Baby Blues

Heto ang posibleng mga sintomas ng baby blues:

  • Kalungkutan at pagkabalisa
  • Mood swings
  • Pagiging iritable
  • Madalas na pag-iyak
  • Walang gana kumain
  • Kulang sa tulog
  • Nahihirapang mag-concentrate

Ang postpartum depression ay mas matindi kumpara sa baby blues. Naaapektuhan nito ang pang araw-araw na buhay ng isang ina at maaari pa ngang humantong sa child neglect.

Heto ang ilan sa mga ito:

  • Matinding kalungkutan, galit at depression
  • Matinding mood swings
  • Lumalayo sa pamilya at mga kaibigan
  • Hindi matigil na pag-iyak
  • Hindi maipaliwanag na pagbaba o kaya pagtaas ng timbang
  • Nahihirapang makatulog ng mahimbing
  • Humihina ang memory at cognitive abilities
  • Destructive na pag-uugali
  • Sinasaktan ang sarili o kaya ang kaniyang sanggol
  • Pagpapakamatay, o kaya pagpatay sa sanggol

Mahalaga ang madaliang professional help kung ang isang ina ay maaaring saktan ang kaniyang sarili o ang kaniyang sanggol.

Sanhi ng Postpartum Depression

Iba iba ang posibleng maging sanhi ng postpartum depression. Ngunit ang pangunahing dahilan rito ay ang mga pagbabago na nangyayari sa katawan ng isang ina bago siya manganak.

Heto ang ilang mga sanhi ng postpartum depression:

Hormonal changes

Habang nagbubuntis, tumataas ang levels ng estrogen at progesterone upang ihanda ang iyong katawan sa pagdadalang tao. Matapos mong manganak, babalik sa normal ang levels ng mga hormones na ito.

Bukod dito, bumababa rin ang thyroid hormones matapos manganak, na maaaring maging sanhi ng postpartum depression. Ang mga pagbabago sa hormones na ito ay maihahalintulad sa nangyayari kapag may period ang isang babae. Ngunit ang pinagkaiba ay mas malaki ang epekto ng pagbabago ng mga hormones matapos manganak.

Pisikal na pagbabago

Maraming ina ang nahihirapang ibalik ang kanilang confidence matapos manganak. Ito ay dahil nakakaapekto ang pagbabago na nangyari sa kanilang katawan, pati na rin kung mayroong mga peklat sila matapos manganak. Ang mga bagay na ito ay nakakaapekto sa mental health ng isang ina.

Mabigat ang pinapasang mga emosyon

Sobrang stress, kulang sa tulog, at ang pag-aalala sa mga responsibilidad ng pagiging isang magulang ay ilan lamang sa pinapasan na emosyon ng mga ina. At ito ay nakakapekto sa kanilang mental health, at nagiging sanhi ng postpartum depression.

Risks Factors ng Postpartum Depression

Hindi limitado sa mga first-time moms ang pagkakaroon ng postpartum depression. Mayroon ring mga ina na mas mataas ang posibilidad na makaranas nito kumpara sa iba. Heto ang ilan sa mga risk factors na ito:

  • Pagkakaroon ng depression o kaya family history ng depression
  • Kapag ikaw ay mayroong bipolar disorder
  • Kapag nakaranas ng matinding stress sa iyong panganganak o kaya pagbubuntis
  • Kung ipinanganak na may sakit ang iyong sanggol, o kaya mayroong special needs
  • Nahihirapan sa breastfeeding
  • Hindi planado o hindi mo naisa na magkaanak
  • Problema sa iyong asawa o partner
  • Problema sa pera
  • Panganganak ng kambal
  • Kakulangan ng suporta mula sa pamilya at mga kaibigan

Paggamot

Ang pag-recover sa postpartum depression ay nakadepende sa kung gaano ito kalala, pati na rin sa sanhi ng postpartum depression. Kung ito ay dahil sa hormonal problems, maaaring ilapit ka ng iyong doktor sa isang espesyalista. Maari rin silang magrekomenda ng mental health professional upang makatulong sa iyong kondisyon.

Heto ang ilang mga paraan upang gamutin ang postpartum depression:

Psychotherapy

Ang psychotherapy ay isa sa mga karaniwang treatment pagdating sa postpartum depression. Ito ay isinasagawa ng isang psychiatrist, psychologist, o mental health specialist. Sa ganitong uri ng therapy ay ipinapaliwanag ng pasyente ang kaniyang nararamdaman.

Nakakatulong ito upang mas maunawaan ng isang ina ang kaniyang postpartum depression, at para na rin makaisip ng strategy para dito. Minsan, isinasama rin ang asawa or partner, kaibigan, o kaya mga kamag-anak ng isang ina sa ganitong therapy.

Gamot

Minsan ay kinakailangan ng gamot upang maibsan ang postpartum depression. Para sa mga nagpapadede, mayroong mga antidepressant na safe gamitin kahit ikaw ay nagbe-breastfeed.

Kung ikaw ay mayroong pag-aalinlangan, huwag mahiyang sabihin ito sa iyong doktor. Mahalaga na parehas kayong sang-ayon sa magiging treatment para sa iyong postpartum depression.

Key Takeaways

Malaki ang nagiging epekto ng postpartum depression sa mga ina. Bukod sa kanilang mga sarili, naapektuhan rin nito ang kanilang relasyon sa kanilang partner, mga kamag-anak, pati na rin ang mga kaibigan.

Hindi pagkakamali ang makaranas ng postpartum depression. Nangyayari ito sa maraming ina, at ang mahalaga ay humingi ka ng tulong kung nahihirapan ka sa iyong pinagdaraanan. Malaki ang naitutulong ng professional help upang gumaling sa kondisyon na ito.

Alamin ang tungkol sa Mothercare at Post-Partum and Self-Care dito.

[embed-health-tool-ovulation]

Disclaimer

Hello Health Group does not provide medical advice, diagnosis or treatment.

  1. Postpartum Depression https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/postpartum-depression/diagnosis-treatment/drc-20376623 Accessed August 28, 2020
  2. Postpartum Depression https://www.womenshealth.gov/mental-health/mental-health-conditions/postpartum-depression Accessed August 28, 2020
  3. Perinatal Depression https://www.nimh.nih.gov/health/publications/perinatal-depression/index.shtml Accessed August 28, 2020
  4. Postpartum Depression and the Baby Blues https://www.helpguide.org/articles/depression/postpartum-depression-and-the-baby-blues.htm Accessed August 28, 2020
  5. Postpartum Depression Statistics https://www.postpartumdepression.org/resources/statistics/ Accessed August 28, 2020
  6. Postpartum depression risk factors: A narrative review, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC5561681/, Accessed September 8, 2021
  7. Interpersonal Psychotherapy for Postpartum Depression, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC4141636/, Accessed September 8, 2021

Current Version

06/06/2024

Written by Mayvilyn Cabigao

Expertly reviewed by Jessica Espanto, LPT, MA, RPsy

Updated by: Jan Alwyn Batara


People Are Also Reading This

Is it Baby Blues or Postpartum Depression: How to Know the Difference

Postpartum Preeclampsia: Symptoms and Treatment


Expertly reviewed by

Jessica Espanto, LPT, MA, RPsy

Psychology · In Touch Community Services


Written by Mayvilyn Cabigao · Updated Jun 06

ad iconadvertisement

Was this article helpful?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement