Tawas para sa kilikili ba ang solusyon sa maitim na balat sa singit lalo na sa kilikili? Marami ang nagsasabi na ang tawas o potassium alum ay epektibong pampaputi ng maitim na kilikili. Sa katunayan, ginagamit ito bilang sangkap ng maraming produktong mabibili sa parmasya kahit na walang reseta ng doktor. May nabibili na ring tawas deodorant sa mga supermarket.
Ang paggamit ng deodorant ay mahalaga, lalo na sa mainit na klima tulad ng Pilipinas. Maraming tao ang gumagamit ng deodorant o antiperspirant araw-araw. Parehong may mabisang paraan upang maiwasan ang pagpapawis, ngunit magkaiba ang mga ito. Ang mga deodorant ay nag-aalis ng amoy, o nagpapabango ng pawis. Samantalang binabawasan naman ng antiperspirant ang pagpapawis ng kilikili. Bago pa man naimbento ang mga produktong ito, ginagamit na ng mga tao ang tawas.
Ano ang tawas para sa kilikili
Ang tawas ay isang termino na maaaring tumukoy sa ilang mga aluminum compound. Sa mga produktong pampaganda, ito ay kadalasang tumutukoy sa potassium alum, isang uri ng mineral salt. May iba pang uri ang alum katulad ng:
- Soda alum
- Ammonium Alum
- Chrome o chromium alum
Maraming produktong pampaganda na naglalaman ng tawas dahil ito ay may astringent, antiseptic, at antibacterial properties. Dahil sa astringent properties nito, napapahigpit nito ang balat upang lumiit ang mga pores o butas nito. Nakakatulong din itong mabawasan ang pamamaga at pagdurugo. Ang antiseptic properties naman nito ay lumalaban sa maliliit na organismo na nagdudulot ng sakit.
Tawas para sa kilikili at iba pang gamit
Maraming gamit sa kosmetiko ang tawas tulad ng sumusunod:
Pag-aahit
Ang alum blocks o mga bloke ng tawas ay mga popular na produktong pang-ahit. Pinipigilan ng mga ito ang pagtubo ng bakterya at binabawasan ang pamamaga. Maaari itong makatulong na mabawasan ang panganib ng impeksyon kapag ikaw ay nag-ahit at nasugatan.
Styptic pencils
Ang tawas ay isa ring sangkap sa mga styptic pencils. Ito ay produktong pang-ahit na ginagawa sa pamamagitan ng pagsasama ng potassium alum at potassium nitrate. Ang mga styptic pencils ay mga anti-hemorrhagic agent na gumagamot sa mga hiwa sa pag-ahit sa pamamagitan ng pagtulong sa pamumuo at mabilis na pagtatakip ng sugat.
Tawas para sa kilikili o antiperspirant at deodorant
Ang tawas ay isang tanyag na sangkap sa mga antiperspirant dahil sa kakayahan nitong mabawasan ang pagpapawis. Ito ay nabibili bilang karaniwang deodorant o bilang isang bloke na binabasa at pagkatapos ay direktang kinukuskus sa kilikili. Tinatawag ng ilang kumpanya ang mga produktong ito bilang “crystal deodorant.”
Acne
Dahil ito ay isang astringent na pumipigil sa bakterya, ginagamit ng mga tao ang tawas upang mabawasan ang pagmamantika ng balat at pagtubo ng acne. Maraming nagsasabing nakakatulong ito laban sa acne. Gayunpaman, walang pananaliksik na nagpapahiwatig kung ito ay isang epektibong paggamot para dito.
Benepisyo ng tawas para sa kilikili at sa balat
Matagal nang ginagamit na ng mga tao ang tawas para sa iba’t-ibang parte ng katawan. Gayunpaman, hindi malinaw kung mayroon itong anumang pangmatagalang benepisyo para sa kalusugan ng balat, dahil walang siyentipikong pag-aaral sa paksang ito. Karamihan sa nalalaman ng mga tao tungkol sa tawas ay nagmumula sa mga sabi-sabi o testimonya ng mga gumagamit nito.
Alam ng mga siyentipiko na pinipigilan ng tawas ang paglaki ng ilang karaniwang uri ng bakterya, tulad ng Staphylococcus at Streptobacillus. Pinatunayan ito ng isang pag-aaral sa laboratoryo noong 2014. Gayunpaman, ipinakita lamang ng pag-aaral na ito kung gaano kahusay gumagana ang alum sa mga kondisyon ng laboratoryo gamit ang agar plates at hindi naman sa balat ng tao.
Panganib ng tawas para sa kilikili
Naglahad ang Environmental Working Group (EWG) ng mga alalahanin tungkol sa posibleng panganib na dulot ng potassium alum para sa pangmatagalang paggamit. Natuklasan ng ilang pag-aaral ang kaugnayan sa pagitan ng mga deodorant na naglalaman ng potassium alum at mga rate ng kanser sa suso. Hindi naman lahat ng eksperto ay sang-ayon dito. Kinakailangan pa rin ng mas malalim na pag-aaral upang mapatunayan ang panganib na dulot ng tawas.