backup og meta

Sintomas Ng Dengue Sa Bata, Anu-Ano Nga Ba?

Sintomas Ng Dengue Sa Bata, Anu-Ano Nga Ba?

Dapat bang ikabahala ang mga sintomas ng dengue sa bata? Maging mapagmasid lalo na kung ikaw ay nakatira o may paglalakbay sa Asya o Latin America kung saan ang dengue ay isang nangungunang sanhi ng malubhang sakit at kamatayan. Sa ngayon, kumakalat na rin ang dengue sa iba’t-ibang panig ng mundo.

Ang dengue ay karaniwan sa mga bansa na may tropikal na klima, maging sa urban o semi-urban na lugar man. Ito ay impeksyon na maaaring idulot sa pamamagitan ng kagat lamok. Ang mga pangunahing vectors na nagdadala ng dengue virus ay ang Aedes aegypti at Aedes altropicus na lamok.

Dapat Bang Mabahala Sa Sintomas Ng Dengue Sa Bata?

Ang pandaigdigang saklaw ng dengue ay tumaas nang husto, kung saan humigit-kumulang kalahati ng populasyon ng mundo ang nasa panganib na ngayon. Bagama’t tinatayang 100-400 milyong tao ang nagkakaroon ng dengue bawat taon, higit sa 80% ay karaniwang banayad at walang sintomas.

Walang partikular na gamot para sa dengue, bata man o matanda ang pasyente. Gayunpaman, ang maagang pagtuklas ng sakit at ang wastong pangangalagang medikal ay maaaring mag pababa sa mga insidente ng pagkamatay dahil sa malubhang dengue. Nangangailangan din ito ng pamamahala ng iyong doktor.

Ano Ang Mga Sintomas Ng Dengue Sa Bata?

Maraming kaso kung saan may dengue ang bata subalit hindi agad nagkakaroon ng anumang sintomas. Ang ilan ay maaaring may banayad na sintomas na lumilitaw kahit saan mula apat na araw hanggang dalawang linggo pagkatapos makagat ng lamok.

Mahirap tuklasin ang dengue fever lalo na sa mga bata na hindi naman makapag reklamo kung ano ang nararamdaman nilang sakit. Kung kaya dapat alam mo ang mga sintomas ng dengue lalo na sa bata, upang mas madali mo itong mabigyan ng lunas kung kinakailangan.

Narito ang mga karaniwang sintomas ng dengue:

1. Mataas Na Lagnat

Karamihan ng kaso ng dengue ay nagsisimula sa mga sintomas na maihahalintulad sa trangkaso gaya ng mataas na lagnat. Kung minsan nga umaabot ito sa 105 degrees F. at maaaring tumagal ng dalawa hanggang pitong araw.  Dapat mong ikabahala kung ang anak mo ay may ganito kataas na lagnat, lalo na kapag may kasamang ubo at sipon.

2. Pananakit Ng Kalamnan At Kasukasuan

Ang mga batang may dengue ay maaaring makaranas ng sobrang pananakit ng ulo. Maaari ding sumakit ang kanilang kalamnan at kasukasuan. Ito ay karaniwang nararamdaman ng mga batang may dengue na kulang sa Vitamin D, B12 at iba pang micronutrients.

3. Pamamantal Ng Katawan

Ang makating pantal sa katawan ay isa sa mga pangkaraniwang sintomas ng dengue sa bata. Dapat ding tingnan kung may patuloy na pangangati sa talampakan ng bata.

4. Pagdurugo Ng Ilong At Gilagid

Maaari din na may pagdurugo ng ilong at gilagid ng batang may dengue. Ang dengue hemorrhagic fever ay isa sa mga komplikasyon ng dengue na pwedeng maging mapanganib kung kaya dapat masuri kaagad ng doktor..

5. Pagbabago Sa Pag-Uugali

Ang pagbabago sa pag-uugali ng bata lalo na ang pagkairita ay maaaring hudyat na siya ay may dinaramdam gaya ng dengue. Kasama na rito ang kawalan ng enerhiya at pagiging antukin.

Ano Ang Dapat Gawin Sa Sintomas Ng Dengue Sa Bata?

Agad na kumunsulta sa doktor kung napansin mo ang mga sintomas na ito sa iyong anak. Maaring sintomas ng dengue sa bata o hindi, subalit mainam na ang sigurado. Siguraduhin na umiinom ng sapat na likido at may masustansyang pagkain ang bata.

May kamakailang paglalakbay ba ang bata sa lugar na may dengue fever? Agad sabihin ang detalyeng ito sa doktor upang makatulong sa pagsusuri kung may dengue nga ba ang bata o wala. Susuriin ng doktor ang bata at maaaring irekomenda nito ang pagkuha ng Rapid Dengue Test.

Matuto pa tungkol sa Dengue dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Kasalukuyang Version

09/23/2022

Isinulat ni Lovely Carillo

Narebyung medikal ni Mae Charisse Antalan, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Sintomas Ng Dengue Sa Bata Na Dapat Malaman Ng Mga Magulang

Sintomas Ng Dengue Sa Bata, Anu-Ano Nga Ba?


Narebyung medikal ni

Mae Charisse Antalan, MD

General Practitioner


Isinulat ni Lovely Carillo · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement