Sa ngayon, wala pang malinaw na paglalarawan o kategorisasyon para sa sex addiction (kilala rin bilang compulsive sexual behavior). Magkagayon man, hindi natin maiaalis ang katotohanang isa itong problemang pinagdaraanan ng maraming tao na nangangailangan ng tulong. Ang dahilan kung bakit napakahirap i-classify ang sex addiction ay dahil hindi tayo nakatitiyak kung ito ba talaga ay isang addictive disorder, dahil maaari din itong maikunsidera bilang impulsive-control disorder, o isang variant ng compulsive disorders. Ano ngayon ang mga sintomas ng sex addiction?
Ang mga sintomas ng sex addiction ay pareho sa lahat ng addiction. Kapag dumaraan sa anumang klase ng addiction ang mga tao, nakararanas sila ng parehong pangyayari:
- Kawalan ng kontrol o pagpipigil
- Compulsive behavior
- Pagtatangkang mahinto ang kanilang addiction ngunit kalaunan ay nabibigo
- Kawalan ng oras at pokus sa ginagawa dahil sa addiction
- Hindi masaya sa trabaho, paaralan, pamilya at mga kaibigan
- May cycle ng self-destructive behavior na humahadlang sa lahat ng aspekto ng kanilang buhay
Sex Addicts vs Sex Offenders
Makikita mo ang pinagkaiba ng sex addicts sa sex offenders batay sa kanilang mga sintomas at pag-uugali. Halimbawa, ang mga sex offenders ay tipikal na hindi mahilig makihalubilo sa iba at hindi rin addict sa sex. Nagmumula kadalasan ang kanilang mga sintomas sa nakaraang karanasan ng pisikal na pang-aabuso. Mas bayolente sila, hindi nakararamdam ng hiya o pagsisisi, may iba pang mga nagawang kasalanan bukod sa sexual offenses, mas pabigla-bigla, at in denial.
Sa kabilang banda, ang mga taong nagpapakita ng mga sintomas ng sex addiction ay lubos na nahihiya sa kanilang ginagawa. Nagdurusa sila sa history ng emotional at sexual abuse, palaging sex ang naiisip, depressed, at maaaring addict din sa iba pang bagay bukod sa sex.
Paano Nasasabing Abnormal Na Ang Sexual Behavior?
Normal lang na magkaroon ng pag-aasam at kagustuhan sa sex. Sa katunayan, normal lang din ang pagkakaroon ng matinding paghahangad sa ilang tiyak na bagay. Gayunpaman, maituturing itong abnormal kung hindi mo na makontrol ang iyong sexual behavior. Nakasisira ito sa mga relasyon, naaapektuhan ang iyong trabaho, at nagdudulot ng kahihiyan at guilt. Nagiging abnormal na ito kung ginagamit mo na ang sex upang makatakas sa iba pang mga problema sa iyong buhay.
Ano-Ano Ang Mga Sintomas Ng Sex Addiction?
Walang malinaw na senyales at sintomas ng sex addiction dahil maaaring magkaiba-iba ang mga ito sa mga tao depende sa naging sanhi ng kanilang addiction. Gayunman, maaari mong malaman kung ikaw ba ay addict sa sex kapag napansin mo ang mga sumusunod:
- Nahihirapang bumuo at magpanatili ng magandang relasyon sa mga taong pinahahalagahan mo
- Ginagawa mo pa rin ang mga sexual behavior sa kabila ng mga seryosong kahihinatnan nito
- Gumagawa ng mga pabigla-biglang sexual behavior upang makatakas sa mga problemang nangyayari sa iba pang aspekto ng iyong buhay
- Sinubukan mo na ngunit bigong kontrolin ang iyong sexual urges at behavior
- Napipilitan kang gawin ang ilang sexual acts o behaviors at pagkatapos, nakararamdam ka ng paglabas ng tensyon na sinusundan ng pagsisisi at guilt
- Matindi at paulit-ulit na seksuwal na pagpapantasya at paghahangad; ito ang kumukuha ng marami sa iyong oras na nagbibigay sa iyo ng pakiramdam na tila wala kang magawa o wala kang kontrol dito
Humingi Ng Tulong
Kung sa tingin mo ay kailangan mo ng tulong, makabubuti kung matutukoy mo ang mga sintomas ng sex addiction na mayroon ka batay sa mga nabanggit na sa itaas. Ngunit palagi ring tandaan na sa pagpapasyang humanap ng tulong:
- Nakapagdudulot ba ng hindi kanais-nais na problema sa pang-araw-araw ko na buhay ang aking sexual behavior?
- Manageable pa ba ang aking sexual impulses? Nasubukan ko na bang i-manage ito noon? Napagtagumpayan ko ba ito?
- Palagi ko bang sinusubukang itago ang aking sexual behavior sa ibang tao?
- Nakasasama na ba sa relasyon ko sa ibang tao ang aking sexual behavior o impulses, gayundin sa trabaho, at katayuan sa buhay?
Kung totoo sa iyo ang alinman sa mga ito, maaaring kailangan mo nang humingi ng propesyunal na tulong, lalo na kung nararamdaman mong may posibilidad na makasakit ka ng sarili, ng ibang tao, at nagiging pabigla-bigla (pakiramdam na hindi mo na kayang kontrolin ang iyong sexual behavior).