Ang pinakamabilis na paraan upang malaman kung mayroon kang trichomoniasis ay sa pamamagitan ng pagsasailalim sa test para sa trichomoniasis. Paano eksaktong natutukoy ng test na ito kung may parasite ka, at may iba pa bang paraan ng diagnosis?
Para saan ang test para sa trichomoniasis?
Ang trichomoniasis ay dulot ng Trichomonas vaginalis, na isang microscopic parasite na nagdudulot ng impeksyon sa daluyan ng ihi ng tao. Ang test para sa trichomoniasis ay sumusuri sa presensya ng parasite na ito sa pamamagitan ng mga cellular sample, vaginal fluid, o sample ng ihi sa mga lalaki.
Sa mga lalaki, ang karaniwang paraan ay kumuha ng sample ng ihi mula sa kanila. Gayunpaman, may ibang gumagamit ng swab upang makakuha ng sample mula sa urethra.
Posible ring suriin ang sample ng ihi mula sa mga babae. Gayunpaman, karaniwang mas akma ang resulta kung swab test ang gagamitin.
Pagkatapos nito, susuriin ang mga sample sa microscope. Kung mayroong anumang bakas ng trichomoniasis, ibig sabihin, mayroon siyang trichomoniasis.
Kung hindi pa rin sapat ang unang pagsusuri upang masabing may trichomoniasis ang isang tao, maaaring isagawa ang rapid antigen test at nucleic acid amplification. Kadalasang mas tama ang mga test na ito, bagaman mas mahal.
Ano ang pinagkaiba ng test para sa trichomoniasis kumpara sa STDs?
Ang test para sa trichomoniasis ay pareho sa iba pang anyo ng test para sa STDs sa paraang kumukuha ng sample upang masuri sa laboratoryo.
Ang pangunahing pagkakaiba lamang ay sa ilang STD test, puwedeng magbigay ng tamang resulta ang sample ng ihi. Karaniwang mga halimbawa nito ay kapag nag-te-test para sa gonorrhea o chlamydia.
Para sa iba pang STDs tulad ng syphilis o herpes, wala pa sa ngayong tamang anyo ng urine test.
Para sa syphilis, ang karaniwang pamamaraan ay kumuha ng sample ng dugo na susuriin para sa syphilis antibodies. Ang lumbar puncture, o ang procedure na kumukuha ng sample ng fluid mula sa iyong spine, ay puwede ring gawin upang malaman kung may syphilis ka.
Kapag nagsusuri naman para sa herpes, kadalasang kumukuha ng tissue sample ang mga laboratoryo. Kasama rito ang pagkayod ng ilang sugat o balat na maaaring apektado nito. Pagkatapos, gagamitin ito upang makagawa ng viral culture upang makita kung may herpes virus.
Sa ngayon, karamihan sa mga STD testing ay tama at mapagkakatiwalaan.
Paano nada-diagnose ng mga doktor ang trichomoniasis?
Mahirap ma-diagnose ang trichomoniasis nang walang test, lalo na sa mga lalaki. Kadalasan kasing walang ipinapakitang sintomas ang mga lalaki kahit mayroon sila nito.
Kadalasang nagtatanong muna ang doktor kung ano ang mga sintomas na mayroon ka. Matapos nito, maaari silang magsagawa ng pagsusuri sa iyong ari, upang makita kung mayroong anumang senyales ng pamamaga o iritasyon.
Posible ring maipagkamali ang mga sintomas ng trichomoniasis sa ibang STDs. Ito ay dahil maaaring pareho ang karamihan sa mga sintomas, tulad ng pagsakit ng ari, paghapdi kapag umiihi, at pamamaga.
Kung naniniwala kang mayroon kang trichomoniasis, hihilingin sa iyong sumailalim ka sa STD test. Sa oras na lumabas na ang resulta ng test, magrereseta sila ng gamot na kailangan mo para sa iyong sakit.
Saan ka puwedeng magpa-test para sa trichomoniasis?
Sa Pilipinas, karamihan sa mga laboratoryo, STD clinic, at ospital ay may kagamitan sa test para sa trichomoniasis. Marami sa kanila ay nagbibigay ng ganitong serbisyo sa abot-kayang halaga. May iba pa ngang nagbibigay ng test nang libre. Karamihan din sa mga klinika ay maingat at pinananatiling pribado ang resulta ng test.
Key Takeaways
Palaging tandaan, ugaliin ang ligtas na pakikipagtalik. Kung aktibo ka sa pakikipagtalik, pinakamainam na gumamit ng proteksyon. Tiyaking nakapagpa-test ka kung higit sa isa ang iyong partner, o kung kamakailan ka lang nagkaroon ng walang proteksyong pakikipagtalik.
Matuto pa tungkol sa Trichomoniasis dito.