Ang pag-ihi ay araw-araw nating ginagawa at ang biglang pagbabago nito ay maaaring nakababahala. Ngunit maaaring minsan ito ay hindi kasing seryoso tulad ng iyong naiisip. May mga pagkaing nagpapabago ng kulay ng ihi. Ngunit may iba rin namang nagpapabago sa ibang aspeto ng pag-ihi nang hindi nagsisilbing banta sa iyong kalusugan.
Gayunpaman, may ilang mga indikasyon na maaaring nangangailangan ng medikal na atensyon, lalo na kung ang pagbabago sa ihi ay hindi lamang ang sintomas na iyong nararanasan.
Upang malaman kung ano ang mga nakababahala at hindi nakababahala sa pagbabago sa pag-ihi, basahin ang buong artikulo.
Ang Pag-ihi at ang Kahalagahan nito
Ang pag-ihi ay may mahalaga upang mailabas ang mga dumi na kadalasang nakasasama kung mananatili sa loob ng katawan.
Ang ammonia ay isang nakalalasong dumi na nabubuo matapos mapira-piraso ang amino acids sa katawan. Ito ay nagiging urea, isang hindi gaanong mapanganib na substance, na kalaunan ay humahalo sa tubig sa loob ng katawan. Ito ang siyang nagiging ihi na ating inilalabas araw-araw.
Ang komposisyon ng ihi ay karamihang tubig at urea. Ngunit ang mas maliit na bilang ng iba pang komposisyon ay makikita rin, tulad ng tira ng pagkain, mga gamot, at bakterya.
Dahil sa mga komposisyong makikita ng ihi, at kung paanong ang proseso ng produksyon ng urea ay dumadaan sa mga pangunahing organo tulad ng atay, bato, at pantog, maraming impormasyon tungkol sa iyong kalusugan ang makukuha mula sa pagsusuri ng ihi, sa pamamagitan ng urinalysis.
Mga Pagbabagong Maaaring Mangyari sa Kulay ng Ihi
Ang iyong ihi ay maaaring sumailalim hindi lamang sa pagbabago ng kulay, depende sa dahilan ng pagbabago. Ang amoy at dalas ng pag-ihi ay maaari ding magbago.
Bilang pagtitiyak, ang kulay ng ihi ay naaapektuhan ng dami ng likido sa loob ng katawan. Ito ay maaaring maging kulay puti o malinaw, madilaw-dilaw, o dark amber.
Ang mga pagbabagong ito ay maaaring mangyari sa loob lamang ng maikling panahon at maaaring hindi maging sanhi ng anomang alalahanin.
Ang dami ng tubig na iniinom, o anomang iniinom na gamot, ay maaaring magresulta sa pagbabago sa kulay ng ihi, dalas, at amoy.
Mayroon ding mga tiyak na pagkaing nagpapabago sa kulay ng ihi nang walang mapanganib na implikasyon.
Mga Pagkaing Nagpapabago ng Kulay ng Ihi at iba pang Sanhi
Upang maiwasan ang anomang hindi inaasahang pangyayari sa tuwing nagbabawas at nakakikita ng pagbabago sa kulay ng ihi, tandaan ang mga sumusunod na pagkain. Ang mga ito ay nagpapabago ng kulay ng ihi bukod sa karaniwang kulay dilaw.
- Ang beets, fava beans, rhubarb, at blackberries ay maaaring maging sanhi upang ang kulay ng ihi ay maging mamula-mula o dark brown
- Ang karots ay maaaring maging dahilan upang ang kulay ng ihi ay maging light orange
- Ang matatapang na coloring agents sa ilang pagkain ay maaari ding makaapekto sa kulay ng ihi
- Ang asparagus ay sinasabi ring dahilan upang ang ihi ay maging kasing amoy ng ammonia
Ang mga gamot na maaari ding magpabago sa kulay ng ihi ay ang stomach acid counters (bahagyang kulay asul), chemotherapy drugs (bahagyang kulay kahel), at mga tiyak na gamot para sa urinary tract infection at problema sa pantog (bahagyang kulay kahel).
Ang mga Bitamina C at B ay napag-alaman ding dahilan ng pagiging kulay kahel o greenish ng ihi, ayon sa pagkakabanggit.
Kung Maging Seryoso ang mga Bagay-bagay
Bagama’t ang iyong dyeta at medication regiment ay maaaring maging sanhi ng hindi mapanganib na pagbabago sa kulay ng ihi, may mga tiyak na indikasyon na senyales ng mas seryoso, ibang kondisyon na dapat masuri ng doktor.
- Ang pulang ihi ay maaaring dahil sa inclusion ng dugo sanhi ng impeksyon, bato sa bato, o maging kanser sa pantog
- Ang mas mapusyaw na kulay pula ay maaaring dahil sa lason mula sa lead o mercury
- Ang dark brown na ihi ay maaaring dahil sa problema sa iyong atay
- Ang Glomerulonephritis o pamamaga ng bato ay maaaring maging sanhi ng kulay tsaa na ihi
- Bukod sa pagkain at gamot, ang kulay kahel na ihi ay maaaring dahil din sa problema sa atay o bile duct
- Ang urinary tract infection ay maaari namang dahilan ng kulay berde o cloudy urine
Ang mga sintomas na kadalasang sinasamahan ng ibang seryosong kondisyon ay ang pagtaas ng pagdalas ng pag-ihi, masakit na pag-ihi, at pananakit ng gitnang bahagi ng likod.
Kung ikaw ay nakararanas ng alinman sa mga seryosong pagbabagong ito o mga karagdagang sintomas, huwag mag-alinlangang kumonsulta sa doktor.
Matuto pa tungkol sa Urological Issues dito.














