backup og meta

Paano Gamutin ang Trichomoniasis? Heto ang Dapat Tandaan

Paano Gamutin ang Trichomoniasis? Heto ang Dapat Tandaan

Ang trichomoniasis ay isang karaniwang sexually transmitted disease (STD), na dulot ng Trichomonas vaginalis, isang protozoan parasite. Ang mga sintomas ng STD na gaya ng trichomoniasis discharge ay nag-iiba-iba batay sa indibidwal, at posible rin na ang isang taong mayroon nito ay hindi nagpapakita ng sintomas. 

Ang trochomoniasis ay ang pinaka-pangkaraniwang nagagamot na STD. Sa Estados Unidos, tinatayang 3.7 milyong indibidwal ang may ganitong sakit. Gayunpaman, tinatayang 30% lamang ang nagpagkita ng mga sintomas ng sakit na ito.

Ang mga kababaihan ang mas may malaking banta ng pagkakaroon ng trichomoniasis, bagaman ang mga kalalakihan ay maaari ding magkaroon nito. Ipinapakita ng mga pag-aaral na ang mas nakatatandang mga kababaihan, edad 40 pataas, ang mas may tyansang magkaroon nito kaysa sa mga nakababatang babae. 

Mga Sintomas ng Trichomoniasis 

Bagaman nagagamot ang trichomoniasis, mahirap ito masuri at matukoy. Tinatayang 70% ng mga may ganitong sakit ay hindi nagpapakita ng anumang senyales at sintomas. Sa mga nagpakita naman ng sintomas, ang mga indikasyon ay naglalaro sa hindi malala hanggang sa malalang iritasyon at pamamaga. 

Ang mga taong nagpakita ng sintomas ay ipinakita ang mga ito sa loob ng 28 araw matapos mahawaan. Ang iba naman ay hindi nagpapakita ng sintomas kahit na mas matagal pa. At, dagdag pa rito, nawawala at bumabalik ang mga sintomas. Kung iniisip mong nangangailangan ka ng panggagamot sa  trichomoniasis, iwasan ang mga relasyong sekswal hanggang sa makonsulta mo ang iyong doktor. 

Ang mga kalalakihang may trichomoniasis ay maaaring makaranas ng sumusunod: 

  • Pangangati o iritasyon ng ari 
  • Nagbabagang pakiramdam matapos umihi 
  • Nagbabagang pakiramdam matapos mag-ejaculate 
  • Trichomoniasis discharge o abnormal na discharge mula sa ari 

Ang mga kababaihang may trichomoniasis ay maaaring makaranas ng sumusunod: 

  • Pangangati, nagbabagang pakiramdam, pamumula, o pamamaga ng ari 
  • Hindi komportableng pakiramdam habang umiihi 
  • Trichomoniasis discharge: Pagbabago o abnormalidad sa vaginal discharge (gaya ng malabnaw, at frothy na discharge o mas maraming discharge). Ang vaginal discharge ay maaaring mag-iba-iba mula sa pagiging walang kulay, puti, manilaw-nilaw, o maberde-berde. 
  • Ang vaginal discharge ay maaaring magkaroon ng hindi karaniwang amoy malansa. 

Ang trichomoniasis ay maaring magdulot ng hindi kanais-nais na mga sensasyon kapag nakikipagtalik. Kung hindi magagamot, ang impeksyon na ito ay maaaring tumagal sa moob ng ilang buwan o taon. 

Paano Nahahawa ang mga Tao ng Trichomoniasis? 

Habang nakikipagtalik, ang Trichomonas vaginalis ay naililipas mula sa isang indibidwal na mayroon nito patungo sa isa na wala. 

Sa kababaihan, ang lower genital tract (ang vulva, ari, cervix, o urethra) ang apektado. Sa kalalakihan, ang urethra ang kadalasang bahaging nagiging apektado. Bagaman bihira, posible ring maapektuhan ng parasite na ito ang iba’t ibang mga bahagi ng katawan, gaya ng mga kamay, bibig, at pwet. 

Sa kasalukuyan, hindi pa rin natutuklasan kung bakit ang ilang mga taong apektado nito ay hindi nagpapakita ng mga sintomas. Ngunit mataas ang tyansa na ito ay nakadepende sa mga salik gaya ng edad at kabuoang kalagayang pangkalusugan ng isang tao. Ang mga taong hindi nagpapakita ng sintomas ay maaari pa ring makahawa kaya naman mahalaga pa rin ang wastong panggagamot dito. 

Mga Komplikasyon at Diagnosis 

Sa kadahilanang ang ibang mga tao ay walang ipinakikitang sintomas, mahirap matukoy ang trichomoniasis. Ang mga sintomas nito ay kagaya ng sa ibang mga sexually transmitted infections at diseases. 

Kung pinaghihinalaang mong mayroon ka nito at nangangailangan ng panggagamot, ang isang propesyunal sa pangangalagang pangkalusugan ang magsusuri ng bahagi ng iyong ari. 

Sa kalalakihan, ang doktor ang magsusuri ng ari kung mayroon ba itong pamamaga o trichomoniasis discharge. Ang sample ng ihi ay maaari ding kunin. 

Matapos ang pisikal na eksaminasyon, ang doktor ay maaaring kumolekta ng sample sa pamamagitan ng pags-swab sa ari ng babae o lalaki. Ang sample na ito ay susuriin sa ilalim ng microscope o sa isang klinika para matukoy ang impeksyon. 

Kung pinaghihinalaan na ikaw ay may sakit, maaari kang bigyan ng instruksyon para sa pagsisimula sa isang trichomoniasis treatment. Ito ay nakapagtitiyak na ang impeksyon ay magagamot kaagad, at ang banta na ito ay makapanghawa ay mabawasan. 

Ano-ano ang mga Komplikasyon ng Trichomoniasis? 

Ang trichomoniasis, bagaman madali itong magamot, ay hindi dapat balewalain. Kapag hindi kaagad napagtuunan ng pansin ang sakit na ito, ang trichomoniasis ay maaaring makapagpataas ng panganib na mahawa o makapanghawa ng iba pang sexually transmitted infections. Halimbawa, ang trichomoniasis ay maaaring magdulot ng pamamaga ng ari, na maaaring magdulot ng pagiging mas mataas ng tyansa na magkaroon ang isang tao ng HIV. 

Ginagawa rin nitong mas mataas ang tyansa ng pagkakaroon ng isang babae ng pelvic inflammatory disease, isang impeksyon sa upper reproductive organs. 

Paano Naaapektuhan ng Trichomoniasis ang mga Nagdadalantao? 

Ang mga nagdadalantao na may trichomoniasis ay maaaring magkaroon ng banta ng maagang panganganak (preterm delivery). Ang mga sanggol na maipanganganak ay inaasahang mas mababa ang timbang (mas mababa sa 5.5 pounds). 

Paraan ng Panggagamot at Pag-iwas 

Ang trichomoniasis ay maaaring magamot sa pamamagitan ng metronidazole at tinidazole. Ang parehong medikasyon ay mga pills na iniinom. Ang metronidazole ay maaaring inumin ng mga nagdadalantao dahil mababa ang antas ng panganib na dulot nito sa sanggol. Ngunit bago ang pag-inom ng anumang medikasyon, kumunsulta muna sa doktor. 

Ang paraan ng panggagamot sa trichomoniasis ay nagpapawala ng mga sintomas, na kadalasang nagaganap sa loob ng tinatayang isang linggo. Kumuha ng test matapos ang dalawang linggong hanggang 3 buwan matapos matapos ang proseso ng panggagamot para makasiguro na hindi ka nahawang muli. 

Maaari Bang Mahawa Ulit ang Isang Tao?

Ang mga taong nagamot mula sa trichomoniasis ay maaaring mahawang ulit. Sa katunayan, tinatayang 20% ng mga nagamot na laban sa trichomoniasis ay nahawa ulit sa loob lamang ng tatlong buwan pagkatapos ng panggagamot. Para maiwasan ang pagkahawa ulit, inirerekomendang ang lahat ng mga dating kaparehang sekswal ay ma-text, ma-diagnose, at mailagay sa isang treatment plan sa lalong madaling panahon. 

Mahalaga rin na ang kasalukuyang kaparehang sekswal at ang iba pang dating nakapareha ay ma-test at magamot din. Ang mga tagapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan ay maaaring tumukoy sa kung sino sa iyong mga kaparehang sekswal ang nagdadala ng pinakamataas na banta at nangangailangan na sumailalim sa test. Kung hindi ka komportableng makipag-ugnayan sa iyong kapareha, maaaring gawin ito ng klinika para sa iyo. 

Ito ay tinatawag na partner notification, at hindi rin isisiwalat ng klinika ang iyong pagkakakilanlan. 

Paano Maiiwasan ang Trichomoniasis? 

Ang pinakamainam na paraan para maiwasang mahawa ng mga STD ay ang pag-iwas sa vaginal, oral, at anal na pakikipagtalik, at siguraduhin na ang iyong kapareha o mga kapareha ay hindi mga carrier ng mga nabanggit na sakit. Kung ikaw aktibo sa sekswal na aspekto, ang pagsusuot ng proteksyon kagaya ng latex condoms ay nakapagpapababa ng tyansa ng pagkakaroon ng sakit. At kung pinaghihinalaan mong mayroon kang STD gaya ng trichomoniasis, makipag-ugnayan kaagad sa doktor para sa trichomoniasis treatment. 

Kung mayroon kang bagong kaparehang sekswal, hinihikayat na mapag-usapan ninyo ang mga potensyal na banta ng STDs bago ang pagtatalik. 

Matuto ng higit pa ukol sa STDs dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Trichomoniasis infection and symptoms, https://www.healthline.com/health/trichomonas-infection#symptoms, Accessed Jan 10, 2020

Trichomoniasis, https://www.cdc.gov/std/trichomonas/stdfact-trichomoniasis.htm, Accessed Jan 10, 2020

How do I get treated for trichomoniasis, https://www.plannedparenthood.org/learn/stds-hiv-safer-sex/trichomoniasis/how-do-i-get-treated-trichomoniasis, Accessed Jan 10, 2020

Trichomoniasis, https://www.nhs.uk/conditions/trichomoniasis/, Accessed Jan 10, 2020

Trichomoniasis and bacterial vaginosis in pregnancy: inadequately managed with syndromic approach, https://www.who.int/bulletin/volumes/85/4/06-031922/en/, Accessed Jan 10, 2020

Sexually transmitted parasite, Trichomonas Vaginalis, is twice as prevalent in women over 40, study shows: https://www.hopkinsmedicine.org/news/media/releases/sexually_transmitted_parasite_trichomonas_vaginalis_twice_as_prevalent_in_women_over_40_survey_shows, Accessed Jan 10, 2020

Kasalukuyang Version

04/27/2022

Isinulat ni Marie Kristel Corpin

Narebyung medikal ni Mary Rani Cadiz, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Gamot sa Trichomoniasis, Ano nga ba Ang Mainam?

Ano ang Ginagamit na Test para sa Trichomoniasis?


Narebyung medikal ni

Mary Rani Cadiz, MD

Obstetrics and Gynecology


Isinulat ni Marie Kristel Corpin · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement