Ika-21 siglo na ngunit marami pa ring mga maling paniniwala sa contraceptive at sa pagbubuntis. Mahalagang malaman ang mga totoo at hindi totoo tungkol sa contraceptive. Subalit mahirap mang paniwalaan, madalas na ang katotohanan ay isinasantabi, at mas pinaniniwalaan ang mga sabi-sabi, kuwentong matatanda, at paniniwala na naipasa na sa ibang henerasyon.
Mga Karaniwang Maling Paniniwala sa Contraceptive
Maling Paniniwala sa Contraceptive #1: Pagiging Epektibo ng Withdrawal
Ang withdrawal method ay ang pagtanggal ng tite mula sa puke at paglayo nito sa labas na bahagi ng ari ng babae bago ang ejaculation upang maiwasan ang pagbubuntis. Tinatawag din ang paraang ito na coitus interruptus, o mas karaniwang “pulling out”. Ang katotohanan ay ang paraang ito, na nagtataguyod ng “natural na pagpaplano ng pamilya”, ay hindi lubos na mabisang paraan ng pagkontrol ng pagbubuntis.
Ang semilya ay nakapapasok pa rin sa puke kung hindi tama ang tiyempo ng pagtanggal ng tite o kung ang pre-ejaculation fluid ay naglalaman ng semilya. Bagamat ito ay walang anomang semilya, ang pre-ejaculation fluid ay maaaring humalo sa semilya sa paglabas nito mula sa tite. Sa katunayan, natuklasan ng isang pag-aaral ang semilya sa pre-ejaculation fluid sa higit 40% ng mga kalalakihan.
Ayon sa mga mananaliksik, tinatayang isa sa limang mag-asawa na nagsasagawa ng withdrawal method sa loob ng isang tao ang nabubuntis pa rin.
Maling Paniniwala sa Contraceptive #2: Hindi Ligtas ang Paggamit ng IUDs
Ang intrauterine device (IUD) ay hugis “T” at mas malaki nang kaunti sa maliit na barya. Ito ay kasya sa loob ng matris ng babae. Nakatutulong ito na maiwasan ang pagbubuntis sa pamamagitan ng pagharang sa semilya na marating at ma-fertile ang itlog ng babae. Ang agad na paggamit ng intrauterine device o intrauterine system (IUS) matapos ang aborsyon ay maiuugnay sa malaking pagbaba ng tyansa ng isa pang aborsyon.
Sa wastong paggamit ng IUD, ang posibilidad ng pagbubuntis ay mas mababa ng 1%. Subalit kahit na mataas ang kabisaan nito, kaunti ang bilang ng gumagamit ng intrauterine contraception sa UK at maging sa iba pang bansa.
Maling Paniniwala sa Contraceptive #3: Ang Morning-After Pill ay Hindi Mabisa mga Mas Mabibigat na Kababaihan
Ang morning-after pill ay tinatawag ding “Plan B” o emergency contraception pill. Ito ay iniinom matapos ang pakikipagtalik upang maiwasan ang pagbubuntis. Dahil ito ay hindi regular na contraceptive, dapat lamang itong inumin kung emergency. Kabilang na sa mga sitwasyong ito ay pagkatapos ng pakikipagtalik nang walang “barrier”, kung nasira ang condom habang nakikipagtalik, o kung nakalimutan ng babae na uminom ng birth-control pill bago o pagkatapos makipagtalik.
Bagama’t ito ay lubhang epektibong paraan, may maling paniniwala na ang morning-after pill ay hindi mabisa sa mga mas mabibigat na kababaihan. Binigyang-diin ng mga mananaliksik na kailangan ang marami pang pag-aaral upang matukoy kung ang mas mabigat na timbang at BMI ay dahilan upang bumaba ang kabisaan ng Plan B. Sa ngayon, maaari itong gamitin ng mga kababaihan anoman ang kanilang timbang.
Maling Paniniwala sa Contraceptive #4: Ang Morning-After Pill ay Sanhi ng Aborsyon
Isa pa sa mga maraming maling paniniwala sa contraceptive ay ang tungkol sa morning-after pill na nagiging sanhi ng aborsyon. Hindi ito totoo. Pinahihinto ng levonorgestrel ang pagbubuntis bago pa ito mangyari. “Pinipigilan ng Plan B ang ovulation, kaya kung ikaw ay buntis na, hindi na ito mabisa,” sabi ni Dr. Amy Roskin, isang OB-GYN at medical director ng The Pill Club.
Ang pag-inom ng morning-after pill ay maaaring makaapekto sa dalaw ng isang babae. Dahil dito, ipinapayo ng mga doktor ang regular na paggamit ng birth control kaysa sa paraang ito.
Pangunahing Konklusyon
Kumalat na sa maraming taon ang mga maling paniniwala sa contraceptive. Ito ay dahil sa iba’t ibang mga pamantayan at pagtingin ng lipunan tungkol sa pagbubuntis at pakikipagtalik. Sa maraming impormasyon sa kasalukuyan, mainam na basagin ng mga kalalakihan at kababaihan ang mga maling paniniwalang ito. At pag-alam sa katotohanan mula sa mga gawa-gawa lamang ay makatutulong sa atin upang matuto pa tungkol sa epektibong paggamit ng contraceptive.
Matuto pa tungkol sa Contraceptive dito.














