Side effect ba ng birth control ang brain fog? Ayon sa estadistika noong 2017 mula sa Kagawaran ng Kalusugan (DOH) ng Pilipinas, mayroong lagpas sa 6.8 milyong kasalukuyang gumagamit ng mga makabagong paraan ng kontrasepsyon. Sa ganitong dami ng mga kababaihang gumagamit ng mga hormonal birth control, mahalagang matalakay ang mga benepisyo at side effects. Maraming mga artikulo ang mababasa na detalyadong tumatalakay rito, at isa na rito ang koneksyon ng paggamit ng contraceptive at brain fog.
Ano Ang Brain Fog?
Ang brain fog ay isang masasabing bagong terminolohiyang ginagamit para ilarawan ang mga sintomas o damdamin ng pagiging makakalimutin, mabagal na pag-iisip, o kahirapan sa pagtutuon ng atensyon. Bagaman hindi naman tunay na diagnosis o karamdaman ang brain fog, maaari itong maging sagabal at maaaring tumugon sa iba’t ibang mga dahilan.
Ang ilan sa mga posibleng sintomas ng brain fog ay ang sumusunod:
- Kahirapan sa pag-aalala ng pangalan ng isang tao
- Mga salitang nasa dulo ng dila
- Pakiramdam na ang iyong mga iniisip ay “loading”
- Mas mahabang oras na ginugugol sa mga nakasanayang gawain
- Pagkawala sa sarili
- Pagkaramdam na may mga pagbabago sa iyong sarili
Ang mga posibleng dahilan ng brain fog ay ang sumusunod:
- Pagbabago sa paraan ng pagkain (gaya ng keto diet, intermittent fasting, low-carb diets)
- Insomnia o kakulangan sa tulog
- Ilang mga Tiyak na Medikasyon
- Thyroid Dysfunction
- Pagkabahala, Depresyon, o Iba Pang Mental na Kondisyon
- Pagbubuntis (kilala rin bilang “pregnancy brain”)
Mga Uri Ng Birth Control
Sa kasalukuyan, maraming mga uri ng birth control ang maaaring gamitin. Ang bawat isa ay may mga bentahe, disbentahe, at antas ng pagiging epektibo. Hindi gaya ng paniniwala ng marami, ang birth control ay hindi lamang limitado sa mga babae. Ang mga kalalakihan ay may opsyon din sa kontrasepsyon.
Sa mas malawak na pagtalakay, ang birth control ay nahahati sa hormonal at nonhormonal na mga opsyon. Ang mga non-hormonal na anyo ng birth control ay ang natural na pagpaplanong pampamilya, condoms, at mga operasyon. Pills, patches, pagtuturok, at IUDs naman ang mga hormonal na anyo naman ng birth control.
Ang mga contracepttives na may hormone ay gumagana sa pamamagitan ng pagsu-supplement ng sex hormones ng mga babae gaya ng progesterone at estrogen. Ang mga hormones na ito ay natural na nabubuo sa katawan, gayunpaman, karamihan sa mga contraceptives ay naglalaman ng mga synthetic na bersyon ng mga nabanggit na hormones. Sa pagpapataas ng antas ng progesterone at/o estrogen, ang mga eggs mula sa ovaries ay hindi nailalabas at ang fertilization ay mataas ang tyansang hindi maganap.
Ano Ang Kinalaman Ng Paggamit Ng Contraceptive At Brain Fog?
Dahil sa kakulangan sa pananaliksik, hindi pa rin malinaw kung ano ang koneksyon ng paggamit ng contraceptive at brain fog. Ang mga nagdadalantao ay maaari ding makaranas ng parehong mga sintomas. Kilala rin ito bilang “pregnancy brain” o “baby brain.”
Iminumungkahi ng ilang mga eksperto na ito ay ang pagtaas at pagdami ng hormones, partikular na epekto ng ethinyl estradiol, na nakaiimpluwensya sa paggana ng utak. Ilang mga pag-aaral ang nagpakita na ang paggamit ng hormonal birth control ay maaaring makapagpabago ng istruktura ng utak. Ang hypothalamus ay responsable para sa pagsasaayos ng mood, tulog, memorya, at temperatura ng katawan. Bilang resulta, ang mas maliit na volume ng hypothalamus ay maiuugnay sa pagkagalit at depresyon.
Kailangan pang magsagawa ng mga siyentista ng mas malawakang pag-aaral sa paggamit ng hormonal contraceptives at paggana ng utak upang higit na maunawaan ang mga epekto nito.
Kung kasalukuyan kang gumagamit ng birth control at nararamdaman mong nakararanas ka ng brain fog, maaaring hindi magandang agad na itigil ito. Kadalasan, ang side effects ng brain fog ay nawawala at bumabalik. Sa paglipas ng panahon, maaaring mas masanay ang iyong katawan sa mga hormones ng iyong kontrasepsyon.
Hindi man dahil sa paggamit ng hormonal birth control, maaari pa ring umepekto ang paggamit ng birth control at brain fog dahil sa ibang mga kondisyon at medikasyon. Ang pagtutuon sa ibang mga salik ay maaaring makapagpaunlad sa kahusayan ng iyong kaisipan. Ang ibang mga paraan para ma-“un-fog” ang iyong utak ay kinasasangkutan ng:
Regular Na Pag-e-Ehersisyo
Una, ang regular na page-ehersisyo ay maraming mga benepisyo bukod pa sa pagpapaaliwalas ng iyong brain fog. Hindi mo kailangang mag-enrol sa gym o tumakbo sa marathan para makapag-ehersisyo. Ang pagtayo, pagbabanat, at paglalakd-lakad ay sapat at epektibo na. Ang paggalaw-galaw ay nakapagpapabuti ng pagdaloy ng dugo sa iyong buong katawan. Higit na mahalaga ito kung kinakailangan mong ilaan ang kalakhan ng iyong araw sa pag-upo o pananatili sa bahay.
Tama At Balanseng Paraan Ng Pagkain
Ikalawa sa palagiang page-ehersisyo, ang balanseng paraan ng pagkain ay makapagpapabuti sa iyong kabuoang kalusugan. Ang isang masustansyang paraan ng pagkain ay kinasasangkutan ng katamtamang dami ng pagkain mula sa bawat grupo ng mga pagkain. Bukod pa sa pagsasangkap ng lahat ng mga macronutrients gaya ng protina, carbohydrates, at fat, ang isang masustansyang paraan ng pagkain ay dapat na samahan ng mga bitamina at mineral.
Ang kakulangan sa mga bitamina B ay makaaapekto sa kalusugan ng mga selula ng dugo at paggana ng utak. Ang mga bitamina B ay natural na makikita sa mga pagkaing gaya ng itlog, karne, luntiang mga gulay, at kanin. Kung ikaw ay nasa isang restrictive na paraan ng pagkain, maaaring kailanganin mong uminom ng mga vitamin supplements para maabot ang pang-araw-araw na pangangailangan para dito.
Matulog Nang Mas Matagal
Sa kasamaang palad, ang pagtulog nang mas matagal ay mahirap para sa maraming mga tao dahil sa mga pangangailangan sa trabaho, paaralan, at buhay pampamilya. Ang page-ehersisyo at tamang paraan ng pagkain ay makatutulong para mapabuti ang kalidad ng tulog. Ang mas mainam na pagtulog ay nakapagpapaunlad sa maraming mga gampanin ng utak. Karamihan sa mga adulto ay nangangailangan ng 7 hanggang 9 na oras ng tulog sa kada gabi. Kaya lamang, ang mga adulto ay kadalasang kulang sa tulog sa gabi.
Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang mga power naps ay nakapagpapaunlad ng pagiging alerto, persepsyon, mood, at memorya. Nakaeengganyo na ang mga idlip sa tanghali ay maaaring maging kasing epektibo o mas epektibo pa nga kaysa sa isang tasa ng kape. Kaya naman, kung nararamdaman mong ikaw ay foggy, ang pag-idlip sa loob ng 30 minuto hanggang isang oras ay maaaring makatulong.
Key Takeaways
Para sa mga kababaihan ng kasalukuyan, ang birth control ay nagbibigay ng paraan upang maiwasan o maplano ang pagkakaroon ng pamilya. Ang pagpaplano kung kailan ka magkakaroon ng mga anak ay nakapagpapadali para planuhin ang iyong career, edukasyon, at mga finances. Sa kabila ng mga benepisyo nito, ang brain fog ay minsang nagiging side effect ng birth control. Kung ikaw ay may concern may kinalaman sa brain fog, kausapin mo ang iyong doktor ukol sa iba pang opsyon ng birth control.
Matuto pa tungkol sa Mga Contraceptive dito.