Ang pag-inom ng birth control pills sa unang pagkakataon ay maaaring maging nakakatakot lalo na kung hindi ka sigurado sa side effects na dapat mong asahan. Ano ang contraception pill at paano ito gumagana? Narito ang ilang mga karaniwang tanong tungkol sa pills na madalas gamitin na birth control method.
Mga Karaniwang Tanong tungkol sa Pills
Ano ang birth control pills?
Ang birth control pill isang gamot na naglalaman ng hormones. Sa loob ng isang araw, isang tableta nito ang inumin. Hindi lamang nito napipigilan ang pagbubuntis. Ginagamit din ito bilang gamot sa iba’t ibang mga kondisyon tulad ng polycystic ovarian syndrome.
Ano-ano ang mga uri ng birth control pills?
Isa rin sa karaniwang tanong tungkol sa pills ay ang mga uri nito. May dalawang uri ang contraception pill: combination pills at progestin-only pills. Ang combination pills, kilala rin bilang oral contraceptives o COCs, ay ang pinakakaraniwang birth control pills. Ang bawat pill ay naglalaman ng parehong estrogen and progesterone. Ang progestin-only pills naman ay kilala bilang POPs or mini pills. Ito ay birth control pills na ang laman lamang na hormone ay progestin.
Mabisa ba ang contraception pills?
Hangga’t naaalala mo ang pag-inom ng pill batay sa panuto ng pag-inom nito, may potensyal itong maging 99% na epektibo upang maiwasan ang pagbubuntis. Subalit sa realidad, ang tamang pag-inom ng pill ay kadalasang mahirap gawin; 9% ng mga kababaihang umiinom nitp ay nabubuntis pa rin nang hindi intensyonal.
Ang laging pag-inom nito ay ang pinakamabisang paraan upang makuha ang pinakamagandang epekto ng pill. Sa pamamagitan nito, napapanatili ang lebel ng hormone.
Paano napipigilan ng birth control pills ang pagbubuntis?
Napipigilan ng birth control pills ang pagbubuntis sa pamamagitan ng:
- Pagtigil o pagbawas ng proseso ng ovulation. Ang ovulation ay ang paglabas ng egg cells mula sa mga obaryo.
- Pinakakapal ang cervical mucus upang hindi makapasok ang sperm cells sa matris.
- Pinaninipis ang uterine lining upang bumaba ang tyansa na kumapit ang egg cell.
Kailan dapat uminom ng contraception pills?
Upang maging epektibo, kailangang uminom ng pill araw-araw. Makatutulong ang pag-inom nito sa parehas na oras ng bawat araw upang maalala ang pag-inom nito. Ang pag-set ng alarm sa cellphone ay makatutulong din.
Ano-anong side effects ang maaaring maranasan kung iinom ng contraception pills?
Kadalasan ding tanong tungkol sa pills ay ang side effects nito. Ang pag-inom ng pill ay maaaring maging sanhi ng mga sumusunod na side effects:
- Iregular na pagdurugo ng pribadong bahagi ng katawan
- Bloating
- Pabago-bagong emosyon
- Pagduduwal
- Pagsakit ng ulo
- Pagsakit o paninigas ng suso
Normal na mawala ang side effects na ito makalipas ng ilang oras.
Anong malubhang problemang pangkalusugan ang maaaring maging sanhi ng pag-inom ng pill?
Sa napakakaunting percentage ng mga kababaihan, ang pill ay maaaring maging sanhi ng deep vein thrombosis, atake sa puso, at strokes. Dagdag pa, maaari ding bahagyang tumaas ang tyansa ng pagkakaroon ng kanser sa sa suso. Isa sa 50, 000 mga tao na nasa edad 35 ang may tyansang magkaroon ng kanser sa suso dahil sa pag-inom ng contraception pill.
Sino-sino ang hindi dapat uminom ng contraception pill?
Ang contraception pills ay maaaring hindi angkop na inumin ng ilan. Kung ikaw ay nagtataglay ng isa o higit pa ng mga senyales na ito, kumonsulta sa iyong doktor upang masubukan ang ibang alternatibong contraceptive methods.
- Nakalilimutan ang araw-araw na pag-inom ng pill
- Nakararanas ng pananakit ng ulo o migraines
- May kamag-anak na may deep vein thrombosis
- Umiinom ng mga tiyak na gamot na maaaring maging dahilan upang hindi maging epektibo ang pill
- May medikal na kondisyon tulad ng altapresyon, sakit sa puso, o sakit sa atay
- Mahigit 35 taong gulang at naninigarilyo
- Sumailalim sa gamutan para sa kanser sa suso
- Hindi makagalaw sa loob ng mahabang panahon
Ligtas bang uminom ng contraception pill matapos manganak?
Kumonsulta sa iyong doktor upang malaman kung maaaring ituloy ang pag-inom ng contraception pill matapos manganak. Ang pag-inom ng pill habang nagpapasuso ay maaaring makapagpababa sa suplay ng iyong gatas at maaaring makapagpataas ng tyansa ng thrombosis. Dahil dito, papayuhan ka ng iyong doktor na hintayin munang mag-anim na linggo ang iyong anak bago muling uminom ng pill. Pagsapit ng ikaanim na linggo, tanungin ang iyong doktor kung maaari ka nang uminom muli. Maaari ding may ibang mas mainam na uri ng contraceptive methods na maaari mong gamitin.
Sa kabuoan ay ligtas ang pag-inom ng contraceptive pill tatlo hanggang anim na linggo matapos manganak kung ikaw ay hindi nagpapasuso. Kumonsulta sa iyong doktor, nars, o pharmacist para sa mga karagdagan pang impormasyon.
Posible bang mabuntis sa mga panahong umiinom ng inactive pills?
Ang tyansa ng hindi inaasahang pagbubuntis ay hindi napatataas ng pag-inom ng inactive pills. 99% ng mga pagkakataon, kung tama ang pag-inom, epektibo ang birth control pills tulad ng inaasahan. Subalit kung nakalimutang uminom ng isa o maraming pills sa panahon ng iyong cycle, maaaring magkaroon ng mas mataas na tyansa ng hindi inaasahang pagbubuntis. Kung nakalimutan ang pag-inom ng maraming pills, isaalang-alang ang paggamit ng ibang uri ng contraception tulad ng condom.
Kung tumigil sa pag-inom ng birth control pill at wala pa ring regla, ano ang dapat gawin?
Ang post-pill amenorrhea ay nangyayari kung makalipas ang ilang buwan ay hindi pa rin nagkakaroon ng regla. Ito ay dahil ang katawan ay hindi lumilikha ng hormones na kailangan para sa ovulation o regla habang umiinom ng pill. At maaaring kailanganin ng iyong katawan ng panahon upang magsimula muling lumikha ng hormones na ito.
Matapos itigil ang pag-inom ng pill makalipas ang tatlo o mahigit pang buwan, muling magsisimulang magkaroon ng regla. Subalit kung ininom ang pill upang makontrol ang iregular na cycle ng regla, maaaring hindi magkaroon muli ng regla sa loob ng ilang mga buwan. Upang malaman kung ikaw ay buntis, magsagawa ng pregnancy test sa kada ikatlong buwan at magpakonsulta sa iyong doktor.
Pangunahing Konklusyon
Ang contraception pills ay lubhang epektibo upang maiwasan ang pagbubuntis. Subalit kinakailangan ang palagiang pag-inom nito upang maging ganap na epektibo. Bagama’t ito sa kabuoan ay ligtas gamitin, maaari ding makaranas ng side effects dahil sa pag-inom nito. Kaya mainam na kumonsulta sa iyong doktor kung napagpasyahan mong simulan ang pag-inom ng pills.
Mainam ang paggamit ng contraception pills subalit maaaring hindi ito angkop na gamitin ng iba. May iba pang contraceptive methods na maaaring gamitin at magandang pag-aralan muna ang mga ito bago magpasyang uminom ng pills.
Matuto pa tungkol sa Contraception dito.














